Chapter 6

7.2K 78 15
                                    

“Lena nabalitaan mo na ba na darating daw dito sa Cauayan ang grupo nina Neil Emerson Co para mangampanya. Alam mo namang malakas siya bilang kandidato ng pagka senador di ba?”

 

“Nakita ko nga, nagkalat ang mga posters nila lalong lalo na sa bayan. Hindi naman kataka- takang manalo siya. Sa mga employee na lang ng mga negosyo nila, siguradong panalo na siya.”

 

“Balita nga na malakas siya, kung hindi man siya number one sigurado daw na nasa top 5 siya.”

 

“Sana nga manalo siya para naman madagdagan ang iilang matinong politicians natin,” sabay tingin sa phone niya, nagbabakasaling may message galing sa anak. Unang araw ni Sarah sa trabaho niya sa Maynila. Gusto na niyang marinig ang mga kwento nito. Aminin man niya o hindi, nag-aalala siya na baka magkita ang mag-ama niya. Nag-aalala siya para sa anak, paano kung hindi siya kilalanin ni Neil? Ayaw niyang masaktan ang anak gaya ng naramdaman niya noon. Totoong whirlwind romance ang nangyari sa kanila ni Neil. Nakilala niya ito minsang magbakasyon sa Cebu si Neil duon kasama ang  kabarkada nuong high school na si Nathan. Si Nathan ang nagpakilala sa kanila. Nagkagaanan agad sila ng loob. Naging madalas ang pagbabakasyon ni Neil sa Cebu hanggang sa sagutin na rin niya ito.

May nangyari na sa kanila ng malaman ng mga magulang ni Neil ang relasyon nila. Nagulat pa si Lena ng isang araw ay bigla na lang sinabi ng mga tiyahin niya na may mga bisita siya. Unang tingin pa lang niya sa mga ito, alam na niya ang dahilan kung bakit sila nanduon. Dahil na rin siguro sa pagkabigla at pagkapahiya sa mga tiyahin at tiyuhin niya ay wala siyang nagawa kung hindi umiyak  na lang ng umiyak. Hindi siya makapaniwalang may mga taong ganoon kababa ang tingin sa kapwa nila dahil lang sa hindi nila ito kaagapay sa estado sa lipunan at kayamanan.

 

Makalipas ang ilang linggo ng pagkakausap sa kanya ng mga magulang ni Neil, nag-umpisa siyang nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka sa umaga. May duda na siyang buntis siya. Naipagtapat niya sa kaibigang si Ana ang mga nangyayari sa buhay niya at ang tungkol sa pakikipag-usap sa kanya ng mga magulang ni Neil.

 

Nagkataon naman na balak ng bumalik ni Ana sa probinsya nila. Wala din daw namang nangyayari sa kanya sa Cebu. Hindi pa niya makasundo ang mga kamag-anak na tinutuluyan.

 

Niyaya siya ni Ana na sumama na lang sa kanya tutal naman daw ay hindi din maganda ang trato sa kanya ng mga tiyahin. Lalo pa daw sigurong sasama ang pakikitungo ng mga ito sa kanya ‘pag nalaman nilang buntis siya. Ipinangako ni Ana na tutulungan siya at hindi siya pababayaan. Mahirap lang din daw sila pero hindi sila magugutom ng magiging baby niya.

 

Sumama nga siya kay Ana sa Cauayan, Isabela. Umalis siyang hindi ipinaalam sa mga tiyahin. Alam kasi niyang hahanapin siya ni Jason, maganda na rin na huwag na silang magkita. Inisip niya nuon, may awa ang Diyos at hindi sila Nito pababayaan. Tinanggap naman siya ng bukas-palad ng mga magulang ni Ana. Tumulong siya sa bukid, nag-alaga ng mga hayop at nagtanim ng mga gulay at palay. Itinuring siyang hindi iba ng mga ito at duon niya nakilala si Gary.

 

Pagkapanganak niya kay Sarah ay nag-umpisa na itong manligaw sa kanya.  Ilang taon ding nagtiyaga ito sa panliligaw. Ilang beses na niyang sinabihang manligaw na lang sa iba dahil wala na siyang balak pang umibig muli pagkatapos ng naging karanasan niya kay Neil. Sinabi niyang ang anak na lang niya ang aasikasuhin niya.

Pag-ibig, Noon at NgayonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon