Note:
Di pa ako nagba-back read pero alam kong sandakmak ang epic fails ng story na ito. I-end ko po muna bago ko ito ihaharap sa revising action ko bwahahaha. Itong update ngayon hindi ko alam kung conflict sa story kasi sa sobrang tagal ko nang hindi nag-a-update may mga situation na talagang nalimutan ko na. Kung anuman ang mapansin ninyong mali paki-comment na lang para alam ko kung saang part ako magbabawas. Marami pong salamat.
~~~~~~~~~
Naramdaman ko si kulit na nasa bahay na. Malayo naman ang bahay na tinutuluyan ko sa kinaroroonan ko ngayon pero nakapagtatakang nararamdaman ko siya. Napansin kong habang dumadaan ang araw ay lumalakas ang mga senses ko. At hindi lang si kulit ang nararamdaman ko, marami sila roon. Nagmadali akong umuwi para malaman ko kung ano ang nangyayari sa bahay para kasing may maling nangyayari.
Hinagilap ko agad kung nasaan si kulit pagkadating ko. Nakita ko ang katawan kong nakaupo sa ikatlong baitang ng hagdan...walang laman. Wala si kulit sa loob ng katawan ko at napapaligiran ng mga aninong lilipad-lipad ang katawan ko na tila ba binabantayan nila ito.
Lalapit na sana ako para bumalik sa katawan ko pero may tinig na pumigil sa akin.
Huwag kang lalapit
Si kamatayan. Dumating siya.
"Bakit?" Tanong ko.
Ang katawan mo, hindi ito isang ordinaryong katawan ng tao. Isa itong portal kung saan makakapaglabas-pasok ang mga espiritu mula sa mundo nila patungo sa daigdig ninyo. Subalit hindi sila nagpupunta dahil lang gusto nila, may mga pakay din sila.
"Po?! Eh, bakit gan'on? Saka ordinaryong tao lang ako." Kinilabutan ako sa mga sinasabi niya.
Oo, ordinaryong tao ka...dati. Subalit mula nang ginamit niya ang katawan mo nabuksan ang mga hindi dapat mabuksan. Ordinaryong tao ka pero ang katawan mo ay hindi. Ipinanganak kang may taglay na ganitong kakayahan nagiging aktibo lang ito sa tuwing ginagamit ng isang espiritu ang katawan mo. At ngayon, tuluyan na itong nabuksan.
Nabigla ako sa mga paliwanag niya. Wala akong maintindihan. "Ano pong mangyayari sa akin ngayon? Kailangan ko nang bumalik. Saka nasaan si kulit?"
Maaaring naroon siya sa lugar kung saan hindi na siya makakabalik.
Matapos kong marinig 'yon bigla na lang akong nakaramdam ng pagkataranta at pag-aalala. Biglang lumakas ang tibok ng puso ko at hindi na ako nakapag-isip ng tama. Isa lang ang naisip kong dapat gawin...
Kailangan ko siyang maibalik sa katawan niya bago pa mahuli ang lahat.
Mabilis kong tinungo ang katawan ko.
Bago pa ako tuluyang makalapit, galit na galit ang mga anino na tila ba ayaw akong palapitin. Napatingin ako kay kamatayan, siya naman kasi ang amo ng mga aninong ito.
Hindi ka nila papalapitin sa katawan mo dahil mapanganib ang binabalak mo.
Hindi ko na siya pinansin. Wala akong pakialam. Kailangan kong makabalik sa katawan ko. Hindi 'yun pwedeng matagal na bakante baka hindi na rin ako makabalik pa.
Kahit na pinapalibutan ng mga galit anino ni kamatayan ang katawan ko hindi ako nagpatalo sa takot ko. Mabilis kong nilapitan ang katawan ko pero bago pa ako tuluyang makapasok ay biglang dumilat ang mga mata ko. Nakakatakot ang mga tingin nitong matatalim. Kulay pula na ang kulay mata ko.
May gustong lumabas.
Anang kamatayan.
"Wala po ba kayong gagawin?" Tanong ko.
Tagasundo lang ako ng mga espiritung umaalis sa katawan ng taong namatay na. Hindi ko na gawain ang mga ganyang bagay.
"Gan'on? Hahayaan na lang natin na gamitin ng mga halimaw ang katawan ko? Saka si kulit? Paano na siya?" Galit kong tugon.
May tatawagin akong makakatulong.
Bigla na lang siyang umalis bago pa ako makapagsalita ulit.
Muli kong hinarap ang katawan ko at sa ngayon tuluyan na itong iniwan ng mga anino na tila ba natakot sa nakasaping halimaw doon. Hindi ko alam kung babalik pa si kamatayan. Dapat ba akong magtiwala sa kanya? Sino ba siya? Mabuti ba siya o masama? Kalaban o kakampi? Hindi ko alam ang sagot. Tanging nabubuong desisyon ko lang sa utak ko ay mabawi ang katawan ko at hanapin si kulit bago pa tuluyang alisin ang life support sa katawan niya. Kailangan kong labanan ang takot ko. Kailangan kong maging matapang.
Muli kong sinubukang bawiin ang katawan ko. Pumikit na lang ako at tinakbo ko ito ng pasugod. Bahala na!
Hindi ko alam kung ano ang nangyayari pero narinig kong nagsusumigaw ang halimaw na nasa loob ng katawan ko habang pinapasok ko ito. Para bang nasasaktan siya sa pagbawi ko dito. Humihiyaw siya na tila nasasaktan. Hanggang sa naging magaan na ang lahat na pakiramdam ko'y nabawi ko na nga ang katawan ko pero,
pagdilat ko...
Pero imbis na sa katawan ko ako pumasok...
Napunta ako sa panahong kinasasabikan kong mangyari sa buhay ko.
Ang pangarap kong alam kong hindi na mangyayari pa.
Pero umaasa akong baka sakaling magkatotoo.
Nandito ako sa panahon kung saan kasama ko ang pamilya ko...
Buo...
Kompleto...
Si mama...
Si papa...
At mga kapatid ko...
Masaya silang sama-sama na nagpi-picnic sa isang tila malawak na parang. Maganda ang lugar, payapa. Masarap damhin ang simoy ng hangin. Nakita ko ang dalawa kong kapatid na mas bata sa akin na nag-aagawan sa pagpapalipad ng saranggola. Si mama at si papa na naglalambingan sa tabi ng mga nakahandang pagkain. Si ate na busy sa kaka-cellphone. Bigla na lang tumulo ang luha ko. Pangarap ko ito. 'Yung buo at masaya ang pamilya ko.
"Anthony!" Tawag sa akin ni mama. Napawi tuloy ang malapit ko na sanang pag-iyak nang tawagin niya ako. Nagtaka ako na, bakit nakikita niya ako? Na ako ba talaga ang tinatawag niya? Nilingon ko pa ang paligid ngunit, wala namang ibang naroon kundi ako at sila lang. "Ano ka bang bata ka! Lumapit ka nga dito at kumain ka na. Kanina ka pa nanghuhuli ng kung anu-ano diyan." Aniya. Saka ko pa lang nakitang may hawak na pala akong basket na may mahabang hawakan, panghuli ng mga insekto tulad ng paru-paro.
"M-mama... P-papa..." Tuluyang kumawala ang mga luha ko. Tumakbo akong palapit kay mama at niyakap siya. "Totoo ba ito? Nandito ba kayo? Talaga bang ikaw ito mama?" Tanong ko.
"Ano ka bang bata ka? Nakakain ka ba ng paru-paro? Saan naman ako pupunta? Lagi lang naman akong nandito ahh. Ganito lang tayo kasaya, palagi. 'Di ba pangarap mo ito? 'Wag ka ng umalis anak, dito ka na lang ha, sa lugar kung saan lagi lang tayong masaya. Magkakasama." Gusto ko pa sanang damhin ang pagkakayakap niya pero kumalas na ako.
"Hindi ito totoo. Ang lahat pawang imahinasyon. Ito lang gusto kong mangyari pero ang totoo, ang mama at papa ko may kani-kaniya na silang buhay. Si ate may sarili ng pamilya. Ang dalawa kong kapatid pinaghatian nyo ni papa. Kaya nga bumukod ako. Dahil ayaw kong makisama sa pamilyang hindi naman sa akin. Bakit ako nandito?" Saad ko.
"Dahil ito ang buhay na gusto mo, anak. Ayaw mo ba dito? Kung saan kasama mo kami?" Sagot ni papa.
"Dito na lang tayo, Anthony. Masaya naman dito." Sabat ni ate.
"Kuya! Halika, magpalipad na lang tayo ng saranggola." Tawag sa akin ng dalawa kong kapatid.
"Hindi! Hindi kayo ang pamilya ko!" Sigaw ko.
Bigla na lang naging pula ang mga mata nila. Nag-iba na ang kilos nila na para bang galit na galit sa akin. Nagsimula na silang lumakad palapit na parang balak akong patayin.
"Dito ka na lang! Dito na lang tayo! Wala ng aalis!" Sabi ni papa. Hindi. Hindi siya si papa.
"WALANG AALIS!!! WALANG AALIS!!!" sabay nilang sabi habang papalapit sa akin. Umatras lang ako ng umatras. Hindi ko magawang tumakbo. Parang nawalan ng lakas ang mga tuhod ko.
"TULOOOOONG!!!!......." narinig kong sigaw mula sa kung saan.
Si kulit!
