Magkasama kami ni Gwen ngayon sa canteen. Nagutom kami pagkatapos ng sayaw kaya naisipan naming kumain muna.
Dinagsa rin ng mga kababaihan sina Lowe, Alvin, Carlo at Kairo dahil talaga namang hindi maitatangging ang pogi nila ngayong araw.
Natawa ako nang bigla kong maalala ang narinig kong buwelta ni Carlo kanina.
"Ew! I'm allergic to girls! Stay away from me, duh!"
Nakita ko mula sa gilid ng mata ko na napatingin si Gwen sa 'kin.
Naramdaman kong tinusok-tusok niya ang siko niya sa tagiliran ko.
"Bakit?" nagtatakang tanong ko sa kanya at nilingon siya.
"Akala mo hindi ko napansin 'no? Yung mga kakaibang tinginan niyo ni Alvin? Halatang-halata kayo, Lorie." Ngumisi pa siya sabay subo.
Ganun na ba kami kahalata na kahit wala naman kaming sinasabi ay nakikita ng iba sa mismong kilos namin?
Lorie, kakasabi lang ni Gwen 'di ba?
"Guni-guni mo lang 'yan, Gwen," depensa ko sa sarili. Ilang segundo kaming natahimik hanggang sa bigla akong tamaan ng konsensya. Nasubunutan ko ang sarili ko na s'yang ikinatawa ni Gwen.
"Sabi ko na eh, mahal na mahal mo talaga ako. Hindi mo kayang magsinungaling sa 'kin eh," natatawang aniya. Nakapanglumbaba ako nang ilapit niya ang mukha niya sa 'kin. "So, gusto mo na nga?"
Umiwas ako ng tingin. Bagong-bago sa 'kin ang lahat ng nangyayari ngayon. Ito ang unang pagkakataon kong magkaroon ng kakaibang feelings sa isang lalaki. Ito rin ang unang pagkakataon na may magtanong sa 'kin tungkol sa bagay na yun.
"Gwen, huwag kang maingay ah.." Pumalakpak agad siya kahit yun pa lang naman ang nasasabi ko. Tumayo siya at sumayaw-sayaw na para bang siya na ang pinaka-masayang tao sa mundo.
"Woh! Sa wakas, nainlove na rin ang bestfriend ko!" biglang sigaw niya na s'yang nakaagaw ng pansin sa ilang estudyante na nasa canteen.
Kusang gumalaw ang kamay ko at marahas ko siyang nahila paupo. "Gwen!"
Natawa lang siya sa reaksyon ko at parang hindi niya nakikitang nas-stress ako sa ginagawa niya. Kakasabi ko lang na huwag maingay, isigaw ba naman sa buong canteen.
"Sorry, eh kasi naman buong buhay mo ngayon ka lang nagka-crush!" bulalas niya na halos pa-tili na kaya inabot ko agad ang bibig niya para takpan.
Mahirap na, baka mabuking pa ako ng wala sa oras.
"Gwen naman, parang awa mo na.." bulong ko sa kanya para manahimik na.
Itinaas niya ang mga kamay niya kaya inalis ko mula sa pagkakatakip sa kanya ang mga kamay ko. "Oo na, hindi ko ichi-chika kahit kanino.." anito.
Nakahinga ako ng maluwag nang sabihin niya yun. Pakiramdam ko ay hindi pa rin mawala-wala sa mukha ko ang pamumula nito. Sino bang hindi mamumula pag inasar ka sa taong gusto mo?
Tinungga ko ang bottled water ko nang mamataan kong mula sa kalayuan ay papalapit sa pwesto namin si Alvin kasama ang tatlo pang lalaki.
Ngunit bago pa man sila tuluyang makalapit, biglang sumulpot sa harap ko si Maris. "Lorie, pwede ba kitang makausap?" malumanay niyang tanong.
Nabigla ako sa tanong niya dahil noong una pa lang naman ay ramdam ko ng ayaw niya sa 'kin at na-kumpirma ko nga 'yon nang minsang marinig ko siya sa library. Buong practice namin sa folk dance ay hindi niya ako kinausap. Kaya sumibol ang pagtataka sa loob ko.
Nginitian ko siya, "Oo naman, tungkol saan?" tanong ko pabalik.
Tinapunan niya ng tingin si Gwen. Nakuha ko agad ang senyales niya. Gusto niyang mag-usap kami ng kami lang.
"Sige," nakangiting usal ko.
Wala akong kahit na anong sama ng loob kay Maris. Baka nga ngayon gusto niya ng makipagkaibigan sa 'kin.
Nauna siyang maglakad kaya nagpaalam ako ng maayos kay Gwen na susundan ko lang si Maris. Pumayag naman siya. Hindi ko na rin hinintay na abutan ako nina Alvin, agad akong lumisan para sundan si Maris.
Sa pagsunod ko sa kanya ay nagiging pamilyar na sa 'kin ang daan.
Papuntang rooftop.
"Maris, tungkol saan ba yung pag-uusapan na 'tin at kailangan pa walang ibang makarinig?" takang tanong ko sa kanya nang makatapak na ako ng rooftop.
Nakatalikod siya sa 'kin. Nang humarap siya sa 'kin ay nakita ko ang lungkot sa mukha niya.
"Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ko.
"Simula nang makilala ko siya, nagustuhan ko na agad siya. Sino ba naman kasi ang hindi magkakainteres sa kanya? Biruan dito, biruan doon. Hirit dito, hirit doon," panimula niya.
Nagsimulang kumabog ang dibdib ko. Wala pa man siyang nababanggit na pangalan ngunit alam ko na kung sino ang tinutukoy niya.
"Tahimik akong tao pero kinaibigan niya ako. At doon ako nagsimulang mahulog sa kanya. Sa bawat oras na nakakausap ko siya, wala akong ibang nararamdaman kundi saya. Kahit na yung pinakawalang-kwentang topic pa ang pag-usapan namin ay okay lang." Sunod-sunod na paglunok ang nagawa ko dahil sa sinabi niya.
Naglakad siya patungo sa railings kaya't sumunod ako.
"Ang akala ko unti-unti niya na rin akong nagugustuhan. Napapansin ko kasi na iba na yung pakikitungo niya sa 'kin, nagsimula na siyang magsabi ng mga problema niya. Ako pa minsan ang tumutulong sa kanya para takpan ang mga pasa niya. Ngunit akala ko lang pala ang lahat," naging malungkot ang boses niya sa huling linya.
Nagsimulang sumikip ang dibdib ko para sa kanya. Ganun na pala ka-lalim ang pinagsamahan nila. Ganun na pala ka-lalim ang pagkakaintindihan nilang dalawa. Bagay na wala kami ni Alvin.
Tumingin siya sa 'kin nang namumungay ang mga mata.
"Mas lalong nag-iba si Alvin simula nang mapunta kami sa inyo. Unang araw pa lang namin, pansin ko na palagi siyang nakatingin sa pwesto mo, hindi niya na ako napapansin na palaging nasa tabi niya," ngumiti siya.
"Maris.."
"Akala ko kaya ko, Lorie. Ang akala ko kaya ko siyang makitang mahulog sa iba," aniya at nangilid ang luha niya.
Gusto rin ako ni Alvin?
Napaluhod si Maris sa harap ko at nagsimula siyang humagulgol.
"Maris.."
Madiin niyang hinawakan ang braso ko. "Lorie, siya na lang ang taong meron ako na nagparamdam sa 'kin na ang sarap palang magmahal at mahalin. Parang awa mo na.. parang awa mo na, huwag mo ng gustuhin pa si Alvin. Mahal ko siya.." hagulgol niya.
"Peroo.."
"Please, Lorie. Please.." pagmamakaawa niya.
Nagulat kaming dalawa nang marahas na bumukas ang nag-iisang pinto ng rooftop at iniluwa nun si Alvin.
"Maris!"
BINABASA MO ANG
Break Through
Fiksi Remaja[ ON-GOING ] Lorie lived her life together with her asthma. Amidst her life full of positivity, she met a guy who seemed to not know what happiness is. Meeting the broken version of Alvin taught her that life is not the way she used to believe what...