KABANATA 1

19.6K 320 15
                                    

ALONTO MANOR

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

ALONTO MANOR

Nagkukumahog ang mga kasambahay at gayun na rin ang mga nagbabantay sa rantso dahil sa isang nakagigimbal na pangyayari. Alam naman ng karamihan na nalalabi na ang mga araw ng kanilang Senyora, si Senyora Hera Alonto, ang ina ni Alfonso.

Malubha na rin kasi ang sakit ni Senyora Alonto, at hanggang sa humina na ang katawan niya ay hindi siya pinabayaan ng kanyang asawang si Senyor Wilbert. Sa kabilang banda ay naroroon din ang kanilang nag-iisang anak na lalaki, si Alfonso. Hindi maitago sa kanyang mukha ang sakit na kanyang nararamdaman sa pagkawala ng kanyang ina. Bente anyos pa lang si Alfonso ngunit sa murang edad niya ay namulat na siya sa reyalidad. Habang siya ay nag-aaral ng abogasya sa mura niyang edad ay sinasabay niya na rin ang pamamahala sa kanilang hacienda. Maaga siyang iminulat ng kanyang ama dahil sa tingin nito ay iyon ang nararapat. Lumaking ilap sa mga tao si Alfonso at mas gugustuhin nitong mag-isa. Malamig siya sa mga tao at lahat ng mga taong nakakikilala sa kanya ay nirerespeto siya. Matalino si Alfonso at walang nakalulusot sa kanya at kahit nga ang kanyang ama ay sa kanya pa humihingi ng payo kung ano ang maaaring gawin.

Likas na mayaman at kilala ang mga Alonto noon pa man. Malawak ang kanilang lupain at kilala sila sa nagraramihang kabayong alaga. Tumatayong gobernador ang ama ni Alfonso kaya tanyag na tanyag ang kanilang pangalan. Matulunging tao Wilbert at halos lahat ng mga taong lumalapit sa kanya ay taos-pusong nagpapasalamat at tumatanaw ng utang na loob sa kanya. Iilan sa kanyang mga tinulungan ay binigyan niya ng matitirhan at ang ilan naman ay binigyan niya ng kabuhayan. Walang hindi tinulungan ang ama ni Alfonso. Gusto rin ni Wilbert na sumunod sa kanyang mga yapak ngunit iba ang pangarap ni Alfonso, gusto niyang maging abogado at hindi naman iyon kenondena ng kanyang ama. Samantalang ang kanyang ina naman ay suportadong-suportado siya sa kahit na anong pangarap ng kanyang anak.

Ngunit ngayon na namamaalam na ang kanyang ina ay hindi naikubli ni Alfonso ang kanyang mga luha. Mahal na mahal niya ang kanyang ina higit pa sa kanyang ama. Ito lang kasi ang kakampi niya sa tuwing napanghihinaan siya ng loob. Malapit si Wilbert sa mga ibang tao ngunit malayo naman ang loob ng kanyang anak sa kanya.

"Mahal kong anak, Alfonso, halika ka rito," mahinang tawag ng kanyang ina at agad namang tumugon si Alfonso. Lumapit siya kanyang ina at agad itong hinagkan.

Mahina na ang katawan ng kanyang ina kaya ilang araw na rin itong nakahiga lamang sa kanyang kwarto at paminsan-minsan ay dinadala siya ng kanyang asawa sa kanilang hardin upang makalanghap ng sariwang hangin.

"Tahan na at huwag ka ng umiyak. Napakaguwapo ng aking anak at paniguradong maraming magkakandarapa sa'yo," wika ng kanyang ina.

"Ma, nakuha ninyo pang magbiro," ani niya sabay halik sa kamay ng kanyang ina.

Pagkatapos nilang mag-usap ay agad namang iniwan ni Alfonso ang kanyang ina at ama. Alam at ramdam niyang lubusang naghihinagpis ang kanyang ama. Mahal na mahal ni Senyor Wilbert ang kanyang asawa higit pa sa kanyang sarili. Doon lang din nakita ni Alfonso na lumuha ang kanyang ama sa harap ng kanyang ina.

MAKALIPAS ang dalawang linggo, dalawang linggo ring hindi pumapasok sa eskwelahan si Alfonso. Naghihinagpis pa rin siya sa pagkawala ng kanyang ina ngunit isa sa mga ibinilin ng kanyang ina ang patuloy pa ring tumatakbo sa isipan niya. Hindi niya lubos maisip na sa ganoong kalagayan ng kanyang ina ay nagawa pa nitong mag-ampon. Kilala niya ang matalik na kaibigan ng kanyang ina at iyon ay si Mrs. Shelly Alacantara, isa sa mga mayayamang pamilya ngunit naghirap dahil sa malaking atraso ng kanyang asawa si Mr. Gabriel Alacantara.

Nabaon sila sa utang dahil sa umano ay naloko siya ng kanyang mga kasosyo sa negosyo. Lahat ng kani-kanilang mga ari-arian ay agad na kinuha ng bangko. Isang malaking dagok din ang kinaharap ni Mrs. Alacantara at gayun na rin sa kanilang kaisa-isang anak na babae. Sinundan pa ng isang trahedya nang si Mrs. Alacantara ay nagkaroon din ng malubhang karamdaman at agad ding sumakabilang buhay. Samantalang ang kanilang anak ay nasa poder ng kanyang mga tiyahin ngunit nabalitaan ito ni Senyora Hera na inaalipusta at ginagawang kasambahay ng kanyang mga tiyahin kaya agad niya itong kinuha at agad na nilakad sa legal na proseso.

Ngunit iba ang naging takbo ng sitwasyon dahil na rin sa mamamatay na ang kanyang ina. Ibinilin nito sa kanya ang isang sampung taong gulang na babae. Hindi naman kumontra ang kanyang ama sa huling hiling ng kanyang asawa.

Inihabilin ito mismo ng kanyang ina sa kanya at binibigyan siya ng karapatan sa lahat. Sumulyap si Alfonso sa bintana at nakita niya ang isang sasakyan na binabaybay ang direksyon papunta sa kanilang bahay. Maalikabok ang daan at mainit na para bang nakikisama ang panahon sa masalimuot na pangyayari sa kanyang buhay. Iyon na yata ang sasakyan ng batang babaeng mapupunta sa kanyang poder. Sa murang edad niya ay tila ba may nakabinbin pang isang mabigat na bagay sa kanyang mga balikat. Alam niyang wala namang pakialam ang kanyang ama rito hangga't hindi ito nakasasagabal sa kanya.

Napasuklay si Alfonso ng kanyang buhok gamit ang kanyang mga daliri at napabuntong hininga. Agad naman siyang tumayo at lumabas upang salubungin ang taong paparating. Wala ang kanyang ama dahil may importante itong inaasikaso. Halos ilulong nito ang sarili sa trabaho upang mawaksi sa kanyang isipan ang kawalang presensya ng kanyang ina. Hindi na nga naalala ng kanyang ama ang kanyang mismong kaarawan.

Dinig ni Alfonso ang pagtigil ng sasakyan sa tapat mismo ng kanilang tahanan. Agad namang lumabas si Hilda ang mayordoma ng mga kasambahay kasunod niya ang tatlong kasambahay. Tamang-tama rin ang paglabas ni Alfonso.

Sa pag-aakalang may makasasalubong siyang tagapag-alaga ng batang babae ay sandal siyang natigilan nang ang lumabas lamang sa sasakyan ay ang isang maliit na batang babae. Agad namang humarurot ang sinasakyan nito nang makalabas ang batang babae na animo ay naghatid lamang ng pagkain o bagay. Tinitigan naman ni Alfonso ang sasakyan hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin.

"Ano'ng pangalan mo, iha?" tanong ni Hilda sa tila nahihiyang bata. Hawak-hawak nito ang isang maliit na bag. Iyon lamang ang kanyang dala-dala.

Hindi lubos maisip ni Alfonso kung ano ang nangyari sa batang babae dahil sa hilatsa pa lang ng pagmumukha nito ay para bang pinabayaan sa kalye. Nakadamit naman ito ng maayos ngunit halata ang punit-punit na laylayan ng kanyang bestida. Payat din at malamlam ang mga mata.

Naikuyom naman ni Alfonso ang kanyang kamay dahil sa galit. Hirap siyang paniwalaan na ang batang nasa kanyang harapan ay ganito na ang kinakaharap sa buhay.

Maamong tumingin naman ang batang babae kay Hilda at sumagot. "Amanda po, Ma'am."

Ngumiti naman ang mayordoma at inipid ang iilang hibla ng buhok ng batang babae sa tainga nito. "Amanda, napakagandang pangalan na ang ibig sabihin ay karapat-dapat kang mahalin. Naririto ka ngayon sa manor ng mga Alonto, Amanda. Lahat kami rito ay pamilya mo. Heto, si Senyor Alfonso, siya ang anak ng may-ari ng lahat ng mga ito," pagpapakilala ni Hilda kay Alfonso at doon nagtama ang kanilang mga mata. Tila natigilan naman si Alfonso nang masilayan niya ang mga mata ng batang babae, kulay abo ito na para bang may halong kulay na papalubog ng araw.

"Tara na sa itaas at ipapakita ko ang kwarto mo tiyak akong pagod ka sa naging byahe mo," dagdag ni Hilda sabay kuha ng bag na bitbit-bitbit ng batang babae.

Tumango naman si Hilda kay Alfonso bago tuluyang umalis. Inihatid na lamang ng tingin ni Alfonso ang mga ito at nagpasyang mamaya na lamang kauusapin ang batang babaeng ngayon ay nagngangalang Amanda. 

Sa ngayon ay hahayaan niyang makapagpahinga na muna ito. 

Bakit Labis Kitang MahalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon