Chapter 32

1.8K 29 20
                                    

Trigger warning: self-harm, unwanted thoughts.

Leroigh.

"I want to see her, Steve. Help me, please..." halos magmakaawa kong sabi habang tuloy-tuloy na naglalaglagan ang mga likido sa mata ko. Halos mag-ulap na ang paningin ko sa labo.

Pumalatak siya. "Bakit mo ba hinahanap ang babaeng ayaw maghanap? Tatlong taon na ang lumipas pero patuloy ka pa ring nagpapakabaliw sa babaeng 'yan."

Napapailing na lamang siya. Puno ng dismaya siyang nakatingin sa akin. Bumara ang lalamunan ko habang ang dibdib ay namimilipit sa sakit. Kapag hindi ko pa makita si Elena, hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Kaunti na lang susukuan ko na ang sarili ko.

Lahat ng tao sumuko na sa akin. Nawala na si papa na ni minsan ay  hindi nagalit sa akin kahit halos isumpa ko siya noong ipagpalit niya si mama. Umalis si mama noong namatay si Papa at nilayo niya si Lira. Habang si ate, may sarili na siyang pamilyang kailangang pagtuonan ng pansin.

Mag-isa na lang ako. Gusto ko lang naman ng buong pamilya. Bakit naman pinagkait sa akin 'yon? Mali bang maghangad ng ganoon? Hanggang kailan ko ba 'to pagdudusahan? Wala nang natira sa akin. Durog na durog na ako. Sirang-sira na ako.

Si Elena na lang ang tanging pag-asa ko para maramdaman kong buo ako. Pero ngayong wala siya, parang naglalakad ako sa madilim na parte at wala man lang makapa na liwanag.

Napakahirap.

"Iniwan ka na niya, hindi na dapat pinagsasayangan ng oras ang babaeng mang-iiwan. Hayaan mo na lang kaya? May sariling buhay na iyong tao." Uminom siya sa kopitang hawak niya.

Dumating ang staff na pinatawag niya na may dalang medicine kit para gamutin ang mga sugat ko.

Tumiim ang labi ko at napayuko na lang. Gusto ko lang naman makita si Elena. Gusto ko siyang makita para magkaroon pa rin ako ng dahilan para magpatuloy sa buhay. Kahit hindi ko na siya malapitan, ayos lang sa akin.

Patuloy na nagsalita si Steve para gisingin ako pero kahit nakikinig ako sa kaniya, ayokong ipasok sa utak ko ang mga lumalabas sa bibig niya.

Babalikan ako ni Elena. Marami mang masasakit na salita ang mga lumabas sa bibig niya, alam kong mahal niya ako. Nakita ko iyon sa mga mata niya noon.

"Pagtuonan mo na lang ng pansin 'yong mga negosyong naiwan sa 'yo ni Tito. Ayusin mo 'yang sarili mo. Hindi lang sa dati mong kinakapatid umiikot iyong mundo mo. Ipakita mo sa babaeng iyon na wala na rin siyang babalikan dahil sa pang-iiwan niya sa 'yo."

Hindi ko siya pinansin. Hinayaan ko lang na maglaglagan ang mga luha ko. Pumitlag ako nang bigla na lang patakan ng alcohol ng isang babae ang sariwa kong mga pasa. Sinamaan ko ito ng tingin at agad naman itong humingi ng tawad.

Tumiim lang ang bagang ko at ininda ang matitinding hapdi na sumasalakay sa bawat himaymay ng katawan ko.

Ilang minuto muna ang hinintay ko bago matapos ang babae sa panggagamot sa akin at umalis dito sa VIP room.

Nang lumabas ang babae, kumuha ako ng kopita at sinalinan ng alak. Hindi na kumibo ulit si Stevenage at pinanood na lang ako.

Mabuti naman nakaramdam siya na hindi ko pakikinggan ang kung ano mang sasabihin niya.

Hindi ganoon kadali na hayaan na lang ang taong sobrang mahal mo. Para kang pinapatay sa matinding pangungulila. Mahirap kalimutan ang babaeng hindi maalis sa utak mo.

Sa bawat oras, siya lang ang lagi kong naiisip. Nakikita ko pa siya sa ibang tao. Nakatatawa lang na sinabi ko sa sarili kong hinding-hindi ako mababaliw sa iisang babae, pero heto, baliw na baliw na ako at hindi na makaahon pa. Kahit wala ang presensiya niya, parang hawak-hawak niya ako sa leeg. Hindi man lang makawala.

Lumipas ang ilang araw na ang palagi kong ginagawa matapos ang trabaho ay tumambay sa bar ni Stevenage para magpakalasing.  Sa VIP area ko pinipili na palaging tumambay para iwasan ang mga babaeng lumalapit sa akin. Bukod doon, iniiwasan ko rin na makita si Elena sa ibang tao. Ayokong may lalaking basta na lang akong babangasan.

Nadala na ang gwapo kong mukha. Baka masira pa at hindi na ako magustuhan ni Elena sa oras na magkita kami ulit. Isa pa, ang sakit kaya magkapasa. Ilang araw ko rin ininda iyon.

Muli akong tumungga ng alak.
Nalasahan ko ang pait sa dila ko hanggang sa dumaloy iyon sa aking lalamunan. Hindi ko na mabilang kung ilang inom na ang nagawa ko.

Ang alam ko lang, sobrang lasing na ako dahil sa doble at nanlalabo kong mga mata. Alam ko rin na hindi na ako makapagmamaneho pa pauwi.

Sinandal ko ang aking batok sa headrest ng sofa saka mariing pumikit. Pinatong ko ang kanan na braso sa ibabaw ng mata ko.
Kinagat ko ang aking ibabang labi nang may senaryo na namang pumasok sa utak. Tila nakaukit na iyon at nakatatak na hindi na maaaring maaalis pa. Paulit-ulit ko iyon naaalala at paulit-ulit din akong nahihirapan. Dumaloy ang butil ng luha mula sa aking mata.

"Pakawalan mo na ako, Leroigh."

"M-Mahal kita, Elena..."

"H-Hindi mo ako mahal. Kung mahal mo ako, hindi mo 'ko sisirain. Hindi ka gagawa ng bagay na alam mong ikasasakit ko."

"Sana, ikaw na lang 'yong nawala. Hindi na lang 'yong mommy ko."

Pinunasan ko ang aking luha at tumayo mula sa kinauupuan. Lumabas ako sa pribadong silid na pinanggalingan ko. Hindi na ako nag-abala pang magpaalam kay Steve. Alam kong abala iyon.

Pagewang-gewang na ang lakad ko na tinungo ang aking sasakyan.
Nang pumasok ako sa loob ay sinubsob ko ang noo sa manibela. Pumikit ako nang mariin para pigilan ang nagbabadya na naman na luha. Nanakit ang ulo ko sa matinding paninikip ng puso ko.

Paulit-ulit kong pinukpok ang aking ulo. Baka sa pamamagitan lang na iyon ay makalimutan ko ang mga hindi magagandang senaryong naglalaro sa utak ko.

"Hindi kita mahal. Kailan man hindi mangyayaring mamahalin kita. A monster like you, doesn't deserve my love.Kinasusuklaman kita, Leroigh. 'Yan ang itatak mo sa utak mo."

I am really a monster? Iyon ang naging katanungan sa utak ko habang mimaneho ang sasakyan sa nanlalabong mga mata. Mapait akong ngumiti na nauwi sa ngiwi at hikbi.

Ubos na ubos na ako. Durog na durog na ako. Pasensya ka na, Elena. Hindi ko na kayang lumaban pa. Hindi ako kasing tapang mo na kayang mapag-isa.
Pasensiya ka na kasi isang gag* pang lalaki ang nagmahal sa 'yo.

"Sana, ikaw na lang 'yong nawala. Hindi na lang 'yong mommy ko."

Umulit ang katagang  iyon sa isipan ko bago ako nagpasyang bitiwan ang steering wheel. Hinayaan kong umandar mag-isa ang sasakyang kinalululan ko.  Walang buhay kong pinagmasdan ang madilim na daan.

"Pinapalaya na kita, Elena."

Thank you for being part of my life. Alam kong hindi mo ako mapapatawad kahit mawala man ako, pero sana manatili pa rin ako riyan sa puso mo. Sana sa aking pangalawang buhay, makilala kita at matrato na kita ng tama.

Pumikit ako nang mariin nang masilaw sa lights na nagmumula sa malaking truck. Malakas  at sobrang habang busina ang pinakawalan no'n. Nabingi ako bigla.

Namanhid ang buong katawan ko nang malakas na bumangga ang sasakyan ko.

Wala akong naramdaman nang sandaling umangat sa ere ang sasakyan dahil sa pagtilapon. Maski nang malakas na mauntog ang ulo ko sa manibela. Sa huling pagkakataon ay imahe niya pa rin ang pumasok sa utak ko. Hindi ko napigilang bigkasin ang pangalan niya hanggang sa nilamon ako ng dilim.

Mahal na mahal kita...

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 20, 2024 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Leroigh's Obsession Where stories live. Discover now