"KAHIT ANO'NG MANGYARI, kailangang manatili akong pinuno ng rebolusyon." Ito ang sambit ni Andres Bonifacio sa kaniyang sarili.
May pagkadismaya at galit pa rin siya sa dinanas na insulto mula kay Daniel Tirona sa ginanap na asembleya sa Tejeros kamakailan kung saan naghalal ng mga opisyal na pinuno sa naitatag na bagong rebolusyonaryong pamahalaan. Nailuklok siya sa pinakamababang posisyon subalit tinutulan pa rin ito ni Tirona.
Bagama't may ilang linggo na rin ang nagdaan, nananatiling paulit-ulit na sampal ang insulto ni Tirona sa tuwing maaalala niya ito.
MAG-ISANG NAGLALAKAD SA kakahuyan si Andres na lutang ang isip, dala ang kaniyang bolo at suot ang isang salakot bilang proteksyon sa araw. Sa kaniyang paglalakad ay muling sumagi sa kaniyang isip ang tinuran ni Tirona.
"...ang posisyong Direktor na Pang-interyor ay isang mabigat na responsibilidad na hindi marahil nararapat para sa isang pinuno na mababa ang pinag-aralan..." nagngalit ang mga panga ni Andres dahil dito at napasigaw, "Hayop ka!" binunot niya ang bolo at itinaga ito sa pinakamalapit na punong kaniyang kinatatayuan.
Nakatulong ang ginawang ito ni Andres Bonifacio upang bahagyang gumaan ang kaniyang kalooban. Ngunit ilang segundo lamang ang lumipas ay nakarinig siya ng isang halakhak na may malalim na boses. Agad-agad niyang inialis sa pagkakatarak sa puno ang kaniyang bolo at alistong nagpalinga-linga sa paligid, taglay ang nag-aapoy na matang walang bakas ng takot.
"Andres Bonifacio... Hahahaha..." sabi ng boses na animo'y nanunuya pa sa kaniyang kalagayan.
"Sino ka?! Lumabas ka sa pinagtataguan mo!" sigaw ni Andres.
Mayamaya pa ay lumitaw mula sa kaniyang likuran ang isang lalaking nakasaklob ng malaking itim na tela. Malalalim ang mga mata at balbas-sarado. Siya ay patuloy na tumatawa, kalmado at walang hawak na kahit na anong bagay o sandata. Taglay rin niya ang boses na mistulang galing sa ilalim ng lupa.
"Sino ka?" may pagkabiglang tanong ni Andres Bonifacio.
"Ikaw pala si Andres, ang talunang hari. Tinatawag na Supremo, subalit walang naghahangad sa 'yong pamumuno."
"Sino kang hayop ka para insultuhin ako?!" Sinugod ni Andres ang lalaki, subalit bigla itong naglaho na parang usok, at muling lumitaw sa kaniyang likuran.
"Nakakalungkot isipin na isang daang taon mahigit mula ngayon, marami nang kagaya mo ang maghahangad ng kapangyarihan, subalit matatalo rin at hindi matatanggap ang pagkatalo."
"Sabihin mo! Sino ka?! Bakit nagagawa mong maglaho?
"Ako ang hari ng mundong ito. Isang manonood na naglalakbay sa iba't ibang panahon. Ako'y isang tulay sa pagitan ng kasalukuyan na kung tawagin ninyo ay hinaharap, at sa nakaraan na kung tawagin ninyo ay kasalukuyan."
Bagama't naguluhan si Andres sa sinasabi nito sa kaniya ay patuloy siyang nagtanong.
"Hindi kita maintindihan. Anong pakay mo sa 'kin?"
"Hahahaha... interesado kang malaman? Ang totoo'y wala. Gusto lang kitang damayan sa pighati. Subalit huwag kang malungkot Andres sapagkat ang tagumpay ng iyong mga adhikain ay wala sa panahong ito." Bigla itong naglahong muli at lumitaw sa likuran ni Andres at siya ay binulungan.
"Aani kang muli ng simpatya at ang reputasyong nadungisan ay muli mong mababawi, subalit hindi na sa panahong ito. Magpasalamat ka kay El Presidente Emilio Famy Aguinaldo, sapagkat makakamit mo ang lahat ng ito matapos ang hindi makatarungang pagpapapaslang niya sa iyo."
Muling naglaho ito na parang usok kasabay ang alingawngaw ng kaniyang halakhak. Naiwan si Andres na tulala at gulantang sa sinambit nito.

BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Ficción históricaNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...