ISANG mahabang private gravel road na nagtatapos sa isang private farm ang destinasyon nina Calista. Malaki ang dalawang palapag na bahay, may malaking tangke ng tubig, may solar panels sa bubong ng bahay pati na sa maliit na bahay kubo na katabi niyon. May mga nakaparadang Yamaha dirt bike, Honda big bike, Wrangler jeep at Toyota pick-up truck sa open garage.
Pagkababa ni Calista sa sasakyan ay iginala niya ang paningin sa paligid. Nag-iisa ang bahay sa gitna ng malawak na farm. Sa naaabot ng kanyang tingin ay napakaraming nakatanim na sari-saring gulay, namumunga na ang mga kamatis at bell peppers. May natanaw din siyang parang kulungan ng mga baboy at manok, may mga baka at kambing na nanginginain sa malawak na damuhan. Sa kalayuan ay mayroon ding mga hilera ng mga mangga, citrus trees, at dragon fruit. Mukhang kakahuyan na sa paanan ng burol ang dulo ng farm.
"Ang ganda rito, Declan!" bulalas niya. "Dito ka ba lumaki?" saka usisa niya kay Declan na kinukuha ang mga bagahe nila sa likod ng SUV.
"Basically," sagot nito.
Hanggang sa bumukas ang front door ng bahay, iniluwa niyon ang isang lalaking may hawak na tungkod, nasa late fifties o early sixties siguro ang edad. Lumapit ito sa kanila, hindi inialis ang tingin kay Calista.
Sinalubong ito ni Declan, at nang akmang kukunin nito ang kamay ng matanda upang magmano ay hinambalos nito ito ng tungkod sa binti.
"Buti naman at alam mo pa ang daan papunta dito!" sigaw nito rito.
Nagkamot ng ulo si Declan. "I told you I'm always busy."
Muli itong hinampas ng matanda, sa tagiliran tinamaan.
"'Lo, nakakahiya sa bisita," awat ni Declan.
"Sino siya?"
Si Calista naman ang napakamot sa batok nang mapanuring tingnan siya ng matanda.
"Ang bata pa niyan—." Muling bumaling ang matanda kay Declan, idinuro ng tungkod. "Nabuntis mo ba? Itinanan mo? Gagawin mo pang hideout ang farm ko, tarantado ka!"
Lumapit na ito kanya. "Kilala mo ba ako, hija? Naikuwento ba man lang ako sa iyo ng damuhong iyan?"
Hindi napigilan ni Calista na matawa. "Actually, kanina lang po sinabi sa akin ang tungkol sa inyo." Inilahad niya ang kamay. "Ako po si Calista. Hindi na po ako minor, at hindi po ako buntis."
"Tawagin mo na lang akong Lolo Tacio." Tinanggap nito ang pakikipagkamay niya. "Pero nagtanan kayo? Baka bigla kang hanapin sa inyo, hija."
Si Declan ang mabilis na sumagot. "Hindi po."
"Dinadalaw lang po kayo, magbabakasyon muna rito kung okay lang," segunda ni Calista.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Tacio sa kanila ni Declan. "O, siya," pagkuwa'y sabi nito. "Magsaing ka na, Imung."
"Imung?!" bulalas ni Calista kay Declan.
Si Lolo Tacio ang sumagot sa kanya. "Imung ang palayaw niyan dito. Hindi niya ba sinabi sa 'yo? Ano'ng tawag mo sa kanya?"
Napatingin si Calista kay Declan. Bahagya lang siya nitong tinanguan. Sabi na nga ba, alias lang ng gagong ito ang Declan.
"Declan po," sagot ni Calista kay Lolo Tacio.
"Declan?" Tumawa ang matanda. "Ambisyosong pagandahin ang pangalan. Imung lang ang tawag namin sa kanya rito, pag mga babae, Decky ang tawag sa kanya."
Sumabad si Declan. "Kayo nga, nakita ko noon na Ash ang palayaw n'yo doon sa isang text mate n'yo," banat nito sa matanda.
Pinigil ni Calista ang matawa, ngunit napabulanghit siya nang hambalusin na naman ni Lolo Tacio si Declan.
YOU ARE READING
Captive
RomanceONGOING / TO BE COMPLETED Book 1 of the Persephone Series Mob romance Age gap *Slow updates