ELENA CEINE.
Tila napako ako sa kinauupuan. Hindi ko inaasahan na ang lalaking puro kasamaan lang ang pinapakita ay umiiyak ngayon sa likod ko na parang bata.
Parang mas dobleng pagpilipit sa aking puso ang walang tigil na pag-alpas ng luha niya sa balikat ko. Ang pag-alog ng mga balikat niya ay nagpalandas ng luha sa aking pisngi.
Umawang ang aking labi pero parang naumid ko ang sariling dila dahil walang boses na nais lumabas sa bibig ko. Wala akong mahanap na salita na dapat sabihin sa kaniya.
Ano nga ba ang dapat kong sabihin? Ayos lang 'yan?
Wala naman kuwenta ang salitang iyon dahil alam kong sa simula't sapul ay hindi maayos ang lahat. Masyadong mabigat kay Leroigh ang pinagdadaanan niya't hindi mapapawi iyon sa simpleng ayos lang.
Pinili ko na lamang itikom ang aking bibig at pakinggan siyang humahagulhol. Kumurap-kurap ako para pigilan ang sariling muling maiyak. Mahina talaga ako pagdating sa ganito. Masyadong vulnerable ang puso ko para sa mga taong nasasaktan.
Soft-hearted akong tao kung kaya't kusang nag-iinit ang magkabilang-gilid ng aking mata sa pagiging helpless niya. Halatang ang tagal niya nang kinikimkim ang lahat ng iyon at ngayon niya lamang kusang nailabas.
"Wala naman akong ibang gusto kundi isang kompletong pamilya, Elena. Kuntento na ako noong kompleto pa kami pero bakit kailangan pa nilang sirain? Bakit ang dali nilang mag-desisyon ng gano'n na hindi man lang iniisip ang mararamdaman naming mga anak nila?" garalgal niya.
"Putangina– hindi gano'n kadali tanggapin ang lahat ng 'yon. Masakit sa akin na parang basura lang sa kanila 'yong sobrang importante sa akin."
Hinaplos-haplos ko ang braso niyang yapos ang tiyan ko. Pinaglaruan ko ang balbon niya roon habang nayuko at pinapakinggan ang pagtangis at hinanakit niya.
Gamit ang likod ng aking palad, pinalis ko ang bahid ng tuyong luha ko sa pisngi. Kinagat ko ang ibabang labi dahil nadudurog ako maski sa hikbing lumalabas sa bibig niya.
Hinayaan ko lang siya dahil alam kong sa ganitong lagay, kailangan niya ng karamay na masasandalan.
I just hope na sapat na ang presensya at pakikinig ko para makaramdam siya ng comfort dahil wala akong alam tungkol sa mga comforting words na maaari kong ibigay. Isa pa, hindi ko alam ang pinagdaanan niya, wala ako sa posisyon para magsalita.
Lumipas ang mahabang sandali nang aking maramdaman ang pagbigat ng noo niya sa balikat ko at paglalim ng kaniyang paghinga.
Nadama kong lumuwag ang pagkayapos niya sa akin. Natigilan ako at natanto na nakatulog pala siya sa ganoong posisyon.
"Leroigh?" tawag ko sa pangalan niya para kumpirmahin.
Nang wala akong matanggap na kibo mula sa kaniya, nagdadalawang-isip man, inangat ko ang kamay para abutin ang buhok niya. Sa bawat pasada ng daliri ko roon ay damang-dama ko ang kalambutan no'n. Mapait akong napangiti.
May sitwasyon talaga sa buhay natin na hindi umaayon sa kagustuhan natin. Palagi tayong binibigyan ng rason para lumuha. Kahit hindi natin kagustuhan, pinapatikim sa atin ng kapalaran kung gaano ito kalupit.
Sinusubok tayo ng mundo kung hanggang saan ang lakas natin na pasanin ang suliranin. Kung hanggang saan nating kayang protektahan ang saliri mula sa binabatong sakit. Tila kailangan, may pagdaanan tayong mabigat.
Katulad na lamang ng sitwasyon namin ni Leroigh. Tila pareho kaming pinaglalaruan ng tadhana. Parehong hindi madali sa amin dahil kami ang lubos na apektado sa arrangement ng pamilya namin.
Kung tutuusin, parang si Leroigh na lang ang nagpapa-complicate sa situation namin sapagkat pareho ng masaya si mommy at ang papa niya sa isa't isa.
Pero kung iisipin naman ang nararamdaman niya, mas lubos ang hinagpis niya dahil sa pagkasira ng pamilyang labis ang pagcherished niya. Iyon siguro ang main reason ng galit niya, na umabot sa point na nakagagawa siya ng hindi magaganda.
Hindi ko maiwasang maawa kay Leroigh noong naobserba ko kung gaano siya kadurog at kahina. Ngunit sa kabila ng awa ko sa lalaki, hindi ko pa rin maiwasang matakot para kay mom. Hindi ko magawang makampante lalo pa't patuloy pa ring naglalaro sa isipan ko ang nilahad niyang planong sirain ang pagsasama nila Papa Levi at Mommy Hanna.
Kahit pa pinakita niya ang kaniyang vulnerable side sa akin, hindi pa rin mababago no'n na para sa kaniya, kami ang puno't dulo kung bakit sira ang pamilya niya.
Sobrang natatakot talaga ako sa maaaring maging kahinatnan ni mommy kung sakaling masira nga ang pagsasama nila papa. Mauuwi lamang sa wala ang sakripisyo ko na mas piniling suportahan ang kaligayahan nito para sa kapakanan ng mental health nito.
I sighed and decided to lay him down on the bed. Nang maging komportable na siya sa pagkakahiga sa kama ay nagpasiya akong bumaba para uminom ng tubig. Naabutan ko si Ate Lezi na abala sa pagpapadede sa anak niya.
"Nasaan si Kuya Ruke, ate?"
Tumungga ako sa baso habang nakatingin sa kaniya at hinihintay siyang tumugon.
Ngumiti siya. "Nagkasundo kami na babalik muna siya roon sa Tagaytay para sa naiwan naming shop. Ako naman, mananatili lang muna rito hanggang sa birthday ni Lira para tumulong sa pag-organize ng magiging party niya. Sa kaarawan pa ni Lira ang balik ulit dito ni Ruke."
Napatango ako bilang ganting tugon. Pumunta ako sa sink para ilagay doon ang baso na ginamit ko. Pagkatapos ay binuksan ko ang fridge at kumuha ng ice-cream.
Sa tingin ko ay makatutulong iyon para sa bara sa lalamunan ko at mapawi kahit kaunti ang bigat sa dibdib ko. Nanghihina akong umupo sa tabi ni ate.
"May problema ba, Ceine?" usisa ni Ate Lezi.
Tingin ko'y napansin niya ang pagiging lantang gulay ko. Inilihis ko ang mukha mula sa paningin niyang tila binabasa ako. Umiling ako at tumunganga sa kawalan.
"Base sa mga mata mong namamaga na halatang galing sa pag-iyak, hindi mo ako mapaniniwala na wala kang problema," aniya. "Ceine, kung ano man niyang problema mo, puwede mong sabihin sa akin. Makikinig ako," marahan niya pang dagdag.
"Bakit po nagkahiwalay ang mama at papa niyo?" walang paligoy-ligoy kong tanong. Bigla namang bumalatay ang pinaghalong galit at lungkot sa mga mata.
"My mom cheated."
©heartlessri
![](https://img.wattpad.com/cover/370172930-288-k98338.jpg)