Chapter 60

149 4 0
                                        

Warning: violence.

Third Person's POV

"Mirkem."

Nakatalikod si Mirkem at nakaharap sa papalubog na araw nang marinig niyang tawagin siya ng babaeng mahal.

Hindi siya lumingon at hinintay lamang makarating ito sa tabi niya. Bawat hakbang na ginagawa nito ay mabibigat na parang may dinadalang mabigat na bagay. Napangiti siya sa kawalan dahil alam niya kung anong dinadala nito. Hindi bagay, kundi ang mga anak niya.

"Mirkem." Muling tawag sa kanya ni Maya.

Hindi pa sana niya lilingunin ang huli pero nang marinig niya ang medyo kainipan sa boses nito ay wala na siyang nagawa para lumingon.

Handa na sana niyang bigyan ng ngiti si Maya pero unti-unting napalis ang ngiti sa labi niya at napalitan ng pag-awang sa nakita. Napakurap siya habang nanlalaki pa rin ang mga mata.

"Mirkem."

Muling tawag ni Maya—mali. Hindi si Maya ang kaharap niya ngayon. Kundi si Mia.

"Have you been waiting for me?" Tanong nito nang makalapit.

Hindi niya magawang makasagot sa tanong nito at nahihintakutan lang na nakatingin sa babae.

Hindi niya napigilang maglakbay ang mata sa anyo nito. Gaya ng palagi nitong suot noon ay nakasuot ito ng bestidang gawa sa balahibo ng isang lobo. Nakapaa lang ito at hindi alintana kung maputikan man ang mga paa.  Sa leeg nito ay nakasuot ang isang kuwentas na may pangil ng isang hayop.

Tumaas ang tingin niya sa mukha nito at bumungad sa kanya ang maamo nitong mukha. Nakangiti ang mapupulang labi nito. Habang ang kayumangi nitong mga mata ay tila nangungusap habang nakatingin sa kanya, mapipilantik rin ang mga pilik mata nito na tuwing pumipikit ito ay nakikita niya ang kataasan ng mga iyon. Hindi rin masyadong matangos ang ilong nito pero hindi rin pango, sakto lang na siyang mas bumagay sa magandang hubog ng mukha nito.

At ang paborito niyang parte ng katawan nito, ang buhok nitong kulot na siyang malayang sinasayaw ng hangin.

Muling kumurap ang mga mata niya at lahat ng pamilyar na emosyon na akala niya naibaon na niya sa limot, ay muling bumalik. Bumalik lahat na parang isang ilog na malayang umaagos. Umagos lahat at hindi niya napaghandaan lahat ng iyon.

"Mia..." Mahinang bulong na tawag niya sa pangalan nito.

Parang may nalasahan siyang pait sa bibig niya habang binibigkas niya ang pangalan nito.

Mas ngumiti ito sa kanya na kulang na lang mawala ang mga mata.

Hindi niya mapigilan ang panginigan ng katawan sa sobrang pangungulila na nararamdaman. Isa lang ang gustong gawin niya sa mga sandaling ito. Ang hawakan ito. Ang kabigin at ikulong sa mga bisig niya at damhin muli ang init ng katawan nito.

Hindi na niya pinigilan ang sarili at agad hinawakan ang kamay nito para kabigin payakap. Ang inaasahan niyang mainit na katawan nito ay hindi naramdaman. Bagkos ay nag-iba ang pangyayari.

Nakatayo na siya sa malayong parte katabi ang isang puno at nakatingin kay Mia. Kung kanina siya ang kasama nito, ngayon ay hindi na. Napalitan na siya ng sariling kapatid.

Nangyari nga ang iniisip niya pero hindi siya mismo ang nakayakap dito kundi si Mirken.

Magkayap ang dalawa at tila may sariling mundo. Parehong nakangiti ang mga labi at masayang-masaya sa piling ng isa't-isa. Ni maramdaman ang presensya niya ay hindi ng mga ito ramdam. O, wala lang pakialam.

"Mirken."

Kung kanina ang pangalan niya ang binabanggit nito, ngayon ay hindi na.

Napayuko siya sa kinatatayuan at inisip kong tama ba talaga ang narinig kanina—kung tinawag ba talaga nito ang pangalan niya o namali lang ang pandinig niya at ang pangalan pala ng kapatid ang binabanggit nito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 10 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

His Obsession (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon