Chapter 16: Her Condition

19 6 4
                                    

"She almost died."

Halos pigil-hininga ang lahat ng nasa loob ng kwarto ni Lorie. Nakaupo sa magkabilang-gilid ni Lorie ang mga magulang niya habang nasa tabi ng ina ng huli si Gwen. Tahimik ring nakikinig at nakaupo sa malambot na sofa sina Sabine, Carlo, Lowe, Kairo, Maris, at Alvin. 

Nag-aalalang hinawakan ni Gwen ang magkabilang-balikat ng ina ng kaibigan.

"Mabuti na lang at nadala niyo agad siya dito. Kung hindi ay baka tuluyan ng nahuli ang lahat," may kalungkutan sa boses ng doktor. 

Simula bata pa lang si Lorie ay siya na ang nagsilbing doktor nito. Hindi niya inaasahang aabot sa ganito ang buhay ng dalaga.

"Maraming salamat po at ginawa niyo ang lahat," naluluhang ani ng ina ni Lorie. 

Ngumiti ng kaunti ang doktora. "Maaari lamang na magpasalamat kayo sa itaas dahil binigyan niya kayo ng pagkakataong makasama pa ang anak niyo," anito. 

Maagang namatay ang anak ng doktora kaya noong makilala niya si Lorie at nalaman niya ang kondisyon nito, pinangako niyang gagawin niya ang lahat para rito.

"Hindi biro ang kondisyon ni Lorie. At hindi rin biro ang nangyari sa kanya ngayon. Pumasok siya ng eskwelahan nang hindi dala ang inhaler niya," ani ng doktora.

"Baka nakalimutan lang po ng anak ko. Minsan po kasi ay inaatake siya ng hika sa bahay kaya malamang ay naiwan niya po sa bahay namin ang inhaler niya," depensa naman ng ina. 

Bumuntong-hininga ang doktora. "Next time, paaalalahanan niyo si Lorie para hindi na maulit 'to."

Marahang tumango ang mga magulang ni Lorie pati na rin si Gwen. 

"Hindi na po bumabata ang anak ninyo. Kailangan ng dobleng ingat. Nakakamatay po kapag hindi agad nagamot si Lorie kapag inatake siya. Grabe ang mangyayaring compression sa mga ugat. Magiging dahilan yun ng sobrang hirap sa paghinga. And what happens if the person can't breathe? She will die," paliwanag ng doktora. 

Mas lalong sumibol ang pag-aalala sa puso ng mga taong nakakarinig sa sinasabi ng doktor lalo na si Alvin. Ganun pala kalala ang kondisyon nito.

"For now, let's wait for her to wake up. After that, we will run some tests. I'll go ahead now," paalam ng doktora. Marami pa kasi itong pasyente sa ward na kanina pa siya hinihintay. Nagbigay lamang talaga ito ng oras para ipaliwanag sa mga nagmamahal kay Lorie kung gaano ka-delikado ang nangyari rito. 

Tumayo silang lahat. Nakipagkamay ang mga magulang ni Lorie at nagpasalamat bago umalis ang doktora. 

Nagpakawala ng malalim na hininga ang ilan sa kanila. Marahil ay hindi nila kinaya ang tensyon nang ipaliwanag ng doktor ang sakit ni Lorie.

"Maraming salamat sa inyong lahat. Maraming salamat at tinulungan niyo si Lorie," pagpapasalamat ng ina ni Lorie sa mga kaibigan nitong nakaupo sa sofa na nasa gilid ng kama ng anak.

"Wala pong anuman," nakangiting sagot ni Lowe.

"Maraming salamat sa inyo. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon," wika naman ng ama ni Lorie.

Nabaling ang tingin ng ina ni Lorie kay Alvin na nakayuko lang at nakikinig. Tumama ang tingin niya sa peklat ng binata na nakapwesto sa may batok nito. Napakunot ang noo ng ginang at sinubukang alalahanin kung saan niya nakita ang pamilyar na peklat na 'yon. 

Magkatabi sa sofa si Carlo at Alvin kaya tinapik ng huli ang balikat ni Alvin nang mapansing sinusuri siya ng ginang. Nag-angat ng tingin si Alvin at napatingin siya sa babaeng nasa harap niya.

Halatang nagulat ang ginang nang makita si Alvin.

"Ikaw nga," gulat ngunit may saya sa mga boses ng babae. Hinawakan ng ina ni Lorie ang mukha ni Alvin at pinakatitigan ito. "Ikaw nga, hijo. Binatang-binata ka na," nakangiting anito.

Break ThroughTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon