Maya
Tumingala ako at tinaas ang isang kamay sa noo para pantakip sa sinag ng araw. Mataas na ang sikat ng araw at tingin ko ay maga-alas-diyes na ng umaga. Napapaypay ako sa hawak na pamaypay dahil sa init.
Kahit hindi naman masakit ang sikat ng araw pero ang init ng pakiramdam ko. Parang gusto kong maligo at magbabad sa tubig kahit kakatapos ko lang maligo.
Nandito ako sa labas kaharap ang malawak na hardin ng kastilyo.
Naisipan kong magpunta rito dahil naboburyo na ako sa kwarto. Mabuti at wala namang pumigil sa akin paglabas ko. Kahit gustuhin ko mang tumakas ay hindi ko naman alam kung saang lupalop ako ng pilipinas naroroon.
Tatlong araw na ang nakakalipas simula ng magising ako sa hindi pamilyar na silid. At ito ang pangalawang punta ko rito sa hardin. Ang una pa ay sumilip lang ako dahil nakasunod sa akin si Tungsten.
Pinagmasdan ko ang kaharap na rosas. Sobrang ganda nito at siyang pinakamalaki sa lahat ng nariritong rosas. Ang tirik na araw ay tumutulong para mas lalo pang tumingkad ang kulay. Inabot ko siya gamit ang isang daliri para damhin ang lambot ng bulaklak.
Napanguso ako. Noong isang araw ko pa ’to nakikita mula sa bintana ng kwarto ko. Gusto ko siyang pitasin pero hindi pwede, ayon na rin sa bilin ni Mayor Rich.
Ayon sa kanya ay importante ang mga rosas na ito dahil ito ang palatandaan at simbolismo ng unang babaeng minahal ni Jherome. At bago pa raw ipinatayo ang kastilyong ito ay nakatanim na ang bulaklak. Kaya alagang-alaga ito kumpara sa ibang mga bulaklak na nandirito.
Hindi na rin kataka-taka. Masyado ngang espesyal ang anyo ng bulaklak kumpara sa pangkaraniwan na aakalain mong gawa ito sa magic.
Napasimangot ako nang maalala na naman ang dahilan na ’yan. Hindi ba masyado ng OA? At tingin ko masyado nang matagal para hindi pa rin siya maka move-on?
Ang swerte naman pala ng babaeng ’yon dahil kahit gaano na katagal siyang nawala ay hindi pa rin nakakalimot si Jherome at patuloy pa rin siyang minamahal. Sobrang swerte niya.
Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng inggit. Gusto ko rin makaranas ng ganyang pagmamahal. Gusto kong makaranas na mahalin ng isang lalaki. Na kahit gaano man katagal kang nawala sa ’kanya ay hindi ka pa rin ipagpapalit at patuloy kang hihintayin. Hindi gaya ngayon, ang babaw na ng pagmamahal. Kaunting away lang ay naghihiwalay na. Kailan ko kaya mararanasan ang ganyang klaseng pag-ibig? May love life nga ako pero mukha namang hindi na ako naaalala at kinalimutan na yata.
Bumalik ulit ang tingin ko sa bulaklak. Gusto ko talaga siyang pitasin. Nagsusumigaw ang utak kong pitasin ang bulaklak.
Hindi naman siguro nila malalamang pumitas ako diba? Isang tangkay lang naman ng rosas, hindi ko dadalawahin.
Napangisi ako sa naisip. Luminga-linga pa ako sa paligid para tingnan kong may tao ba at nang walang makita ay hinawakan ko na ang katawan ng bulaklak. Ingat na ingat akong hindi matusok ng mga tinik at nang pipihitin ko na ay nagulat ako at napasigaw dahil may isang ulong lumitaw sa gilid ng leeg ko.
"Anong ginagawa mo ha? Nagnanakaw ka ng bulaklak?" Tanong ng salarin.
Tinapunan ko si Tungsten ng masamang tingin, na siyang nanggulat sa akin at malakas na hinampas sa ’kanya ang hawak na pamaypay.
"Hayop ka! Para ka talagang kabuti!" Malalakas ang ginagawa kong paghampas at puno ng gigil. Hindi ko man lang naramdamang papalapit siya.
Tumawa naman siya na parang sayang-saya sa mukha kong nanlalaki ang mga mata dahil sa gulat.
’Yon na eh! Malapit ko nang mapitas kung hindi ba naman siya malaking istorbo.
Natigil ako sandali. Hindi ko malaman pero pakiramdam ko nangyari na ito noon. May kung anong malabong pangyayari na lumitaw sa isipan ko kaya napakurap ako ng mata.
BINABASA MO ANG
His Obsession (Season 1)
VampireA not-so-typical vampire love story. Maya Villamor is an ordinary woman whose only concern is how to survive a hard life. Tahimik ang buhay niya at ang tahimik na pagsinta niya sa anak ng kanilang Mayor ang siyang bumubuhay sa tahimik niyang mundo. ...
