12: Chemtrails Over The Country Club

5 2 0
                                    

Inspired by Chemtrails Over The Country Club by Lana Del Ray

"Babalikan kita, Elaine.", aniya habang nagtatago kami sa may likod ng tren. Tumango naman ako habang hinihigpitan ang pagkahahawak ko sa kamay niya.

"Mag-ingat ka, Marco. Hindi pwedeng mahuli ka nina Papa.", sagot ko sa kanya kaya napatitig ito sa aking mukha. Tinuyo naman nito ang mga luha kong nasa aking mga pisngi.

"Babalikan kita. Tandaan mo iyan, Elaine.", aniyang muli saka marahan akong hinagkan sa aking labi. Dahan-dahan ko namang pinakawalan ang mga kamay nito.

May babalikan pa ito sa may bayan habang dito na muna maghihintay sa kanya. Hindi sang-ayon ang mga magulang namin sa aming relasyon kung kaya ay pilit nila kaming pinaghihiwalay. Hindi ko maintindihan kung ayaw akong ipalapit ni Papa kay Marco.

Kilala si Marco sa pagiging magalang na binata. Isa nga rin ito sa pinakamakisig sa aming baryo. Matulungin din ito at marunong makipag-kapwa tao. Kung kaya naman ay hindi ko mawari kung ano ang kamaliang nakikita nila sa relasyon naming dalawa.

Hindi ko naman mapigilang hindi kabahan habang naghihintay. Kanina pang mga alas-11 umalis si Marco at madaling araw na. Tumayo naman ako saka tiningnan ang direksyon na siyang dinaanan nito kanina. Agad din naman akong napatago nang may makita akong mga kalalakihang may dala-dalang mga ilaw.

Nakuha ba ni Papa si Marco? Hindi ko naman mapigilang hindi kabahan. Baka kung ano ang gawin nila sa kanya. Dali-dali naman akong nagtago sa may mga halamanan dala-dala ang bag ko. Halos hindi na ako makahinga nang sinimulang halughugin nila ang istasyon. Napadasal na lamang ako habang iniisip ang kung anong mangyayari sa aming dalawa ni Marco.

Nakuha na nga kaya nila ito? Dapat ba ay bumalik nalang ako sa amin?

Napailing naman ako. May tiwala ako sa kanya. Babalikan niya ako. Babalikan ako ni Marco. Walang ni isa sa pangako niya ang hindi niya tinupad.

Matapos halughugin ng mga lalaki ang istasyon ay umalis din naman ang mga ito. Napasalampak nalang ako sa may lupa dahil tila ba nanglalambot na ako.

Kinaumagahan ay wala pa rin si Marco kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kung babalik na lamang ba ako sa baryo namin o tumungo sa pinagplanuhan naming destinasyon.

"Elaine!", nanlaki naman ang mga mata ko nang may marinig akong tumawag sa pangalan ko. Nilingon ko naman ito at nakita ko namang si Harriete pala ito.

"Nadakip ng mga tauhan ng Papa mo si Marco!", aniya kaya tila ba nawalan na ako ng pag-asang makakaalis pa dito.

"Pero gusto niyang ipasabi sa'yo na magiging maayos lang ang lahat. Ipinabibigay niya.", sabi ni Harriete kaya tumango naman ako saka tinanggap ang sulat na iniabot nito.

Mahal kong Elaine,

Mukhang kinakailangan mo munang mauna sa El Saido, mahal. Nakuha ako ng mga tauhan ng ama mo. Pero h'wag kang mag-alala, susunod din ako. Aayusin ko muna ang gusot na ito bago ako pupunta sa El Saido. Gamitin mo iyong pera ibinigay ko sa'yo. Sundan mo iyong mapang nasa supot. Nandun na naghihintay si Nana Elsing sa bahay na siyang hinanda ko para sa atin. H'wag kang mag-alala, Elaine. Magiging maayos lang ang lahat. Makakasunod ako sa'yo. Magkakasama tayo kaya manalig ka lang, Elaine. Alam mo namang mahal na mahal kita, hindi ba?

Mag-ingat ka ng palagi, mahal.

Marco

Hindi ko naman mapigilang hindi mapaiyak sa sulat nito. Niyakap naman ako ni Harriete.

"Kailangan mo nang umalis, Elaine. Nagpatulong na ang ama mo sa kapulisan kung kaya ay baka papunta na ang mga iyon dito. Ito, dalhin mo. Mga damit ko iyan na hindi ko na naman nagagamit, iyan na muna pansamantala ang gamitin mo pagdating mo roon. Mag-ingat ka, Elaine.", tumango naman ako sa sinabi ni Harriete saka ito muling niyakap.

"Maraming salamat, Harriete.", umiiyak kong sambit at napatango naman ito.

"Para saan pa ang pagkakaibigan natin kung hindi kita tutulungan, 'no?", aniya kaya napangiti naman ako. Niyakap niya pa akong muli saka ako hinatid sa tren na siyang sasakyan ko. Nginitian ko naman itong muli saka ako tuluyang sumakay sa tren.

Pagkarating ko sa El Saido ay agad ko ring sinunod ang mapa na siyang ibinigay ni Marco. Halos inabot ako ng dalawang oras sa paghahanap ng bahay na tinutukoy niya. Pagkarating ko roon ay bumungad nga sa akin iyong nabanggit niyang si Nana Elsing. Malugod din naman ako nitong tinanggap.

Naikwento ko naman ang nangyari at hindi naman nito mapigilang hind mag-alala sa lagay ni Marco. Pero aniya ay matalinong bata si Marco kaya alam niyang makakatakas din ito sa sitwasyong kinaiipitan niya ngayon. Pinagdasal naman naming dalawa na nawa ay nasa ligtas naka kalagayan ito.

Hinintay ko si Marco. Hinintay ko siya ng ilang araw. Hanggang ang araw ay naging linggo. At ang linggo ay naging buwan. At ang buwan ay naging taon. Hanggang sa ang taon ay naging dekada. Hinintay ko ito nang hinintay. Gabi-gabi ko itong pinagdasasal.

Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang may dumating sa bahay. Nagtatanong kung dito ba nakatira si Elaine Alcantara. Hindi ko alam kung bakit niya ako hinahanap pero akin pa rin itong pinatuloy.

"Anong kailangan ho nila?", tanong ko sa dalaga at bahagya naman itong ngumiti saka ako pinasadahan ng tingin. May isang kahon naman itong inilapag sa mesa. Hindi ko alam kung bakit tila ba may kirot sa aking dibdib.

"Kilala niyo po ba si Marco Delos Reyes?", tanong nito kaya tila ba hindi magkahumayaw ang pagkabog ng dibdib ko.

"Kakamatay lang po ni Tatay Marco, Nay.", sambit nung dalaga kaya hindi ko alam kung bakit tila ba ay nabingi akong bigla sa sinabi nito.

"A-ano?", tanong kong muli dahil sa hindi ko maintindihan ang sinasabi nito.

"Maglilimang taon na po ito sa nursing home namin. Sa pagkakaalam ko po ay isang dekada na mula nung makalabas ito sa kulungan. Hindi ko po alam kung bakit ito nakulong dahil nung pagkarating niya sa amin ay hindi na ito nakakausap ng matino.", kusa namang nagsituluan ang mga luha ko dahil sa ibinalita nito.

"Palagi niya hong nababanggit ang pangalan na Elaine kaya hula namin ay baka asawa niya ito. Noong naglilinis kami ng mga gamit niya ay nakita ko po ito. Puro sulat na para kay Elaine, iilang litrato niyo at iyong kwintas niya na hindi niya po hinahayaang may humawak dahil natatakot siyang mawala ito.", napahagulhol naman ako saka dahan-dahang binuksan ang kahon. Puno ito ng mga sulat.

Mas lalo akong napahagulhol nang makita akong kwintas na siyang ibinigay ko sa kanya. Pinangako niyang hindi niya ito hahayaang mawala sa kanya. Natahimik naman ang dalaga at hinayaan lang akong umiyak.

"Saan ba siya nakaburol? Alam mo ba kung saan siya ikinulong?", tanong ko dito at umiling naman siya.

"Sa may sementeryo ng San Isidro po siya ibinurol, Nay. Patungkol naman sa kung saan siya ikinulong ay hind ko rin po alam dahil sa hindi ito ipinagsasabi ng mga nakakataas.". sagot niya sa akin kaya napatango na lamang ako. Yinakap ang kahong puno ng mga sulat niya.

Huli man na ang lahat-lahat ay nakuha pa rin nitong bumalik sa akin. Hindi niya ako kinalimutan. Binalikan niya ako.

22 One Shots, 22nd BirthdayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon