KABANATA 38

4.9K 139 19
                                    

Isang hithit ng sigarilyo ang ibinuga ni Enzo habang tinatanaw ang papalubog na araw sa karagatan. Ilang oras pa lang ang nakalilipas ay nakararamdam na siya ng pangugulila sa dalaga.

"Kaya mo pa ba?" tanong ni Welma nang mamataan niya ang binata na mag-isa at puno ng kalungkutan ang mukha.

Saksi si Welma sa pinagdaanan ng binata at lagi nitong inuutal ang pangalan ng dalaga. Alam niyang labis ang pagmamahal ng binata para sa dalaga ngunit nang malaman nito ang katayuan ng dalaga at ni Alfonso ay agad itong umalis at nagpakalayo-layo. Lubos itong nasaktan at noon lang din nakita ni Welma ang kanyang alaga na umiyak. Ngunit isang gabi nang tumawag ang dalaga sa kanya ay walang pagdadalawang-isip na agad niya itong sinalo. Ngayon tila nasasasakhihan na naman niyang muli ang muling pagbagsak ng binata.

Nilingon naman siya ng binata at ngumiti ngunit hindi naman ito abot sa kanyang mga mata. "Kinakaya dahil ginusto ko naman 'to, Nanang," sagot nito sa kanya at pinatay ang sigarilyo.

"Bakit ba sinasaktan mo ang sarili mo para sa kanya, anak? Hindi naman sa ayaw ko sa kanya. Alam kong mabuti siyang tao ngunit ang makita kang nagkakaganyan ay hindi na maganda. Marami ka pang makikilala na mas hihigit pa sa kanya," wika naman ni Welma at tumango naman doon ang binata.

"Totoong maraming babae na marahil ay hihigit pa sa kanya ngunit nang mag-krus ang aming mga landas ay nasabi ko sa sarili kong siya ang babaeng nakikita kong makasasama ko sa habang buhay. Nakatatawa mang isipin ngunit 'yon ang naramdaman ko, Nanang," mahabang sagot ni Enzo at napangiti naman doon si Welma.

"Hindi ka na nga bata kung mag-isip. Ano'ng gagawin mo ngayon?" tanong ni Welma habang nililigpit ang iilang mga puting kumot sa higaan.

Bahagyang natahimik si Enzo bago ito sumagot. "Maghihintay ako ng tamang panahon. Hindi ko siya aagawin. Hindi ako gagawa ng karahasan dahil alam kong ayaw niya 'yon. Alam kong makakapag-isip din si Amanda ng maayos. Hindi naman ako nagmamadali, Nanang. She deserves better so I will be a better man for her," wika ni Enzo at tila naantig naman ang matanda sa kanya at napangiti.

GABI na nang magpasya si Enzo na umalis at bumyahe papunta kay Amanda. Wala siyang pakialam kahit gabi na at kung ano'ng oras pa siya makararating sa kanyang destinasyon. Isa lang ang kanyang gusto at iyon ay ang masilayan ang dalaga.

Pinadalhan niya na rin ito ng mensahe na pupuntahan niya ito ngunit wala siyang nakuhang sagot. Pinigilan din siya ni Welma dahil na rin sa madilim na ang daan ngunit wala na rin itong nagawa dahil alam niyang hindi niya mapipigilan ang isang Enzo Gabriel.

Alam ni Enzo na mas lamang si Alfonso sa kanya at alam din niyang mahal na mahal siya ng dalaga ngunit handa pa rin siyang maghintay hanggang sa wala na siyang hihintayin pa. Isa lang ang pinanghahawakan niya at iyon ay hindi pa kasal ang dalawa. Doon ay mayroon pa siyang nakikitang pag-asa.

Ngayon lang siya naging ganito sa isang babae at alam niyang mas mabibigyan ng tamang pagmamahal ang dalaga sa piling nito. Alam niyang hindi siya perpekto pagdating sa pag-ibig ngunit kaya niyang isugal ang lahat para sa dalaga.

Ilang oras din ang kanyang binyahe bago siya nakarating sa kanyang destinasyon. Mag-aalas singko na rin ng umaga ngunit hindi man lang siya nakaramdam ng pagod. Alam niyang sa mga oras na ito ay gising na ang dalaga at agad nitong ipinapasyal ang paborito nitong kabayo.

Ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa hindi kalayuan. May alam siyang daan na walang sisita at makakakita sa kanya. Hindi lang ang masilayan ang nais niya kung hindi ang makausap ito kahit sandali lamang.

Nang makapasok siya ay wala pang gaanong trabahador sa manor kaya kahit papaano ay malaya siyang makapaglinga-linga upang hanapin ang dalaga. Alam niya ring naroroon si Alfonso. Ilang minuto pa lang siyang nakatayo ay hindi nga siya nagkamali at nakita niya ang dalaga.

May dala-dala itong puting dyaket na kanyang isinusuot habang naglalakad patungo sa kuwadra. Hinintay ni Enzo na makalabas ito kasama ang kanyang kabayo. Wala pang ilang segundo ay sakay-sakay na ang dalaga ng kanyang kabayo at papunta ito mismo sa kanyang direksyon. Hinintay muna ni Enzo na maging malapit ito sa kanya bago siya tuluyang lumabas sa kanyang pinagtataguan.

Nagulat naman ang dalaga nang makita niya ang binata. Agad niyang pinatigil ang kabayo at dali-dali naman itong bumaba.

"Enzo?" tawag ng dalaga at gulat na gulat pa rin ito sa kanya.

Papasikat na rin ang araw at unti-unting nasisilayan ni Enzo ang magandang mukha ni Amanda. "Surprise?" wika ni Enzo at bahagyang natawa naman ang dalaga sa kanya.

Bago pa man makapagsalitang muli si Enzo ay agad siyang niyapos ng mainit na yakap ng dalaga. Natigilan naman si Enzo at bakas sa kanyang mukha ang pagkagulat ngunit agad din siyang nabawian ng ulirat at ibinalik ang yakap sa dalaga. Bahagya niya pang naamoy ang mabangong buhok ng dalaga na tila amoy strawberry.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" agad na tanong ni Amanda nang maghiwalay na sila sa pagkayayakap.

Nag-iwas naman ng tingin ang binata at napakamot sa kanyang batok. "Gusto lang kitang makita. Kumustahin kung ano na ang nangyari sa'yo rito," mabilis na pagsagot ni Enzo at hindi man lang makatitig ng diritso sa mga mata ni Amanda.

Agad namang tumamlay ang timpla ng dalaga at lumungkot ang mga mata nito ngunit agad ding napalitan ng ngiti na hindi naman abtot-abot sa mga mata nito. "Ayo slang naman ako rito, Enzo. Huwag mo akong alalahanin. Hindi na ako nakasagot sa mensahe mo kasi wala na rin akong load. Ang layo-layo ng binyahe mo papunta rito. Alam kong pagod na pagod ka na. Gustuhin ko mang ipagluto ka ay hindi maaari. Naririto kasi siya," wika nito at alam naman ng binata kung sino ang tinutukoy nito.

"Ayos lang, Amanda. Ang gusto ko lang naman ay ang makita kang maayos. Nag-alala kasi ako nang husto sa'yo," wika ni Enzo at napangiti naman si Amanda. "May ipagtatapat sana ako sa iyo, Amanda," dugtong pa nito at humugot naman siya ng malalim na paghinga dahil ayaw na rin niyang magpatumpik-tumpik pa.

"Ano 'yon?" tanong ni Amanda habang titig na titig sa mga mata ng binata.

Sandaling namayani naman ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Unti-unti namang lumabas ang sinag ng araw at malamyos na hangin ang sumuklay sa mahabang buhok ng dalaga.

"Mahal kita, Amanda."

Bakit Labis Kitang MahalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon