KABANATA 13: POOL
Maka-ilang ulit akong sumilip sa salamin ng kotse ni Bree bago pa man namin marating ang bahay na sinasabi niya na pinsan namin—nila ni Matilda. May baon akong hair tie, nakalagay na nga sa kanang palapulsuhan ko, pero naisip ko na naman na sayang ang pina-rebound na buhok ni Matilda kung ipupuyod ko ito. Sa huli ay naisipan ko na lamang na lagyan ng kaunting powder ang mukha na ito, hindi ko na alam kung anong tawag doon, basta ay galing sa maliit na pouch ni Matilda na nakalagay sa kuwarto niya kanina. Kaya hindi na rin ako nahirapan na maghanap ng kung anong mga dadalhin dahil palagi naman ata itong handa.
“Maine, stop na, you’re pretty na, kay?” aniya ni Bree. Lumingon ito sa akin ng ilang saglit bago ibalik ulit ang paningin sa kalsada. Hindi ko naman maiwasan ang sarili na gawin ang mga bagay na ito.
Mayroon akong dalawang rason, hindi ko lang alam kung alin sa dalawa ang dapat pagtuunan ng pansin. Una, dahil sa mundo ko—bilang si Art ay gusto ko si Kendric. Iyong tipong mga pasulyap-sulyap nga lang ay kinikilig na ako, paano pa kaya kapag nakaharap ko na siya ng mas lalong malapitan? Pero ang kilala ko na Art ay masaya na kahit hindi niya ako pansinin, dahil alam ni Art kung sino ang dapat kay Kendric, at iyon si Matilda. Pangalawa, ay dahil alam kong si Matilda ang nakikita nila, kaya ganoon na lamang ang kagustuhan ko na mapalapit pa lalo kay Kendric, dahil alam kong hindi magtatagal ay magkakamabutihan na rin sila.
“Hi kuya, kala Theo kami,” saad ni Bree habang nakadungaw sa bintana ng sasakyan na malapit sa kaniya. Narinig ko pa ang naging pagbati ng guard sa kaniya, at ang maliit na ngiti nito sa akin, na ginantihan ko na lamang din ng ganoon.
Hindi nagtagal at narating na rin namin ang bahay nila Theo. Bumusina ng ilang ulit si Bree habang ako naman ay hindi mawala ang pagkamangha sa mukha habang tinatahak namin ang daan papunta kala Theo.
“Bahay nila ‘to?” mahinang bulong ko sa sarili ng tuluyang bumukas ang malaking gate. Mukahng narinig pa ata ni Bree ang sinabi ko kaya nalilitong tiningnan niya ako, ngunit hindi ko na inabala pa ang sarili na tukuyin ang reaksiyon niya.
“Hi, andiyan na ba sila?” tanong kaagad ni Bree sa kasambahay na sumalubong sa akin, halata naman sa uniporme nito na naninilbihan siya sa bahay—mansiyon na ito.
“Opo mam Bree, nandoon po sa pool,” hindi na ito sinagot ni Bree bagkus ay tinanguan na lamang. Nakasunod lamang ako sa likod ni Bree kung kaya ay nagtaka siguro ang kasambahay at inangat niya ang tingin sa akin, ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang makita niya sa aking mukha ang isang ngiti na nakapinta. Napangiwi na lamang ako nang malampasan naming sila, hindi ba iyon ginagawa ni Matilda? Kung sabagay, maaaring hindi na nila napapansin ang mga tao sa paligid nila.
Ganito ata talaga sa kanila, palakihan ng mga bahay, paramihan ng mga kasambahay, pagandahan ng mga kasuotan at higit sa lahat payabangan. Oo, payabangan.
Alam kong halata sa mukha ko ang pagka-asiwa ng makita ko ang pool na sinabi ng kasambahay. Imbis na matuwa at magalak dahil sa laki at ganda ng pool at ng bahay niya ay hindi ko magawa. Paano ba naman kasi, ang dami niyang bisita, alam kong hindi lang naman talaga kami, pero… hindi ako sanay.
Inilibot ko ang paningin sa pool pagkatapos kong ibaba ang messenger bag na dala sa isang upuan, si Bree ay alam kong may dalang duffel bag, isang gabi lang naman matutulog kaya hindi ko alam kung bakit iyon pa ang napili niyang dalhin.
Nasa mahagit kumulang dalawampung katao ang naririto, iyon ang tantiya ko. Siyempre, kasama na kami roon. Labing-tatlo ang nasa pool at ang mga natira ay malapit sa mesa kung saan nandoon ako, kumukuha ng pagkain, at ang mas matindi ay may mga nakalagay pa na beer sa lamesa. Napalunok ako ng dahil doon.
Alam ko naman na iba ang buhay na kinagisnan ko sa buhay nila rito pero hindi ko maiwasan ang magkumapara. Halatang wala ang mga magulang niya rito, at hinahayaan silang uminom, mismong sa bahay pa nila. Wala naman akong magagawa kung iyon ang nakasanayan nila…sadyang hindi lang ako sanay. Sa bahay kasi, kapag may okasyon, may inuman man o wala, dapat may kasamang matanda. Masiyadong iba—ibang-iba.
“Hey, Matilda! Sabi na nga ba’t nandito ka,” aniya ng isang babeng naka-two piece, oo, lahat ng babae ay naka-swimsuit, ako lang ata ang wala, hindi naman ako nakapaghanda. At kung nakapaghanda naman ako ay paniguradong rush guard ang dadalhin ko, iyong tipong balot na balot ako. Sinikapan ko ang pagpapaputi, tapos iitim lang ako ng dahil sa araw, no way. Hindi ako sanay, iba ata talaga kapag mayaman at kapag tama lang.
“Kendric’s there,” aniya naman ng isa, lumapit pa talaga ito sa akin bago bumulong. Napatingin naman ako sa inginuso ng babaeng ito at ganoon na lamang ang matinding pagdaloy ng kaba sa sistema ko nang makita kong nakatingin din ito sa akin. Shet.
Narinig ko pa ang hagikhikan nitong dalawa, bago sila tuluyang kumaway sa akin at bumalik sa mga kasama sa pool. Napunasan ko ang namumuong pawis sa aking noo, pero hindi dahil sa init, kundi dahil sa kaba, ang lamig ng pawis ko, shet.
Hindi ko alam kung saan ibabaling ang tingin ko, kung kaya ay tumingin na lamang ako sa aking kaliwang bahagi kung saan may isang maliit na bench roon. Ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata at pagsapo ko sa noo ko nang makita kong naghuhubad si Bree roon mismo. Shet lang talaga.
Binilisan pa nito ang paghuhubad bago tuluyang tumambad sa akin ang kaniyang katawan na wala na rin ibang nandoon kundi ang kaniyang two-piece swimsuit na kulay pula, nakangiti pa ang mukha nito na paniguradong nasisiyahan sa mga nangyayari.
“WOOHHHHH!” sigaw pa ni Bree bago tuluyang tumalon sa pool. Hindi ko alam ang gagawin, naitukod ko na lamang ang aking kaliwang kamay sa lamesa kung saan nandoon ang mga pagkain at kumuha ng paper cup. Kaagad ko itong sinalinan ng maiinom na galing sa pitsil, paniguradong juice ang laman nito.
Ganoon na lamang ang pagngiwi ko nang malasahan ko ang laman ng cup, shet talaga. Beer pa ang putcha.
“Hi, baby,” ani ng isang lalaki at kaagad na lumapit ito sa akin. Ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata ng mapagtanto na ang kaniyang katawan—basang katawan na wala man lang kung anong suot ay dumikit sa akin. Naging sanhi ito upang mabasa ng kaunti ang aking long sleeve na suot. Shet.
“Are you okay? Don’t you want to join us? Kendric’s th—ohhh, he’s here,” aniya ng makitang papalapit na pala si Kendric sa gawi namin. Sa pagkakataon na ito ay hindi ko na talaga alam ang gagawin, shet lang. Ganito ba talaga ang life mo Matilda? Ang hirap sabayan, jusme.
“Go back there Theo, your guests are there, I’ll take charge here,” aniya sa isang masungit na paraan. Itinaas na lamang ni Theo na pinsan nila ang dalawang kamay nito bago kumindat sa akin at lisanin ang lugar kung nasaan ako. Kung kaya ay naiwan ako rito, kasama si Kendric, shet, kaming dalawa lang. Maghunus dili ka, iha.
“Do you want to swim?” tanong niya sa akin subalit hindi niya man lang ako tinatapunan ng kahit isang sulyap man lang. Umupo siya sa isang bench malapit sa kaliwang bahagi ng pool na malapit lang din mismo sa loob ng bahay ni Theo. Wala naman akong choice kundi ang umupo sa upuang kaharap ng silya niya.
“Hey,” pagtawag niya ng aking pansin bago tuluyang sumulyap sa akin. Iyan, ‘yan ang kaylangan ko, sulyap niya. Goods na ako, masarap na ang tulog ko.
“W…wala akong dalang damit pang-swimming,” tanging nasagot ko na lang, nautal pa nga ako eh.
“Good. I don’t want to see those guys staring at you with those clothes—or if you still call that as clothes,” aniya at ngumiwi sa huling salitang binitiwan. May dala pa pala itong paper cup na hindi ko man lang napansin kanina dahil nasa kaniya lang ang mga mata ko nakatuon.
Ang guwapo niya. Naga-assume na naman ako sa pagkakataon na ito dahil sa pareho pala kaming nakaputing long sleeve, nakalukot nga lamang ang sa kaniya, naka-shorts rin siya, pero naka-tsinelas lang. Kahit ganoon ay ibang-iba ang dating niya, maangas, at kahit ganiyan ang suot ay alam mo na kaagad na galing sa mayamang pamilya.
Hindi ko lang maiwasan na magtaka, iba ang naging dating sa akin nang sinabi niya. Pangit ba ang katawan ni Matilda o sadyang magseselos siya kapag nagkataon? Hmmm, I smell something isda.
✓
Do not plagiarize.
-BCG-
All rights reserved 2024.
BINABASA MO ANG
Concealed Beauty
Teen FictionHindi maganda. Iyan ang salita na palagian niya kung sambitin sa tuwing nakikita niya ang sarili sa salamin. Wala raw espesyal sa kaniya, maliban sa kaniyang mga mata na tinataglay ang bughaw na kulay. Kung kaya ay ganoon na lamang ang pagtingala ni...