Sumuko sa mga awtoridad si Celestine pagkatapos nitong isiniwalat sa kanyang nag-iisang kaibigan ang kanyang ginawa. Sintensyahan siya ng pang habang-buhay na pagkabibilanggo.
"Celes, bakit ba kasi ginawa mo 'yon?" tanong ni Marie, ang kanyang matalik na kaibigan.
Dinalaw niya si Celestine sa bilangguan at dinalhan na rin ng pagkain. Walang buhay na tinitigan siya ng dalaga aat mugtong-mugto pa ang mga mata nito. "Hindi ko sinasadya, Marie. Hindi naman iyon ang inutos ko. Sinabi ko na takutin lamang ang mga ito ngunit –" Hindi na nito natapos ang kanyang sasabihin dahil umiiyak na naman ito.
Napahawak ito sa kanyang dibdib na para bang naninikip sa sakit. Doon napansin ni Marie na nangangayayat na ang dalaga dahil kitang-kita na niya ang mga bukong-bukong nito sa katawan. Malalim na rin ang mga mata nito at halos hindi makapagsuklay. Hindi makapaniwala si Marie na si Celestine ang nasa kanyang harapan dahil segu-segundo noon ay halos hindi ito mapakali kapag may ilang hiblang hindi naayos sa kanyang buhok at maya-maya ay nag-aayos na naman.
"Mahal ko siya, Marie at alam mo 'yon. Ilang beses ng may nangyari sa amin. Alam ko naman noong una pa lang pero hindi ba matututunan naman ang lahat? Akala ko ay matututunan niya rin akong mahalin," wika ni Celestine at umaagos na sa pisngi nito ang kanyang mga luha. "Ang sabi ko sa kanya ay huwag puruhan ang dalawa dahil baka mapahamak si Alfonso. Ang gusto kong mapuruhan ay ang babaeng 'yon at hindi si Alfonso. Nagkamali siya at hindi ako!" dugtong pa nito.
"Ngunit alam mong hindi ka mamahalin ni Alfonso, hindi ba? At alam mo 'yon, Celes. Hindi ako nagkulang sa'yo bilang kaibigan mo na sabihan kang masasaktan ka lang sa huli ngunit tingnan mo ang sarili mo. Hindi na ikaw 'to. Nalunod ka na ng sarili mong kabaliwan, Celes," wika ni Marie at pagak namang natawa si Celestine.
Alam ni Marie na sa dinarami-raming mga lalaking naging kasintahan ng dalaga ay iisang lalaki lang ang umikot ang kanyang mundo at 'yon ay walang iba kung hindi si Alfonso. Ngunit sa pagkakakilala niya kay Alfonso ay wala itong kaamor-amor pagdating sa pag-ibig at naging klaro naman ang binata sa dalaga. Alam naman iyon ni Celestine ngunit siya lang naman ang umasa sa binata kahit alam na nitong may kinababaliwan na ito.
Nang malaman naman ito ni Celestine ay abot bundok ang kanyang inggit at selos sa babaeng nagngangalang Amanda. Ginawa ni Celestine ang lahat upang maakit si Alfonso ngunit wala pa ring nangyari. Araw-araw at gabi-gabi ay naglalasing ito dahil sa binata at laging naroroon si Marie upang tulungan ito. Ulila na rin kasi si Celestine at wala na itong masasandigan kung hindi ang kanyang nag-iisang kaibigan.
"Nadala ako ng galit, Marie. Ang gusto ko lang naman ay mahalin niya ako. Hindi ko ginusto ang nangyari," mahinang wika nito na may mga hikibi. Hinila niya ang mga kamay ng kanyang kaibigan at bahagyang pinisil. "Ano'ng kalagayan ni Alfonso? Kumusta siya? Namatay ba ang babae? Sana siya ang namatay," dugtong pa nito at halos mulat na mulat ang mga mata.
Nanindig naman ang mga balahibo sa kamay ni Marie at natakot sa kanyang kaibigan. Hindi niya aakalaing maririnig niya ito mismo kay Celestine. Mahal niya ang kanyang kaibigan at kung nasa mali itong landas ay hindi niya ito kukunsituhin.
"Celes, naririnig mo ba ang sarili mo? Mangilabot ka at matakot ka sa Diyos. Hindi mo alam ang iyong sinasabi," wika naman Marie at hindi sinagot ang katanungan ng kanyang kaibigan.
Kumalas naman sa pagkahahawak si Celestine kay Marie at tumayo. Tiningala naman siya ni Marie at walang ano-ano ay bigla itong sumigaw. Nataranta naman si Marie at akmang hahawakan ang dalaga ngunit agad itong umiwas at patuloy pa rin sa pagsigaw.
"Kasalanan mo ang lahat ng ito, Alfonso! You will rot in hell with me! Kahit sa kamatayan ay magsasama tayo! Alam kong mahal mo rin ako at hindi siya! Mamatay na siya!" paulit-ulit niyang sigaw hanggang sa may apat na guwardiya ang pumasok at agad na binuhat si Celestine.
Lagi itong nagwawala sa loob at tila kinakausap din nito ang sarili. Ililipat na rin kasi si Celestine sa isang mental hospital ngunit bilang isang bilanggo pa rin na kahit gumaling ito ay hindi pa rin papalayain.
Tila naluluhang tinitigan naman ni Marie ang kanyang kaibigan at kahit na sabihan niya ang mga guwardiya na huwag itong sasaktan ay imposible dahil nanakit na rin si Celestine. Kahapon ay nabalitaan niyang muntik na nitong maritlyuhin ang babaeng kanayng kasama sa kulungan.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang ganito na ang nangyari sa dalaga. Nahahabag siyang pagmasdan si Celestine ngunit kahit na ganoon ay hindi niya pa rin ito iiwan. Lagi niya pa rin itong dadalawin at dadalhan ng paborito nitong pagkain kahit hindi ito bibigyang pansin ng dalaga. Dadalhan niya rin ito ng paborito nitong bulaklak dahil baka iyon pa ang maging gamot ng dalaga upang kumalma.
Nakaramdam ng kawalang pag-asa si Marie para kay Celestine ngunit hindi niya pa rin ito iiwan sa ere. Naririnig niya pa rin ang sigaw ni Celestine at nasasaktan siya para rito. Mabigat ang kanyang mga paang naglakad palabas ng presinto.
Gustong dalawin ni Marie si Amanda at Alfonso dahil nabalitaan niyang malala ang mga kalagayan nito ngunit tila wala siyang mukha na magpakita rito dahil mismong kaibigan niya ang naging sanhi kung bakit sila nasa bingit ng kamatayan. Gusto niyang humingi ng kapatawaran para kay Celestine. Wala siyang pakialam kung itatakwil siya ng mga ito. Ipagdarasal niya pa rin ang paggaling ng dalawa.
BINABASA MO ANG
Bakit Labis Kitang Mahal
RomansAng pamilyang Alonto ay isang mayaman at kilalang pamilya. Ngunit nang mamatay ang ina ni Alfonso ay ipinagbilin ng kanyang ina na alagaan ang isang batang babae na siyang anak ng kanyang yumaong matalik na kaibigan. Labag man sa kalooban ni Alfons...