Anthony's POV
Ang sama nang tama ng katawan ko. Para akong binugbog. Pakiramdam ko naman natutulog lang ako sa tuwing ginagamit ni kulit ang katawan ko pero pagkatapos naman bugbog sarado ako. Bakit ang sakit?
Bawat parte ng katawan ko na sinasabon ko ay parang may namamagang laman sa loob.
Tsk! Kung ganito ang pakiramdam ng nasasapian, hindi ko na ulit ipapagamit ang katawan ko sa kanya. Baka mamaya magkasakit ako nito.
Inabot ako ng dalawang oras sa pagligo lang dahil sa sakit mg katawan ko. Parang gusto ko na lang itulog ito maghapon magdamag. Parang ang sarap magpamasahe nito sa massage parlor kaya lang wala pa akong ipon. Siguro kung makakakuha ako reward sa mga pinaggagawa ni kulit sa akin, aba...kahit manatili pa siya ng isang buwan sa loob ng katawan ko hahaha. Kaya lang baka ikamatay ko naman. Saka patay na kaya siya, wala na akong makukuha sa kanya hahaha. Ang sama ng iniisip ko, pa'no ba naman nauubos amg oras ko sa kanya. 'Yung pahinga ko mukhang magiging pahiga, parang magkakatrangkaso ako.
Pagkatapos kong maligo pinilit ko pang magluto, wala naman akong aasahan kundi ang sarili ko.
Nagluto na ang muna ako ng noodles, gusto ko ng mainit na sabaw.
Hinigop ko lang 'yung sabaw saka ko tinakpan 'yung natira sa lamesa pagkatapos ay umakyat na ako sa kwarto. Ibinagsak ko ang sarili ko sa kama. "Tulog ng maaga. May pasok pa bukas." Untag ko sa sarili.
Pati mata ko mabigat na rin kaya pumikit na ako.
Hindi pa nagtatagal ay nakaramdam ako ng naglalakad sa ibaba. "Nasa ibaba na naman si kulit. Bahala siya sa patay niya hahaha alangan namang buhay eh patay na nga siya." Sabi ko sa isip ko.
Pinabayaan ko na lang ang ingay sa ibaba at natulog na ako.
Sa gitna ng pagkakahimbing ko nagising ako ng madamdaman ang mga marami at kakaibang aura na umaaligid sa buong bahay. Hindi ko alam kung ano yun, hindi pwedeng si kulit yun, wala siya. Hindi ko nararamdaman ang aura niya. Pero bakit ang dami nila dito? Hindi sila mga tao.
Napilitan akong tumayo at bumaba para tingnan kung ano ang nangyayari.
Habang bumababa ako sa hagdan lalong tumitindi ang mga aura na nararamdaman ko pero hindi ko sila makita. Pero nararamdaman kong nandito sila.
Pagkababa ko sa sala inilibot ko ang paningin ko pero wala akong makita.
Napakalamig ng buong paligid. Kakaibang lamig. Para akong nasa loob ng malaking freezer at nanunuot ang lamig sa aking katawan.
Napatingin ako sa ilaw sa hagdanan, otomatiko nga pala yung lumiliwanag kapag may gumagamit ng hagdan. Pero ako lang ang tao dito sa bahay. Nakapagtatakang nagpapatay-sindi ito kahit wala namang tao sa hagdan. Mas pinakiramdaman ko pang mabuti, bawat pag-ilaw ng bombilya may nararamdaman akong aura na tumatapat at nawawala rin pagkatapos ng ilang segundo kaya namamatay ulit ang ilaw. Nararamdaman kong lumilipat-lipat sila sa bawat lugar. Napakabilis. Parang lumilipad sila. Marami sila. Nalilito ako sa dami nila. Nakakapagtaka pa, pare-pareho sila ng aura. Parang isa na pinarami.
"Ano sila? Bakit sila nandito?" kinakabahan kong sambit.
Nakakatakot pa kasi hindi ko sila makita.
Nagpasya na lang akong lumabas ng bahay para makalayo kahit bahagya.
Pagkalabas ko, tumambad sa akin ang napakaraming mga anino na lumilipad-lipad na tila ba gina-gwardiyahan nila ang buong bahay.
Napakarami nila!
Mas nakakatakot silang makita.
Oo, nakikita ko na sila.
Pero ano sila? Anong klaseng mga multo sila?
