Chapter 20

56 2 0
                                        

Huminga ako ng malalim habang nakaupo sa gilid ng park bench sa harap ng maliit na cafe. Gusto ko na lang tumakbo, palayo sa lahat ng tao, sa lahat ng tingin, sa lahat ng nakaraan. Ramdam ko ang bigat ng mundo sa dibdib ko. Pero may isang kamay na dumampi sa akin.

"Janah," boses ni Gian, mahina pero matatag. Umupo siya sa tabi ko, hindi ako hinahabol sa salita, hindi ako pinipilit. "Hindi mo kailangan lahat i-handle mag-isa."

Napatingin ako sa kanya. "Hindi mo naiintindihan... gusto ko lang mawala." Nanghina ang mga balikat ko.

"Alam ko," sabi niya, at hinawakan niya ang mga kamay ko. "Pero hindi ka nag-iisa. Andito ako, at hindi kita bibitawan. Nandito lang kami ni Seaghan... always, like before."

Napangiti ako ng bahagya, at sa isang sandali, parang lahat ng bigat ko ay bumaba nang kaunti. Hindi niya pinipilit, pero alam ko, ramdam ko, ramdam ko ang init at katiyakan sa bawat titig at salita niya. Natahimik kaming dalawa ang nagtitigan lang. Hanggang sa dahan-dahan, halos hindi ko namalayan, yumakap siya at humarap kami sa isa't isa.

Hindi ko na inisip ang nakaraan. Ang init ng palad niya, ang dahan-dahang pagtapat ng kanyang mukha sa akin at sa isang malumanay na halik, parang lahat ng takot ko ay natunaw sa oras na iyon.

Natawa kami nang sabay pagkatapos. Parehas namumula ang mukha. Hindi namalayang parehas pala kaming nadadala sa emosyon ngayon.

Biglang kumirot ang puso ko at parang maiiyak na ako. Hindi dahil sa hindi ko namalayan, hindi dahil wala akong alam, hindi dahil hindi sa manhid ako.

Pero alam kong gusto niya ako. At kahit ilang beses ko pang sabihin na gwapong-gwapo ako sa ibang tao, na gusto ko si Jacob, na kinikilig ako sa sinasabi niya, alam kong delibirasyon lang iyon sa totoo kong nararamdaman kay Gian... isang bagay na ayaw kong aminin at sabihin.

kasi. . . natatakot akong mawala siya sa'kin, na kapag natapos iyong samin, hindi na mababalik pa ang dati.

"I love... I love you Janah." Napabuntong hininga siya, kinakabahan. Tumulo ang luha ko, naghahalo sa emosyon kanina, sa nangyari, at sa ngayon. "I know... wrong timing, but I feel like it's the right timing."

"Bwiset." Hinampas ko siya at nagsalita, "Kuha-kuhang mo talaga ako 'no? Kung kailan kakatanggap ko palang sa feelings ko, sa sitwasyon, umamin ka agad."

Napatawa siya, "Alam kong mahal mo rin ako, delulu ako okay."

Natawa kami nang sabay, mukha naming parehong namumula, at parang lahat ng tensyon, lahat ng takot, nawala kahit sandali lang. Hinawakan ko ulit ang kamay niya, at ramdam ko ang katiyakan na matagal ko nang hinahanap ang tiwala na kahit anong mangyari, may kakampi ako sa mundong ito.

"Alam mo ba," sabi ko, habang hinahaplos ang braso ko, "Naalala mo iyong sinabi ko sayo nung lasing ako..."

Ngumisi siya, "Saan doon?"

Napakunot ang noo ko at nag tanong, "Meron ba akong ibang sinasabi sayo pag lasing?"

Tinignan niya ako, may namumoung ngiti sa mukha, "Hm... something like, I like you so much pero ayoko matigil pagkakaibigan natin?"

Hinampas ko siya at nagsalita, "Hindi iyan!!" Napabuga ako ng hangin. "Iyong Marry me, future father tinutukoy ko!"

Ngumisi siya, halatang naaalala rin. "Yup, naalala ko iyon. Iconic yet sweet, parang gusto mo pa akong pakasalan e."

"Heh. Ikaw nga tong muntik na maging pari dahil sa hula," asar ko sa kanya.

"Hindi ko rin alam sa utak ni Mama ok, pero mabuti na lang, hindi ako naging pari," wika niya, sabay ngiti "At mabuti na rin, hindi ka umalis sa buhay ko."

Marry Me, FatherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon