Napatingala ako nang makita ko ang pagdating ni Alvin. Inabot niya sa 'kin ang isang burger at coke.
"Salamat," sambit ko.
Kinuha niya ang sarili niyang burger at kinagatan ito bago niya naisipang maupo sa tabi ko.
Nakaupo kami ngayon sa isang bench sa park, hindi kalayuan sa bahay ng lolo at lola ko. Dito ko siya naisipang dalhin matapos ko siyang hilahin kanina.
Pinagmasdan ko muna ng ilang segundo si Alvin bago ako kumagat sa burger ko.
Konti na lang ang tao sa park kasi gabi na. Ang hindi alam ng nakararami, mas maganda pagmasdan ang park kapag gabi dahil sa mga magagandang ilaw na nakasabit sa mga puno.
Perfect rin na lugar 'to para pag-usapan namin ni Alvin ang nasaksihan ko kanina.
"Tungkol sa nangyari kanina," panimula ko.
Mula sa pwesto ko ay napansin kong saglit na natigilan si Alvin bago niya ipinagpatuloy ang pagkain niya.
"Okay ka lang ba?"
Tinapos niya muna ang pagnguya bago siya bumuntong-hininga at tumango. Mula sa pwesto ko ay nakita ko ang mapait niyang mga ngisi.
Humugot ako ng hangin bago nagsalita. "Alvin, alam kong hindi tayo close at mukhang wala ka ring balak na makipagkaibigan sa 'kin pero andito ako. Andito ako ngayon, handang makinig sa 'yo."
Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong lumunok habang pinapanood siyang kumain. Simula pa lang kasi noon, yung iba ang madalas na makipagkaibigan sa 'kin. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na ako mismo ang gagawa ng paraan para kaibiganin ang isang tao.
"Siguro iniisip mo ngayon, ayan na naman ang pakialamera at tsismosang si Lorie. Nakikialam na naman sa buhay ko, ang totoo concern lang talaga ako sa 'yo. Lalo na ngayong nalaman ko yung sitwasyon mo sa bahay niyo. Sana bigyan mo 'ko ng pagkakataon na matulungan ka, Alvin."
Binuksan niya ang coke niya at uminom siya ng konti. Napayuko ako dahil sa hiya. Baka nga talaga ayaw niya lang akong maging kaibigan. Pero hindi ito ang tamang panahon para sumuko, Lorie.
Sumandal siya sa sandalan ng bench kaya ngayon ay mas nakikita ko na ang mukha niya. Kagaya ng dati, wala siyang ekspresyon.
Kumagat na lang ulit ako sa burger ko at pinagmasdan ang dumadaang mga tao sa harap namin. Parami nang parami na rin ang mga tao sa paligid. Mayroong mga magka-pamilya. Mayroong magjowa. May iba ring mag-isa lang at pinapasyal ang alaga nilang aso.
"Namatay ang pamilya ko noong bata pa ako." Natigilan ako nang magsalita si Alvin.
Tiningnan ko siya at nakatingin lang siya sa kawalan. Hindi ako umimik at hinintay ko siyang magsalita ulit.
"Papunta kami ng airport nun. Plano namin magbakasyon sa malayo pero na-aksidente kami sa daan. Ang Mom ko, ang Dad ko, pati na rin yung bunso namin. Ako lang ang natira."
May kung anong namuo sa lalamunan ko na mas naging dahilan para hindi ako makapagsalita.
Sa kaibuturan ng puso ko ay nakaramdam ako ng tuwa. Dahil sa wakas, pinagkatiwalaan niya na ako.
"Simula noong araw na 'yun, sa Tita ko na ako nakikitira. Sila ang kumuha sa 'kin sa ospital. Yun din ang simula ng miserable kong buhay." Nakita ko siyang uminom ng coke at pagkatapos ay tumawa ng mapakla.
"Iba talaga ang nagagawa ng pera. Kapag may pera ka, may silbi ka."
Nalungkot ako sa huli niyang linya. Isa sa mga bagay na madalas simulan ng away sa isang pamilya ay pera o mga bagay na umiikot lang din sa pera.
"May perang iniwan ang parents ko pero hindi ko ginalaw yun. Kaya ayan, talak nang talak si Tita Chochie. Gustong-gusto niyang makuha ang pera pero alam niyang hindi pwede dahil hindi ako pumapayag. Kaya pinapahirapan niya ako. Sinasaktan. Pero kahit anong gawin nila, kahit bugbugin pa nila ako araw-araw, wala pa ring makakapantay sa sakit na naramdaman ko nung nalaman kong wala na akong pamilya."
Napansin ko ang kaunting pagkislap ng mata ni Alvin. Yumuko siya at nagpahid ng mata.
Tumawa siya. "Ikaw naman," aniya habang nakayuko pa rin.
"Huh?"
"Ikaw naman kamo magkwento," tugon niya at nag-angat ng tingin.
"Ako?"
Gumuhit mula sa mga labi niya ang matatamis na ngiti. Tumawa siya at ibinalik ang tingin sa kawalan.
Napakurap ako ng ilang beses dahil hindi ako makapaniwalang makikita ko ang ganitong klaseng ngiti ni Alvin. Parang biglang nagwalaan ang mga pasa niya at biglang umamo ang mukha niya sa paningin ko.
Hindi ko namalayang nakangiti na rin pala ako.
"Dapat dalasan mo na 'yan ah."
Bahagya akong natawa nang lumingon siya sa gawi ko nang nakakunot ang noo.
"Yung ngiti mo. Dalasan mo na," nakangiting tugon ko.
Umiwas siya ng tingin at tumayo na. "Kailangan ko ng umuwi, ikaw rin."
"Oo nga pala." Napakamot ako sa batok. Tumayo ako at tumingin sa paligid. Hindi ko alam kung paano magpapaalam dahil sa ilang.
"Mauna--"
"Dito--"
Mas lalong naging iba at nakakailang ang ihip ng hangin nang magkatinginan ulit kaming dalawa.
Ngumiti siya. "Mauna na ako, Lorie. Salamat."
Nagsimula na siyang humakbang paalis ng park. Kasabay ng paghakbang niya ay saka ko lang mas napagtuonan ng pansin ang kabog ng dibdib ko. Ang lakas at bilis ng kabog nito. Para bang gusto na nitong kumawala.
Nang mawala na siya sa paningin ko ay ako naman ang nagsimulang maglakad papunta sa ibang direksyon.
Nagkwentuhan pa kami ng mga magulang ko pagkauwi ko. Pagkatapos ay nagpaalam na akong matutulog na dahil may pasok pa bukas. Ang akala ko rin ay makakatulog na agad ako pero.. bigla kong naisip si Alvin. Paniguradong uuwi pa rin siya sa bahay ng Tita niya kahit na ganun ang trato nito sa kanya.
Blood is no longer thicker than water.
Minsan sa buhay, kung sino pa yung kadugo na 'tin, sila pa yung naghahangad na bumagsak tayo. Isa sa mga nakakalungkot na reyalidad sa panahon ngayon.
Ipinikit ko ang mga mata ko at nagdasal. Hindi lang para sa amin ng pamilya ko kundi para na rin sa mga taong nangangailangan at nahihirapan.
Lalong-lalo na si Alvin.
--
A/N: What a very tagal update, huhu! I'm sorry! Babawi na po ako!
BINABASA MO ANG
Break Through
Teen Fiction[ ON-GOING ] Lorie lived her life together with her asthma. Amidst her life full of positivity, she met a guy who seemed to not know what happiness is. Meeting the broken version of Alvin taught her that life is not the way she used to believe what...