Levi
Sa loob ng tatlong araw na pamamalagi ko sa ospital, mas matagal pa ang oras na kasama ko si Supremo kaysa sa mismong paghinga ko.
Akala ko noong nasa dorm pa kami, maalaga na siya. Pero ibang klaseng pag-aalaga ang ipinakita niya ngayon. Ibinubuhos talaga niya lahat sa akin.
Doon ko na talaga napatunayan na may pakialam siya sa akin, at hindi lang gano'n ang mga kilos niya dahil nililigawan niya ako.
Sa tatlong araw na 'yon, sa ospital siya natulog kasama ko. Paulit-ulit ko nga siyang sinasabihan na umuwi sa dorm para doon na magpahinga dahil mas kumportable. Pero todo ayaw talaga.
Hindi ko na lang din pinipilit kapag gano’n. Wala eh, gusto ko ring kasama.
Hindi na rin namin pinakawalan ang kamay ng isa't-isa. Overnight 'yun, mga par. Minsan, makakatulog na lang siya sa upuan, nakayuko sa gilid ng kama. Tapos habang nakapikit siya, hinihimas ko 'yung buhok niya gamit ang kabilang kamay ko.
Dito ko lang din nalaman na 'yon pala ang nagpapagaan sa kaniya. Kaya lagi ko nang ginagawa, hanggang sa nakasanayan ko na rin.
Ang lambot kasi ng buhok niya. Tapos, wala akong nakakalikot na balakubak, kaya satisfying.
Sa totoo lang, kung titingnan mo kami mula sa labas, mukha na akong misis na bagong panganak.
Putangina, legit na hindi nakakalalaki, par.
Pero gano’n talaga siya, eh. Kinareer niya na ang pagiging manliligaw ko.
Hindi ako iniwan. Hindi ako pinabayaan. Kahit anong pilit kong sabihin na kaya ko naman, andiyan pa rin. Kahit 'yung klase niya, halos ayaw niyang pasukan para lang bantayan ako.
Kaya minsan, kailangan ko pang maggalit-galitan para lang lumayas siya sa tabi ko at sumipot sa klase niya.
Kapag sasakses naman ako na paalisin siya, hindi pa rin talaga ako hahayaan. Magpapadala siya ng bantay.
Kadalasan si Abby ang dadalo. Si Abby na walang ginawa kundi isalang ako sa madugong interview. Tatanungin ako kung ano na ang progress ng relasyon namin ni Supremo. Ang lala.
Alam kong hindi titigil 'yan hangga’t hindi nakakakuha ng magandang sagot, kaya diretsahan ko na lang ding tinutugon.
Pagkalipas ng ilang oras, babalik na naman si Supremo. Walang kaabog-abog, hahalikan ako sa noo. Putcha, inugali na talaga ng loko.
Sa tatlong araw na kasama ko siya sa ospital, walang mintis ang pag-aalaga niya sa akin. Lahat labis. Pati sa pagkain, sinusubuan pa ako. Jusko, ribs ang nadali sa akin, hindi kamay.
Ang OA talaga kahit kailan. Kulang na lang siya na rin ang humawak ng pototoy ko tuwing iihi ako.
Sa gabi, habang siya tulog na tulog na, gising pa rin ako. Pinapabayaan ko na lang siya. Kita naman sa mukha niya kung gaano siya napagod buong araw.
Isang gabi, habang nakaidlip siya, tinawagan ko si Kuya Marcello para tanungin kung puwede akong bumale para sa hospital bills. Swerte ko na lang, at oo agad ang sagot niya.
Thankful talaga ako na pumasok ako sa Black Dog at nakilala ko si Kuya Marcello.
Tinanggap niya ako agad kahit disisyete pa lang ako noong nag-apply ako. Desperada na talaga ako noon, eh, at siguro, nahalata niya sa akin 'yon. Kaya kahit kulang sa edad, pinayagan pa rin ako.
Parang tatay ko na rin talaga siya.
Nang sabihin ko kay Supremo na ako na ang sasagot sa bayarin sa ospital, siya pa ang nagalit.
