CAPITULO 48 – Ignorance Is Bliss
MADILIM ANG PALIGID.
"Wag kayong magpa-panic." Ang panganay na si Joachim. May bakas ng pagkabahala kahit kalmado ang boses. "This may be just a normal electricity outage!"
Sa kabila ng sinabi niya na wag matataranta ay nataranta pa rin ako. Nangatog ang aking kamay na dahilan upang mabitiwan ko ang aking cell phone.
Pagbagsak niyon ay namatay agad ang liwanag sa screen. Wala tuloy kami lalong ilaw. Napaluhod ako sa sahig upang kapain kung saan banda nalaglag ang aking cell phone.
"We'll help you, Sister Gelai." Ang magkapatid na nasa harapan ko ay naramdaman ko na nakihanap din.
Ang hallway ng mga kuwarto sa bungalow na bahay na ito ay walang bintana. Walang papasukan ng kahit kapirasong liwanag mula sa labas, kung meron mang liwanag ang buwan. Kaya napakadilim namin ngayon dito. Walang makikita na kahit ano.
Wala kaming magamit na puwedeng ilaw, dahil nasa kuwarto ang phone ni Julian at nataon na deadbat naman ang phone ni Joachim.
"Si Kena!" sabi ko nang maalala.
"She's tied in her bed," sabi ni Julian. "At tulog na rin naman siya, kaya di siya basta makakaalis."
Hindi namin mahanap ang aking phone kahit tatlo kami na naghahanap. Kung saan-saan na sa lapag nangangapa ang aming mga kamay, subalit wala ni isa sa amin ang nakakakapa.
Saan na ba iyon napunta? Dito lang naman banda iyon nalaglag kanina.
Narinig ko ang yabag ng pag-alis ng isa sa magkapatid. Si Julian. "Wait, I'll get my phone in my room."
Naiwan ako sa dilim kasama si Joachim. Nasa bandang kaliwa ko siya. Sa pagkapa namin sa sahig para hanapin ang phone ko ay napahawak siya sa kamay ko.
Inalis ko ang aking kamay subalit humabol ang kamay niya. Napatingala ako sa bandang kaliwa ko kung saan siya naroon.
Narinig ko ang pagkilos ni Joachim. Nagsalita siya. "Sister, kukunin ko ho muna iyong flashlight sa kusina."
"Ah, mabuti pa nga. Ako ay maghahanap din muna ng kandila—" Hinila ko na ulit ang aking kamay. Muling humabol sa akin ang kamay niya.
Naramdaman ko ang paghinga ni Joachim sa aking gawing kanan. Nasa kaliwa ko siya kanina lang, lumipat ba siya ng puwesto?
"Joachim, sige na, kuhanin mo na iyong flashlight," sabi ko.
Hindi siya kumibo. Hindi pa rin niya inaalis ang kamay sa ibabaw ng kamay ko.
Sinubukan ko ulit hinahin ang aking kamay mula sa ilalim ng kamay niya, subalit bumigat ang kamay niya. Ang palad niya ay medyo basa. Marahil ay pasmado. Medyo rin malamig.
Sisitahin ko na siya ulit nang may titis ng liwanag na lumitaw sa dulo. Pagtingala ko roon ay aking nakita ang kandila na nakasindi sa gitna ng dilim. Napakurap ako dahil ang may hawak niyon ay si Joachim!
"Sister, wala hong flashlight sa kusina. Pero nakakita ako ng kandila."
Napalingon ako bigla sa aking kanan. Walang tao. Wala na rin iyong kamay sa ibabaw ng kamay ko.
Bumalik ang tingin ko kay Joachim na nagtataka sa aking nakatingin. "Sister, are you okay?"
Parang nanlalaki ang ulo ko habang nakatingin sa kanya. Ibig sabihin nang magpaalam siya kanina ay umalis na siya. Iniwan niya na ako ritong mag-isa. Subalit sino ang nasa kanan ko? Sino ang may hawak kanina sa kamay ko?!
BINABASA MO ANG
Beware of the Class President (To be published!)
ParanormalFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...
