Ano ang solusyon?

258 1 0
                                    

Marahil may mga bagay sa mundo na mahirap intindihin. Mahirap iguhit. Mahirap kulayan at mahirap bigyan ng buhay.

Minsan ang mga mata natin ay puno ng pighati ngunit tayo ay mistulang tangang tumatawa sa lahat ng bagay.

Kadalasan nasasaktan subalit ikinukubli sa taong ayaw mong makabasa. Ngumingiti at tumatawa sa harap nila sapagkat ayaw mong makita na hirap ka na.

Sa isang banda kinakaya mo kahit na nahihirapan kang tignan ang isang bagay na alam mong nagbibigay sayo ng kalungkutang matagal mo na dapat iwinaksi at di na muling balikan pa.

Natatakot ka hindi dahil sa mahal mo siya kundi sa kadahilanang natatakot kang maramdaman muli ang sakit na hatid na naramdaman mo noong nakaraan. Ayaw mong maulit. Ayaw mong maranasan ulit.

Umiiyak ka sa isang sulok para hindi nila mapansin, umiiyak kang mag-isa dahil alam mong walang makakaintindi. Walang makakalutas kung hindi ikaw lamang.

May mga bagay na hindi ka natapos. Ang mga isinulat mo sa papel. Mga letrang hindi mo nakumpleto. Mga katagang hindi mo masabi ng tuwiran. Hindi dahil sa nahihiya ka kundi dahil sa hindi mo alam kung paano mo ito ipaparating sa kanya.

Pipi ang iyong bibig pero mayaman ang iyong utak sa mga sasabihin. Nakapikit ang iyong mga mata ngunit hindi madilim ang nakikita kundi ang mukha niya. Bingi ang iyong tenga sa lahat ng katotohanan bagkus ang kasinungalingan ang pinanigan.

Tanga ba ang puso mo dahil dun? Marahil oo, marahil hindi. Inisip ba mabuti ng iyong utak? Ginamit sa tama? Marahil oo, marahil hindi.

May palagay na namanhid na ang lahat sayo. May palagay na sinadya mo ito para lumayo, para hindi masaktan ng todo. May palagay na gusto mo lang tumakas pero hindi ito pinahihintulutan.

Isang malaking pagkakamali ang takasan ang takot dahil kung tatakasan mo 'to? Sinisigurado nitong hindi ka makakalayo. Sisiguraduhin niyang habang buhay kang matatakot.

Ano ang solusyon?

Ang labanan ito at tanggapin kung ano ang magiging kahihinatnan nito.

MALAYANG TALUDTURANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon