ELENA CEINE.
Leroigh's mother cheated on Papa?
Umawang ang labi ko sa nalaman. Napatitig na lang ako kay ate at hindi nakakibo. Hindi pa lumilipas ang ilang sandali nang magpatuloy siya sa pagsasalita.
"Madalas kong nauulanigan 'yong mga away nila mama at papa sa kwarto nila. Inakala ko, natural na pagtatalo lamang iyon bilang mag-asawa. Pero nabigla na lang ako isang araw noong marinig kong plano ni mama na iwan kami."
"Ilang beses kong narinig ang pagmamakaawa ni papa na 'wag siyang umalis alang-alang sa amin na mga anak nila. Palagi siyang pinipilit ni papa na manatili pero alam mo kung anong sinabi ni mama?" pagak siyang natawa.
"Hindi niya mahal si papa at napapagod na siya sa set up nila. Doon ko lang nalaman na pinagkasundo lang pala sila ayon sa plano ng mga abuela namin both sides. Simula no'n, lagi ko nang naaabutan si papa na nagpapakalunod sa alak at wala sa sarili. Saksi ako kung paano siya umiyak mag-isa at dibdibin ang lahat."
"A-Ate..." hindi ko na napigilang usal nang mapansin ko sa mata niya ang matinding lungkot. Pinakawalan ng bata ang kaniyang dibdib kaya marahan niyang inayos ang damit.
Inugoy-ugoy niya ang bata't ilang sandali ay nakatulog ito. Mapait muna siyang napangiti bago pinagpatuloy ang paglalabas ng saloobin.
"Matagal kong kinimkim ang lahat ng iyon. Pinili kong magbingi-bingihan at magbulag-bulagan. Nagkunwari akong walang alam sa mga pagtatalong 'yon. I choose to pretend that everything is okay... katulad ng ginagawa nila kapag kaharap kami ng mga kapatid ko."
"Hindi ko sinabi kila Leroigh na matagal nang may lamat ang relasyon nila papa. Kaya ang mas pinaniwalaan ng kapatid ko, masaya pa ang pamilya namin. Wala akong magawa kundi panoorin na lamang ang mga pilit na ngiti at pekeng tawa na palitan nila."
"Umasa akong pakikinggan ni mama 'yong pakiusap ni papa na ayusin nila ang pagsasama kahit walang pagmamahal na namamagitan. Pero nabigo lang ako noong isang gabi, nagdala siya ng ibang lalaki sa bahay namin. Pinakilala niya pa ito sa akin bilang kaibigan niya."
Tumawa siya ng sarkastiko. "Kaibigan niya lang daw pero dinala niya sa kwarto nila papa. Narinig ko kung paano sila maglampungan. Parehong abala ang mga kapatid ko sa eskwela noong araw na iyon. Wala silang kaalam-alam na may kinakalantari na pa lang iba si mama. Naabutan iyon ni papa at nakita ko mismo kung paano siya nadurog sa nasaksihan."
Pinalis niya ang luhang nalamayan niyang lumandas sa pisngi niya. "Kaya noong pinili nang sumuko ni papa sa relasyon nila, hindi ko na pinigilan iyon. Sobrang galit ako kay mama."
"Hindi ko matanggap na nagawa niya iyon kay papa. Hindi man lang niya binigyan ng respeto ang pagiging mag-asawa nila. Hindi man lang siya humingi ng tawad sa kagagawan niya at parang masaya pa siyang hiniwalayan siya. Ang mas masakit pa, mas pinili niya ang lalaking iyon over us. Para bang mas mahalaga pa ang lalaking iyon kaysa sa amin na pamilya niya."
"H-Hindi niyo po ba pinaliwanag kay Leroigh ang dahilan kung bakit sila nagkahiwalay?"
Umiling siya. "Ang alam lang ni Leroigh, iniwan kami ni mama. Hindi pumayag si papa na ipaalam sa kapatid ko 'yong pangangaliwa at pagsama ni mama sa ibang lalaki. Kahit sa kabila ng pananakit ni mama, ayaw pa rin ni papa ang mapasama ito sa paningin ng kapatid ko. Pero iyon nga lang, pinagdudahan ni Leroigh si papa na nambabae kaya kami iniwan ni mama."
"Papa was devastated that time pero nakuha niya pa ring hindi ilaglag si mama sa kabila ng panloloko nito. Pinabayaan niyang siya ang mapasama sa paningin ni Leroigh. Mas pinili niyang hayaan lang ang kapatid ko sa gusto nitong isipin at hindi na inabalang ipaliwanag ang sarili."
"Dahil doon, nagalit si Leroigh kay Papa Levi. Nagsimula siyang magrebelde. Puro inom at pambababae ang inatupag niya. Nagsimulang lumamig ang pakikitungo niya sa amin. Kahit ano'ng gawin namin ay hindi na siya maawat. Mas lalo lang siyang lumalala kapag sinusuway namin. Hanggang sa huli'y hinayaan na lang namin siya sa gusto niya."
Bumuga siya ng hangin. "Nakalulungkot lang dahil sa isang iglap, nawala bigla 'yong mabait, masiyahin, at carefree'ng Leroigh na kilala ko. Malambot ang puso ng batang iyon, madaling masaktan." Tumanaw siya sa malayo. "Palagay ko, 'yong pain na nainflect sa kaniya ang rason kung bakit niya binago ang sarili."
"Kung hindi na lang sana 'yon ginawa ni mama. Maayos pa sana ngayon ang kapatid ko. Malambing pa sana ito at mahilig pa sanang ngumiti. Pero tingnan mo nga naman ang nagagawa ng galit sa isang tao. Nagagawa tayong baguhin kapag magpalamon tayo."
"Pasensya na, ate."
Hinawakan ko ang braso niya. Maagap niya namang inabot ang kamay ko saka ngumiti sa akin para ipakitang walang problema 'yong pagtanong ko ukol doon.
"Ayos lang, Ceine. Wala kang dapat ihingi ng pasensya. Deserve mo rin namang malaman iyon dahil parte ka na ng pamilya. Mabuti nga iyon, eh. Kahit paano nabawasan ang bigat sa dibdib ko dahil may napaglabasan ako ng hinanakit ko. Pasalamat pa nga ako sa 'yo."
"Mabuti naman po kung gano'n," maliit akong napangiti. "Salamat po dahil hindi kayo nag-alangang magkwento sa akin."
"Syempre naman, para saan pa't magkapatid naman na tayo, 'di ba?" Itinaas-baba niya pa ang kilay. Tumango ako at ngumiti.
"Magaan ang loob ko pagdating sa 'yo. Kaya 'wag ka nang magtaka kung bakit hindi ko binigyan ng second thought mag-kuwento about sa past ng pamilya namin. Tulad nga ng sabi ko, bahagi ka na namin."
Parang may humaplos sa puso ko sa narinig. Masaya pala talaga sa pakiramdam kapag tanggap ka ng isang tao. Nakatataba ng pusong isipin na may nagbabahagi sa 'yo ng saloobin. Madarama mo talagang pinagkatitiwalaan ka ng taong iyon.
Kung may pasasalamatan man ako, kabilang doon si ate dahil sa kabila ng nakalulungkot na nangyari sa pamilya nila, ni minsan ay hindi niya ako itinuring na iba. Hindi niya pinadama na outcast lang ako. Buong loob niya akong tinanggap at tinuring na parang totoong kadugo.
Kahit paano, may naging mabuting dulot pa rin naman sa akin ang pagiging kasapi sa pamilya nila; dahil nakilala ko si Ate Lezi at naranasan ko sa kaniya ang pakiramdam na magkaroon ng nakatatandang kapatid.
©heartlessri
