“Aalis ka na, ’nak?” bungad na tanong ni mama pagkalabas ko ng kwarto habang nagpiligpit pa sila ng kanilang pinaghigaan.
Hindi ako kumibo at pumunta sa kusina upang uminom ng tubig.
“Wala akong maalala kagabi, nakauwi ba ang mga bisita ng maayos?” tanong niya.
Nasaktan ako sa tanong na iyon at gusto na namang mag-unahan ng mga luha ko sa mga mata ngunit nanatili akong nakatalikod sa kanila at kagat labing nagpipigil ng nararamdaman.
“Nga pala, may cake sa ref Eis, iuwi mo na lang para hindi masayang.”
Sa salitang iyon ay pumatak na ang luha sa aking pisngi. Hinarap ko sila at nakita sa mukha nila ang pagtataka.
“B-bakit namamaga ang mata mo?” takang tanong ni mama.
Yumuko ako. Dinadamdam ang sakit na nararamdaman ko. “Sana nanatili na lang a-ako sa bahay. O-oh ’di kaya sumama ako sa mga kaibigan k-ko...” panimula ko.
Hindi siya umimik at tinitigan lang ako. “M-ma... akala ko dito ako makakapagpahinga eh. Kasi alam mo? Sobrang sakit na ng nararamdaman ko!” sigaw ko dahil hindi ko na napigilang sumabog.
“A-akala ko kahit sa b-birthday ko lang mararanasan kong maging m-masaya... Pero ma bakit?... Bakit mo ipinagkait sa akin?” tanong ko habang nakahawak sa aking dibdib.
“A-anak, naghanda naman si mama---”
“Oo! naghanda ka! p-pero kayo ’yung nagsaya. Kayo ’yung nakaramdam ng kasiyahang gusto kong maramdaman!” putol ko sa kaniya.
Napaupo ako sa sahig. Tinignan ko sila ngunit napako ang tingin ko sa lalaking kinakasama niya.
Tumawa ako ng mapakla. “A-alam mo... iniisip ko at naiinggit ako...” sabi ko habang nakangiti ng mapait. “K-kasi marami akong nakikitang mga bata. Mga batang kasama ’yung nanay nila at buo ’yung pamilya...” pagpapatuloy ko.
“Simula nang umalis ka m-ma, nangulila ako sa kalinga ng isang nanay. Iniisip ko k-kung... kung anong pakiramdam na kasama mo ’yung nanay mo habang lumalaki ka,” pag-amin ko.
“Pero wala eh. Pinagkait ’yon sa akin ng panahon,” sabi ko at pinunasan ang luha ko. “Kasi umalis ka at pinili mong sumama sa lalaking ’yan!” sigaw ko at itinuro ang lalaki sa likuran niya.
Lumapit siya at sinampal ako. Nagulat ako roon ngunit tumawa lang ako ng mapakla.
Nakita ko sa reaksyon niya ang pagsisisi sa nagawa. Parang wala sa sarili na nagawa niya iyon. “S-sor--” pinutol ko siya.
“Mas pinipili mong magpakasaya habang kaming mga anak mo naghihirap at nangungulila sa'yo!” sigaw ko. “Hindi mo alam pinagdaanan ko. Hindi mo alam kung anong nararamdaman ko...” napayuko ako dahil sa sakit ng aking dibdib.
“Minsan hiniling ko na sana nandito si mama para masandalan ko... Para masabihan ko kung anong bumabagabag sa loob ko. Pero wala... kasi ikaw piling mo malaya ka—piling mo wala kang anak na iniwan.”
Ang kaninang tahimik at nakatigtig lamang sa akin, ngayon ay humihikbi na sa harapan ko.
“’Yung cake? k-kinain ko mag-isa kagabi habang umiiyak. ’Yung mga bisita mo? Nakauwi naman ng maayos. ’Yung mga kalat? Niligpit ko kagabi kahit na ako ’yung may kaarawan. Hinugasan ko ’yung mga plato at siniguradong wala ka ng maabutan paggising mo...” sabi ko na halos mapiyok na.
I hold my forehead and brushed my hair using my hands. “Sana nakatanggap man lang ako ng tanong galing sa'yo kung ayos lang ba ako... Kung masaya ba ako kahapon... P-pero taliwas sa inaasahan ko.”