CAPITULO 38 - Urge

56.4K 2.1K 1.6K
                                        

CAPITULO 38 – Urge


PAANO KUNG HINDI AKO TOTOONG NAKALIGTAS?


Humihingal akong napadilat sa madilim na paligid. Walang kahit isang ilaw ang nakabukas. Nagising na naman ako sa madilim na paligid. 


Palaging ganito tuwing gigising ako. Palaging patay ang ilaw ng kuwarto ko. Kahit ang mga kasama ko sa bahay ay nagtataka kung sino ang nagpapatay ng ilaw. Minsan ay iniisip nilang baka ako. Na baka nasisilaw ako kaya pinapatay ko.


Pero hindi ako. Hindi ko kailanman pinapatay ang ilaw rito sa kuwarto. Kusa itong namamatay kapag mag-isa na lang ako, o kaya kapag tulog o abala ang kung sino mang kasama ko.


Kumurap-kurap ako sa dilim. Kahit wala akong makita ay ramdam kong may mga mata na nakatingin sa akin. Dito mismo sa kaliwang gilid ko. Meron ditong nakatayo.


Nararamdaman ko ang presensiya niya, kahit hindi siya humihinga. Kahit walang kahit anong ingay na nagmumula sa kanya, alam kong nandito siya. Dito sa kaliwang gilid ng kama. Dito sa tabi ko ay nakatayo siya.


Nakayuko siya. 


Nakayuko sa akin. Mayamaya ay unti-unti pa siya sa aking yumuyuko. Kung paano ay hindi ko masabi. Nahihinuha ko lang na parang nababali na ang leeg niya sa pagkakayuko. Ilang segundo na ganoon, hindi siya nangangalay. 


Tapos nakarinig ako ng naglagutukang buto. Iyon pala, nakayukod na siya. Kasama na sa pagyuko niya ang itaas na bahagi ng kanyang katawan. Naka-bend na!


Hanggang sa may maramdaman ako sa aking noo. Dulo ng basang buhok!


Buhok na basa, makakapal ang hibla, at iilan lang na piraso. Walang may mahabang buhok rito maliban sa akin at kay Sister Gelai. Hindi ito kay Sister Gelai dahil natatandaan kong maninipis ang buhok nito. Imposible ring buhok ko ito.


Sino ang merong buhok dito na ganito kahaba, kakapal, at katigas? Sino rin ang may ganitong buhok na iilan lang na piraso?


Unti-unting kumalat sa mukha ko ang iilang pirasong hibla ng basang buhok, ibig sabihin ay malapit na malapit na sa akin ang mukha ng kung sino... o kung ano man siya. Siya na hindi ko man lang naririnig na humihinga.


Nang halos matabunan na ang mukha ko nang buhok, saka nasanay ang mga mata ko sa dilim. May nasinag ako na mukha sa harapan ko. Hindi ko alam kung delusyon lang, pero bakit para akong nakaharap sa salamin? Dahil parang mukha ko ang aking nakikita?


Pero hindi ako nakangiti! Iyong nakikita kong mukha ko ay nakangiti. Iyong ngiti na malamig pero malaki!


Sa gulat ko ay napakislot ako, dahilan upang aking matabig ang kung sino mang katabi ko sa kanan. Hindi pala ako nag-iisa sa kama. Umungol tuloy iyong katabi ko na parang naalimpungatan. Doon bumukas ulit ang ilaw ng kuwarto ko.


Bumaha ang liwanag sa paligid, wala na iyong buhok, at wala na iyong nasa harapan ko kanina. Kahit saang parte ng kuwarto, wala ring bakas kung saan ito nagpunta.

Beware of the Class President (To be published!)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon