"Maiwan ko muna kayo ah, may iba pa akong pupuntahang pasyente."
Tiningnan ng doktor ang batang si Lorie at nginitian. Nakakalungkot mang isipin pero nags-suffer ang bata sa isang asthma. Simula maliit pa ito hanggang ngayon na limang taong gulang na ay ganoon pa rin ang lagay nito.
"Aalis na ako ah. Magpapakabait ka sa mama mo," nakangiting ng doktor at tinapik ang buhok ng bata.
"Opo, doktor ganda," tugon ng bata.
Tumayo na rin si Lorie kasama ang mama niya at lumabas sa tanggapan ng doktor. May bahid ng pag-aalala ang mga mata ng ina ni Lorie dahil hindi nito inaasahang kailangan ng gumamit ng inhaler ng anak kung sakaling umatake ang asthma nito.
Hinawakan ni Lorie ang kamay ng mama niya para pagaanin ang loob nito. Hindi man niya alam kung ano ang totoong nararamdaman ng ina pero nakikita at nababasa niya sa mga mata nito ang lungkot.
"Mama..."
Ngumiti ang ina, "Magiging okay rin ang lahat, anak ko," anito.
Dumaan sila sa isang malaking simbahan at nagtirik ng kandila. Binilhan rin siya ng ina ng ice cream nang mapadaan ang sorbetero pagkalabas nila ng simbahan.
"Ano nga ulit yung favorite flavor ni Lorie?" nakangiting tanong ng ina.
"Chocolate!"
Napangiti rin ang nagtitinda ng ice cream at binigyan sila ng dalawang ice cream. Binuhat siya ng ina at naupo muna sila sa bench na malapit sa pinagbilhan nila ng ice cream.
Pinanood nila ang mga taong paalis ng simbahan at ang mga papunta pa lang din.
"Lorie, promise mo sa mama na palagi kang magsisimba ha? Huwag kang mawalan ng pananampalataya sa Panginoon."
Tumitig si Lorie sa ina at nakangiting tumango. Pagkatapos nilang kumain ng ice cream ay bumalik sila sa ospital para sa shift ng mama niya. Isa kasing nurse doon ang mama niya kaya bukod sa palagi siyang nasa ospital para i-monitor ang karamdaman niya, nandun rin siya para sa mama niya. Nasa trabaho kasi ang papa niya, nagtapos ang papa niya sa kursong I.T kaya naman sa mall ito nagt-trabaho at nag-aayos ng mga nasirang cellphone at laptop.
"Oh, sino 'yan Mayang? Anak mo?"
Sinalubong ng mama niya ng tanong ang kasamahan nito sa trabaho nang makarating sila sa nurse's station.
"Oo, ate. May trabaho na rin kasi si Rolan kaya kailangan kong isama, alam mo naman na wala akong ibang kamag-anak dito. Mabuti na lang at pumayag ang may-ari ng ospital na dalhin ko s'ya, ayaw ko namang iwanan sa kapitbahay," tugon nito.
Sinipat ni Lorie ang batang kasama nito, isang batang babae. Ngumiti ito sa kanya at kumaway. Kinawayan niya rin pabalik ito. Nang maiwan na sila sa nurse's station ay nagsuot sila ng mask para maiwasan nila ang mga sakit na nasa paligid.
"Ako nga pala si Gwen! Ikaw, what's your name?" magiliw na tanong nito sa kanya.
"Ako si Lorie, Lorie Cabrera."
Naglahad si Gwen ng palad, "Friends?"
Walang alinlanangang tinanggap ni Lorie ang palad ng bago niyang kaibigan, "Friends!"
Simula noon ay halos araw-araw na ring nasa ospital sina Lorie at Gwen. Pagkatapos ng klase nila ay sinusundo sila ng mga nanay nila at dahil magkapareho ng shift ang mga ito, naiiwan na lang silang dalawa sa nurse's station. May ibang mga nurse naman silang kasama na kinagigiliwan rin sila. Si Gwen kasi itong tipong bata na hindi nauubusan ng energy habang si Lorie naman ay mas gustong manahimik at manuod. Natutuwa rin sa kanila ang may-ari ng ospital na minsan silang nakitang nagkukulay sa kanilang mga notebook. Magkasing-edad lang ang dalawa at magkasing-tangkad.
BINABASA MO ANG
Break Through
Teen Fiction[ ON-GOING ] Lorie lived her life together with her asthma. Amidst her life full of positivity, she met a guy who seemed to not know what happiness is. Meeting the broken version of Alvin taught her that life is not the way she used to believe what...