37

15.1K 689 590
                                        

Levi

Para akong binangga ng rumaragasang truck sa hitsura ko. Halatang-halata 'yung itim sa ilalim ng mga mata ko.

Tangina, pa'no ba naman kasi, mula noong gabing 'yon, para na akong sinumpa ng insomnia. Bawat gabi, pahirapan ang pagtulog.

Tuwing pipikit ako, dumadagsa 'yung mga alaala. Walang preno. Parang sinasadya akong bulabugin at gisingin hanggang sumapit ang umaga.

Hindi rin nakatulong na kasama ko si Supremo sa dorm. Kahit sabihin mong pinanindigan niyang sa sahig siya matulog, eh wala rin. Bothered pa rin ako.

Kaya kapag nararamdaman kong unti-unti na naman akong nilalamon ng sarili kong isip, tatayo ako. Lalabas ng kwarto, deretso sa balcony. Magsisindi ng yosi, hihipak.

Minsan may kasamang kape, kadalasan may bitbit na papel. Mga take-home tasks na tinatapos ko kahit tapos na. Pampagulo. Pampataboy sa imahe niya sa kokote ko.

Hanggang sa aabutan na lang ako ni Supremo pagsapit ng bukang-liwayway.

Magulo pa ang buhok niya, kinakamot ang mapupungay na mata, at parang ako agad ang hinanap pagdilat.

Lalapit siya, garalgal pa ang boses. "Good morning, hun."

Hindi agad ako makakasagot nu'n, syempre. Matatameme muna ako na parang gago lang. Tapos saka lang bubulong ng "Morning," sabay ng tipid na ngiti.

Kasunod nu'n, sabay na kaming mag-aayos para pumasok. Tapos yayayain niya akong mag-almusal sa labas, para raw iwas sa mga schoolmates namin, kung sakali't ayaw ko raw na makita at mapag-usapan kami.

Alam ko ring napapansin niyang puyat ako. Hindi niya na lang direktang sinasabi, pero ramdam ko. Minsan paulit-ulit siyang nagtatanong kung ayos lang ba ako. At grabe pa mag-alaga 'yang siya. Akala mo kung pasyente ako sa ICU, eh.

Putcha. Pati nga sa elevator, siya pa ang nag-insist na magpindot.

Like, pre, wala akong tulog pero hindi pa naman ako baldado, ano.

"Are you sure you'll be okay?" tanong niya, kunot-noong nakatitig.

Nasa likod kami ng arena ngayon. Walang ibang tao rito. Tanging naririnig ay ang malakas na hiyawan mula sa loob. Ilang saglit na lang, laro na nila laban sa Stallions ng College of San Elia.

"Tss," usal ko, sabay ngisi. "Ako pa."

Suot niya 'yung pulang jersey na may nakabalandrang Thunderhawks sa harap. Sa likod, apelyido niya at jersey number. Tangina, real talk lang ah. Bagay sa kanya. Kapitan na kapitan ang dating...

Kapitan ng barangay.

Biro lang. Pero seryoso, ang kisig ng dating niya ngayon. Sa unang tingin, hindi mo aakalaing corny, baduy, OA, at certified timang pala siya sa totoong buhay.

Inangat ko ang tingin ko, sinalubong 'yung mga mata niyang punong-puno pa rin ng pag-aalala.

Napangisi ako, bahagyang napaismid. "Gago, seryoso nga. Focus ka lang sa laro niyo."

Tangina. Ano ba kasing ikinakabagabag nito? Eh, hindi naman na bago 'to. Parang may pasa lang 'tong mga mata ko, pero matamlay talaga ako palagi. Default setting ko na 'yan.

Tahimik siya. Matagal bago sumagot.

"Alright," aniya, may pilit na ngiti. "I'll try."

Tumango ako, sabay ayos ng cap ko. Sakto namang napansin ko na papalapit si Xavier sa kinaroroonan namin.

"Cap!" sigaw niya, suot din ang pulang jersey.

Lumingon si Supremo, habang si Xavier naman ay napatingin sa akin. Pumuslit agad 'yung pamilyar niyang ngiti.

The Art Of UsStories to obsess over. Discover now