Bumalik sa normal ang lahat pagkatapos ng Senior's Ball. Mas naging busy nga lang dahil maraming activities na ibinigay sa 'min pero nakakaya naman dahil nagtutulungan naman kaming lahat.
Iginugol ko ang oras ko sa pag-aaral, hindi na nga ako minsan makasama sa galaan ng Team Tiklos (yun yung naisipan naming itawag sa grupo namin) dahil busy ako mag-aral.
"Gwen."
Ilang araw na akong hindi pinapansin ni Gwen. Nagtataka nga ako at bakit biglaan.
"Hmm?" simpleng tugon niya pero hindi nakatingin sa gawi ko.
"Galit ka ba sa 'kin?" malumanay kong tanong. Hindi ko rin alam kung bakit yun ang bagay na gusto kong itanong sa kanya. Wala naman kasi akong maalala na may ginawa akong mali.
Hindi sumagot si Gwen. Nagpatuloy siya sa pagbabasa. Hinawakan ko ang magkabilang-balikat niya at niyugyog siya.
"Gwen, ano ba.."
Tinapunan niya ako ng tingin. Mabuti na lang at may sari-sariling mundo ang mga kaklase ko kaya hindi nila napapansin ang namumuong tensyon sa pagitan namin ng kaibigan ko.
"Gusto mo ba talagang malaman? Oo, Lorie. Nakakaramdam ako ng inis sa 'yo. Bakit kay Shaun ka sumama nung ball? Akala ko ba si Alvin ang gusto mo?"
Nagulat ako sa tanong niya. Bigla tuloy akong napaisip. Si Shaun ang unang nag-aya sa 'kin kaya sa kanya ako sumama.
Oo nga pala, wala siyang alam na magkasama kami ni Alvin sa rooftop nung gabing 'yon.
Wala sa sarili akong napalingon sa likuran kung saan nakaupo si Alvin katabi sina Carlo at Maris.
Kahit sila ay busy sa pag-aaral. Malapit na rin kasi ang final exam at kailangan naming makakuha ng mataas na marka para maka-martsa.
Bumalik ang diwa ko noong gabing iniwan namin ni Alvin ang lahat at tumambay kami sa rooftop ng hotel.
Inalalayan niya akong maupo sa isa sa mga upuan pagkatapos naming sumayaw.
"Baka hinahanap na nila tayo," panimula ko.
"Hayaan mo silang maghanap," tugon niya lang at ngumiti.
Umihip ang malamig na hangin kaya napayakap ako sa sarili ko. Biglang tumayo si Alvin at hinubad ang coat niya saka ipinatong sa mga balikat ko.
Bagay na sa mga pelikula ko lang napapanood. Nagpasalamat ako.
"Uhm, kumusta na pala kayo ni Maris?"
Napatitig siya sa 'kin at naupo nang banggitin ko ang pangalan ni Maris. Siguro panahon na para pag-usapan namin yung mga bagay na matagal ng gumugulo sa isipan ko.
"Lorie, gusto kita."
Nawindang ang puso ko at hindi agad ako nakapagsalita. Hindi man ito ang dapat na sagot sa tanong ko, sapat na 'yon para matanggal ang mga haka-haka sa puso't-isip ko.
"Alvin.."
"Narinig ko ang usapan niyo ni Maris. Narinig kong nagmakaawa siya kaya nagagalit ako sa sarili ko. Hindi ko man lang binigyang linaw sa kanya kung ano ba talaga ang tingin ko sa kanya."
"Alvin, ayokong maging dahilan ng hindi pagkakaunawaan ninyong dalawa. Ayokong masira ang pagkakaibigan niyo."
Inabot niya ang kamay kong nakapwesto sa kandungan ko at pinisil 'yon.
"Walang masisira, Lorie."
Nagdulot ng ginhawa ang ngiti niya at pagpisil niya sa kamay ko. Saglit kaming natahimik bago siya muling nagsalita.
BINABASA MO ANG
Break Through
Novela Juvenil[ ON-GOING ] Lorie lived her life together with her asthma. Amidst her life full of positivity, she met a guy who seemed to not know what happiness is. Meeting the broken version of Alvin taught her that life is not the way she used to believe what...