Prologue

59.1K 983 26
                                    

Prologue

February 21, 2015
Time stamp: 10:34:22 pm


Ang sabi nila, wala na raw mas nakakatakot pa kapag nasa harap ka ng isang baril at nakatutok ito sa pagitan ng iyong mga mata.

At habang nakatitig ka sa dulo nito, mabilis na bumabalik sa iyong alaala kung paano mo ginugol ang iyong buhay sa mundo kasunod ng pagsisisi sa mga desisyon na ginawa at hindi mo ginawa.

Alam ni Savannah ang bagay na iyon dahil nakipagtitigan na siya sa dulo ng isang baril labinlimang taon na ang nakararaan. At inakala niyang iyon na ang pinakanakakatakot na pangyayaring puwede niyang maranasan sa buhay.

Pero mali pala siya.

May mga bagay pala na mas nakakatakot pa roon.

Kagaya ng kinakaharap niya ngayon.

Dahil heto siya, habang nasa loob ng highly secured vault, suot ang puting skintight overall suit at katernong skintight boots—na tinatawag ni Elisa na invisibility cloak dahil sa kulay niyon na nagagawa siyang itago sa mga CCTV camera—at hawak sa mga kamay ang diyamanteng kailangan niya para mapasok ang Belial Triangle, isa sa pinakamalaking underground syndicate sa buong mundo, ay narinig niya ang isang boses na nagpatigil sa ikot ng kanyang mundo.

"Freeze, FBI."

And she did exactly just like that.

Natigilan si Savannah. Hindi dahil may FBI sa likuran niya kundi dahil kilalang-kilala niya ang nagmamay-ari ng boses. Para bang lahat ng dugo niya sa katawan ay nanlamig na naging dahilan para dumoble ang bilis ng tibok ng kanyang puso.

Lumunok siya at dahan-dahang umikot paharap sa lalaki. Nang magtama ang kanilang mga mata, alam na kaagad niyang nakilala siya ng lalaking may hawak ng baril na nakatutok sa kanya. Wala nang kuwenta kung magpapanggap siyang hindi niya kilala ang lalaki.

Ngumiti siya kahit na ang totoo ay gusto na niyang matumba sa sahig dahil sa takot na bumabalot sa kanya ngayon. Dahil mas nakakatakot palang tumitig sa dulo ng baril na hawak ng nag-iisang lalaking minahal niya at minamahal pa rin hanggang ngayon.

Kung puwede lang sana niyang ibalik ang oras, gagawin niya iyon sa isang kisapmata. Ibabalik niya ang oras kaninang umaga at pipilitin niyang makaalis para makasama na si Ysabelle. Pagkatapos ay magpapakalayo-layo silang dalawa. Malayo sa lahat ng problema.

No, scratch that! Ibabalik niya ang oras kung kailan nagsimula ang lahat, labinlimang taon na ang nakararaan.

Dahil mas kaya niyang talikuran ang obligasyon niya sa plano na limang taon nilang binuo kaysa makipag-usap kay Marco habang may baril sa pagitan nilang dalawa.

Huminga si Savannah nang malalim at, "Fancy meeting you here, Officer Joseph Marco Felizardo III."




MARAMI nang pinagdaanan si Joseph bilang isang alagad ng batas at sa mga lahat ng mga pinagdaanan niya, iisa pa lang ang nagawang balutin ng takot ang buo niyang pagkatao.

Hindi ang pananakot ng kanyang Mommy Sylvia tuwing pinipilit siyang pumunta sa mga blind dates na inaayos nito para sa kanya. Hindi rin ang pakikipagbarilan niya nang harap-harapan sa mga kriminal. At lalong hindi ang bala na tumama sa kanang balikat niya noong unang sabak niya bilang isang sundalo.

Isang pangyayari lang ang nagawa siyang balutin ng takot.

Iyon ay noong araw na nakita niya kung paano impit na umiyak si Samantha habang nakatutok dito ang baril ng kriminal na pumatay sa pamilya nito at nang masaksihan niya nang tuluyang mawala sa kanya ang girlfriend.

Iyon ang tanging bagay na hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa isip ni Joseph, na hanggang ngayon ay napapanaginipan pa niya.

Akala niya ay iyon na ang pinakanakakatakot na maaari niyang maranasan.

Pero nagkamali siya. Dahil may mas malala pa palang puwedeng mangyari.

At iyon ay ang maitutok niya ang hawak na baril sa kaharap na babae.

Bagaman mata lang ang nakikita niya sa suot ng babae na puting damit na hapit sa maganda nitong katawan na para bang pangalawa nitong balat, hindi siya maaaring magkamali.

Si Samantha ang nasa harap niya. Ang nag-iisang babaeng minahal at minamahal pa rin niya.

Lumunok siya at bago pa tuluyang mabitawan ang hawak na baril ay hinigpitan niya ang pagkakahawak doon.

"Don't move. Or I'll be forced to shoot," seryosong sabi niya kahit na hindi iyon ang totoo.

"Really?" Humakbang si Samantha nang isa palapit sa kanya at, "Then do it," hamon nito.

Lumunok si Joseph. Dammit!

Mas gugustuhin pa niyang matanggal sa serbisyo kaysa barilin ang kaharap na babae. Dahil ilang beses man niyang ulit-ulitin sa isip na hindi ito si Samantha, naniniwala pa rin ang kanyang puso na ito ang babaeng mahal niya, na ito si Samantha. Sa kung anong dahilan o basehan, hindi niya alam.

"I said don't move," sabi uli niya at muling hinigpitan ang pagkakahawak sa baril at itinutok iyon sa mismong tapat ng puso nito.

Binale-wala lang ni Samantha ang babala niya at muling humakbang.

"Samantha, please..."

Nakita niya kung paano namilog ang mga mata ng babae, kung paano ito nagtatakbo papunta sa direksiyon niya at sa isang kisapmata ay sinunggaban siya na sinundan ng malakas na alingawngaw ng putok ng baril.



Dangerous KissTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon