“MAHIGIT ISANG TAON na rin ang nagdaan. Marso nang nagdaang taon, ang anak kong si Luisa ay masigasig sa pag-aaral. Maganda, masipag, matalino at matiyagang bata siya. Paborito ng kaniyang mga propesor dahil na rin sa kaniyang mga katangian. Mula pa man noong elementarya hanggang high school ay palagi na siyang nag-uuwi ng medalya.”
“Nang tumuntong siya ng kolehiyo ay nangako siya sa ‘min ng kaniyang Ina na gagawin niya ang lahat para makaahon kami sa hirap. Pero noong ikalawang taon niya sa kolehiyo ay namatay ang kaniyang Ina, lumala ang tuberculosis nito habang wala naman akong magawa dahil ayaw siyang tanggapin sa ospital. Wala raw kasi kaming pambayad. Nagmakaawa ako sa ospital na pinagdalhan pero pinagtabuyan lang kami. Umapela ako ng tulong sa isang konsehal subalit sinabi nitong dumirekta ako sa Mayor.”
“Pinuntahan ko ang Mayor na noon ay si Federico Salvador pa lamang, dahil hindi pa siya napapalitan sa puwesto. Pinasa lamang kami nang pinasa sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na siya raw nakatalaga para matulungan kami, pero wala rin nangyari. Hinanapan ako nang hinanapan ng mga ID at Membership Cards na wala naman ako, kaya sa huli ay sa kamatayan din humantong ang asawa ko. Saka lamang nag-abot ng pera ang mga opisyal kung kailan nakaburol na siya. Pang-abuloy lang ang kaya nilang ibigay, ‘yong ginamit na tolda, upuan, pati bulaklak ay may mga pangalan nila para isipin ng mga makakikita na sobrang matulungin sila. Sa sobrang sama ng loob ko ay naisip ko’ng sana pati lapida niya ay pangalan na rin lamang nila ang ipa-ukit.”
“Masakit sa akin dahil wala akong nagawa, pero mas masakit para sa anak ko dahil supporter siya ni Mayor Salvador. Hindi niya inasahang hindi pala ito makakatulong sa ‘min. Dahil dito, nangako si Luisa na hindi na niya iboboto si Salvador sa 2013 elections. Nalungkot ang anak ko dahil hindi na niya matutupad ang pangako niya sa kaniyang Ina na iaahon niya kami sa hirap, pero gano’n pa man, hindi nawalan ng pag-asa si Luisa. Nangako siyang pagbubutihan pa lalo ang pag-aaral upang makaahon kami sa kinalulugmukang kalagayan.”
“Iginapang ko ang pag-aaral ni Luisa hanggang sa dumating nga ang araw na halos maka-graduate na ang aking anak. Buwan ng Marso. Buwan kung kailan gaganapin ang kaniyang graduation. Excited na ang aking anak habang ako naman ay masaya para sa kaniya. Isang gabi ng buwan na ‘yan, bago ang araw ng kaniyang graduation. Sa pambihirang pagkakataon na ito ay masaya akong umuwi nang maaga bitbit ang isang supot ng pansit at mamon. Inaantabayanan siya sa kaniyang pag-uwi sa bahay.”
“Pero sumapit na ang dilim ay hindi pa rin umuuwi ang aking anak. Kahit na batid ko’ng hindi naman niya ugali ang magpagabi nang uwi ay inunawa ko na lang, dahil baka ‘ika lumabas lamang kasama ang mga ka-iskuwela at kaibigan. Pero lumalim ang gabi at nagmamadaling araw na ay hindi pa rin dumarating si Luisa. Kinutuban na ‘ko nang masama dahil hindi ugali ng batang iyon ang ganoong gawain na magpaabot nang madaling araw na wala pang paalam sa akin. Alas-dos ng madaling araw ay balisa kong hinanap si Luisa, pinuntahan ko ang mga bahay ng kaniyang mga kaibigan ngunit ang sabi ng mga ito’y alas-singko pa lamang daw ng hapon ay umuwi na sila nang magkakasabay. Wala naman daw sinabi si Luisa na may iba pa siyang pupuntahan, ang alam daw nila ay didiretso na ito pauwi upang magpahinga at lab’han ang kaniyang toga na isusuot kinabukasan.”
“Napagod ako sa paghahanap kay Luisa kaya’t bumalik ako sa bahay, subalit nanatili akong balisa, hanggang sa hindi na ‘ko nakatulog. Lumiwanag na sa pagpatak ng alas-siyete pero wala pa rin si Luisa. Muli akong lumabas upang ipagpatuloy ang paghahanap sa kaniya. Bitbit ang pag-asa na makakasalubong ko ang aking anak sa paglalakad ay tinunton ko ang kalsadang madalas nitong daanan pauwi, pero iba ang aking nakasalubong—si Tikboy. Ang piping basurero sa aming lugar. Nagmamadali niya akong hinatak papunta sa tulay. Kahit hindi ko siya maunawaan ay sumama ako dahil kakaiba ang pakiramdam ko sa mga ikinikilos niya.”
“Inakay ako ni Tikboy papunta sa ilalim ng tulay at doon tumambad sa ‘kin ang hubad na bangkay ng aking anak. Para akong pinagsakluban ng langit nang makita ko ang kawawang kinahinatnan ng mahal kong anak. Wala nang mas sasakit pa sa isang magulang kundi ang makita ang kaniyang anak sa karumal-dumal na kalagayang kailan man ay hindi niya inisip na mangyayari dito. Kasabay ng dinaranas kong hinagpis ay binalot ako ng galit at napagbuntungan ko ang piping si Tikboy sa pag-aakalang siya ang may gawa nito. Winagwag ko ang binatilyo kaya’t nang makawala ay napatakbo ito sa takot, saka ako nahimasmasan at napagtanto kong malabong magawa ito ng isang trese anyos na piping buto’t balat. Kung tutuusin ay mas kaya pa siyang masaktan ni Luisa kung manlalaban ito. Sa gitna ng dagsaang usisero at mga pulis na imbestigador ay humagulgol ako ng iyak at puno ng tanong sa Diyos kung bakit Niya hinayaang mawala sa pangit na paraan ang dalawang pinaka-importanteng babae sa buhay ko.”
“Noong gabi ng lamay ng aking anak ay dumating si Tikboy, humingi ako ng tawad sa kaniya at mukhang nauunawaan naman ng binatilyo ang aking nagawa. Higit pa sa pakikiramay ang ipinunta ni Tikboy nang gabing iyon, inabot niya sa akin ang isang sulat. Dahil nga sa hindi nakakapagsalita ay isina-papel na lamang niya ang pagsasalaysay ng kaniyang mga nasaksihan. Halos sumabog sa dibdib ko ang galit nang mabasa ko ang kuwento ni Tikboy. Dito, napag-alaman ko na ang utak pala ng panggagahasa at pagpatay sa aking anak ay ang pamangkin ni Mayor Salvador na napababalitang nanliligaw kay Luisa. Labis akong nanglumo nang malaman kong limang tao ang nagtulong na halayin ang aking anak.”
“Pagkalibing sa aking anak ay agad kong ini-report sa pulisya ang pangyayari. Sinamahan ako ni Tikboy na handang magboluntaryo na tumayong testigo sa kaso, bitbit namin ang salaysay na isinulat niya sa papel. Inabot namin sa pulis ang sulat at ipinabasa namin ito sa kaniya. Nangako naman ito na agad gagawa ng aksyon at ipapatawag ang suspek sa lalong madaling panahon upang imbestigahan ang pangyayari at iakyat na rin ang kaso sa korte. Kinabukasan, matapos ang araw na iyon ay natagpuan naming patay sa basurahan si Tikboy. Tadtad ng bala sa katawan at may tama ng isang bala sa ulo na pumatay rito. Dahil sa pagkamatay ng nag-iisang witness ay bumagal ang takbo ng kaso, naging mailap ang katarungan para sa aking anak. Pero ang masakit nito, nakatanggap ako ng impormasyon na ‘yong pulis na nilapitan namin ay ninong pala ng suspek, at ‘yon daw mismo ang pumatay kay Tikboy. Mabagal daw ang paggulong ng kaso dahil binabayaran maging ang mga husgado.”
“Dahil nga sa maimpluwensya ang pamilyang pinagmulan ng demonyong gumawa ng kahayupan sa anak ko, nawalan na ‘ko ng pag-asang makakamit ko pa ang hustisya para sa kaniya. Simula noon, hindi na ‘ko naniniwala sa batas, at wala na rin akong pinaniniwalaang pulitiko na pare-pareho lang naman ang likaw ng bituka. Alam mo kasi Andoy, dito sa Pilipinas, nabibili ang batas at ang hustisya. Gaya ng sinabi ko, wala nang libre sa panahon ngayon.”

BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Ficção HistóricaNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...