ELENA CEINE.
Hindi ko maproseso ng maayos ang mga sinasabi ng Doctor na siyang nagcheckup sa akin. Napatulala na lang ako. Parang ano mang oras ay hihimatayin na naman ako. Dapat pala hindi na lang ako nagising para hindi ko malaman ang balitang hindi ko inaasahan. Hindi ko man lang naihanda ang sarili.
Parang bigla na lang akong nabingi no'ng sabihin sa akin ng doktor na mahigit isang linggo na akong buntis. Kinalkula ko ang araw simula noong may nangyari sa pagitan namin ni Leroigh. Napagtantuhan ko na mahigit isang linggo na rin ang lumipas. Nanlamig ako na parang binuhusan ng tubig na punong-puno ng yelo.
"Maraming salamat, Dr. Falcon," pagtatapos ni Cassandra matapos sabihin ng naturang doktor ang mga paalala para sa pagdadalang tao ko.
Nang magpaalam ang doktor sa amin ay siya namang paglagaslas ng luha ko sa pisngi. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Halo-halong emosyon ang sumabog sa sistema ko na halos hindi ko na mapangalanan.
Pero mas nanaig sa akin ang labis na pagkamuhi. Hindi ko magawang matuwa sa kaalamang anak ng taong kinasusuklaman ko ang nasa loob ng sinapupunan ko."Hindi ko 'to gusto, Cassandra. Ayoko nito." nanginginig ang tinig kong sinabi. Niyakap niya ako at hinagod ang aking likod para pakalmahin ako, subalit hindi magawang kumalma ng kalooban ko.
Ilang sakit at paghihirap pa ba ang kailangan kong maranasan? Bakit sunod-sunod na binabato sa akin ang mga matinding suliranin? Pwede bang hilingin na magdahan-dahan naman? Kasi mahina lang ako. I'm just a girl who can't handle being in too much pain. Hindi ako kasing lakas ng iba na kayang lumaban sa mga hamon sa buhay. Bakit parang pinaparusahan naman ako nang matindi ng mundo? Masama ba ako?
"Hush, Elena. Nandito lamang ako. Palagi mo akong kasama. Hindi kita pababayaan. Malalampasan din natin lahat ng 'to," paos ang boses niyang sinabi. Napahagulhol na lang ako sa bigat ng dinadala. Pakiramdam ko ay mas lalo lang akong nanghina. Hindi ko na maramdaman ang lakas ko.
"Umalis na tayo, Elena. Pupuntahan pa natin ang libing ni Tita. Hindi pwedeng wala ka. Kahit sa huling pagkakataon man lang ay samahan mo siya. Masakit, pero kailangan muna nating tiisin. Pagkatapos natin sa libing, kukunin natin ang mga gamit niyo sa mga Hilton. Tuluyan ka nang aalis sa kanila, naririnig mo ba ako, Elena?" Tinango-tango ko ang ulo kahit na halos wala na akong maintindihan. Nanlalambot ang mga tuhod na tumayo ako mula sa upuan.
Sunod-sunod na pumatak ang luha ko habang sumasabay sa mabagal na paglalakad ng karamihan. Parang nakikiramay din ang langit dahil sa buhos ng ulan. Nakasunod lamang ako sa mabagal na takbo ng sasakyan na magdadala sa aking ina sa huling hantungan. Mas lalo akong kumapit sa braso ni Cassandra dahil hindi ko na magawang ihakbang ang mga paa sa panghihina. Ang bigat-bigat sa dibdib ko. Parang gusto ko na lang tanggalin 'tong puso ko para hindi ko na maramdaman itong matinding sakit na ito.
No'ng dumating kami sa mausoleum ay doon na ako tuluyang naubos. Parang gusto ko na lang pigilan ang mga nagbubuhat ng kabaong ni mommy palabas ng sasakyan. Hindi pa ako handang makita ang ganoong tagpo. Hindi ko pa tanggap na tuluyan na siyang wala sa akin.
Pwede bang huwag muna? Hindi ko pa kasi kaya...
"Elena, please, stop!" umiiyak na pigil sa akin ni Cassandra no'ng subukan kong pigilan ang mga lalaking ilapag ang kabaong ni mommy sa malalim na hukay. Naglumpasay ako. Halos nawalan na ako ng pakialam kung maging kahiya-hiya man ako sa mga taong nakikiramay.
Naramdaman kong may kamay ng lalaki na humila sa akin. Mahigpit niya akong binigyan ng mainit na yakap mula sa likuran. Nagpumilit ako sa pagpiglas. Pareho na kaming basang-basa ng ulan at katulad ko'y wala na rin siyang pakialam.
"Ibalik niyo sa akin 'yong mommy ko! Ibalik niyo 'yong mommy ko!" hiyaw ko habang hindi maawat sa pagragasa ng luha ko. Nilingon ko ang lalaking may yakap sa akin at nagmamakaawa siyang tiningnan. "Leroigh, ibalik mo sa akin 'yong mommy ko. Please... ibalik mo siya sa akin."