"WALA RITO 'YONG memory card, nakatago 'yon sa bahay. Mahigit isang taon ko na 'yon itinatago. Pero nitong mga nakaraang linggo, nag-umpisa na nitong ilagay ang buhay ko sa kapahamakan," paliwanag ni Gretchen sa binata.
"Ano ba'ng mayroon sa memory card na 'yon? Bakit kailangang malagay ka sa panganib huwag lang makuha ng mga lalaking 'yon?" tanong naman ng interesadong si Bon.
Nag-alangan si Gretchen na sagutin ang tanong ni Bon. Subalit may kung anong bumubulong sa isip niya na mapagkakatiwalaan itong lalaki na nasa kaniyang harapan.
"Sigurado akong nag-uusisa ka ng ganyan sa 'kin para sa isang magandang istorya. Hindi ko ipagdadamot sa 'yo ang impormasyon pero pakiusap, huwag mo munang isulat ito at ilathala sa pahayagan agad-agad. Alang-alang ito sa kaligtasan ko at hustisya ng biktimang nasasangkot dito."
Sa sinabing ito ni Gretchen ay madaling naunawaan ni Bon na mabigat ang nilalaman ng memory card.
"Pangako, Rose. Hayaan mong makatulong ako sa ano pa mang paraan."
"Sige." Huminga nang malalim si Gretchen bago nagsimula sa pagkukuwento.
"Isang taon mahigit na ang nakararaan, pauwi na ako nang mga oras na 'yon galing sa trabaho. Mula sa sementong tulay ay natanaw ko sa ibaba ang isang komosyon. Nakita ko ang isang hubad na babae, nanghihina, at may limang lalaking malinaw na nagparaos sa kaniya. Nababatid ko na ito ay isang panggagahasa. Nagtago ako sa madilim na bahagi ng lugar, tapos na ang panghahalay nang mga pagkakataong 'yon at buhay pa ang dalaga.
"Inumpisahan ko ang pagkuha ng video sa pagtatalo ng limang lalaki kung papatayin ba nila ito o bubuhayin ang biktima. Narinig ko ang humahagulhol na boses ng dalaga na nakikiusap na buhayin siya at hayaang makauwi, dahil naghihintay raw ang kaniyang ama. Pero ang mga hayop, sa huli ay nagdesisyon na patayin siya sa pamamagitan ng pagsakal."
"Gamit ang natitirang lakas, sumubok pang magpumiglas ang babae, pero sa huli ay namatay rin siya. Bahagyang naantala ang mga lalaki nang makarinig ng kaluskos ng isang bata mula sa hindi kalayuan. Hahabulin na sana nila ito pero sa kamalasan ay tumunog ang cellphone ko nang dahil sa isang tawag. Sa kinaroroonan ko ngayon nabaling ang pansin ng mga kalalakihan kaya nagmadali akong tumayo at tumakas, lalo't natanaw nila na kumukuha ako ng video.
Sa estimasyon ko ay dalawa silang humabol sa 'kin. Nai-save ko ang video at habang tumatakbo ay madali kong inalis ang memory card ng cellphone ko. Nakaisip ako ng paraan para mapatigil sila sa paghabol sa 'kin. Huminto ako sa pagtakbo nang may labing limang dipa ang layo nila mula sa 'kin. Tapos ay sumigaw ako, para sabihing sinusuko ko ang cellphone na may kuha ng krimen nila. Alam kong 'yon ang kailangan nila kaya hihinto sila kapag iniwanan ko 'yon. Hinagis ko ito papunta sa kanila na madali naman nilang pinulot, kahit pa nakalas ang mga parte nito. Nang pulutin nila ito ay sinamantala ko ang pagkakataon, lumiko ako sa isang madilim na kalye at nagtago."
"Nagpatuloy sila sa paghabol sa akin, pero nalagpasan na nila ako mula sa aking pinagtataguan."
Bakas sa boses ni Gretchen ang sariwa pang takot na dinulot ng mga pangyayaring iyon sa kaniya.
"Kung gano'n, hinahabol ka nila dahil sa ebidensyang hawak mo? Isang taon mahigit na ang nakakaraan, bakit hindi mo ito ginamit laban sa kanila? Kung hinahabol pa nila ang ebidensya sa 'yo, ibig sabihin ay hindi pa nalulutas ang kaso na 'to," pag-uusisa pa ni Bon.
"Natatakot ako para sa buhay ko, Bon. 'Yong babae na iyon ay si Luisa, 'yong anak ni Mang Berto na bantay sa Monumento Circle. Hindi ko sinabi kay Mang Berto ang tungkol sa video, kinaibigan ko siya noon para sana tulungan sa kaso ni Luisa pero natakot ako nang malamang sinalvage 'yong isa pang witness na batang pipi. Maimpluwensya ang mga suspek, ang isa sa kanila ay pamangkin ng mayor!"
Tumulo ang luha ni Gretchen kasabay ng pagkukuwento niya. Higit sa takot ay namamayani sa kaniya ang konsensya, dahil mahigit isang taon niyang ipinagdamot ang hustisya para kay Luisa. Pero mahirap ilarawan ang takot na nararamdaman ni Gretchen. Takot na ngayon ay unti-unti nang napapawi. Ito marahil ang dahilan kung bakit sila pinagtagpo ni Andres Bonifacio noon sa astral world. Ito ay upang ipakita sa kaniya na ang pagkabuhay sa takot ay hindi nakapagliligtas ng buhay.
"Rose, maaaring nakatulog na ang kaso at hindi ito nakagawa ng ingay noon. Pero ang ebidensyang hawak mo ay nagpunla ng takot sa mga suspek. Hindi sila titigil hangga't hindi ka nila napapatay. Kung mapapatay ka nila ay mamamatay rin ang natitirang pag-asa para sa hustisya sa nangyari kay Luisa. Hindi pa huli ang lahat, Rose. Bigyan natin ng katarungan ang pagpaslang kay Luisa. May kaibigan akong abogado, hihingi tayo ng tulong sa kaniya para sa kasong 'to."
"Pero natatakot ako, paano kung 'yong mga taong lalapitan natin ay masasama rin pala? Paano kung ipapatay ako? Pati ikaw baka madamay pa!"
"Rose, ang lahat ng nangyayari ngayon ay magiging bahagi ng kasaysayan bukas! Huwag kang gumawa ng karuwagan sa yugtong ito ng kasaysayan!"
Tila natauhan si Gretchen. Naalala niya si Andres at ang determinasyon nitong magbuwis ng buhay sa labanan para sa kalayaan ng bansa. Sa pagkakataong ito ay parang narinig niya ang boses ng magiting na bayani na siya ay tinatanong at sinasabing: "Ito ang ambag ko sa kasaysayan. Ikaw? Ano'ng ambag mo para rito at para sa bayan?"
Inakap ni Bon ang noo'y humahagulhol sa pag-iyak na dalaga. Bigla naman ang dating ni Aiza na walang kamalay-malay sa napag-usapan ng dalawa.
"Ay! Bumili lang ako ng miryenda may pagyayakapan nang nagaganap?" gulat nitong sabi.
![](https://img.wattpad.com/cover/51502707-288-k235479.jpg)
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Fiksi SejarahNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...