Kabanata IX : Aral ng Supremo

71 6 0
                                    

"ANO'NG HINIHINTAY NATIN dito?" tanong ni Andres.

"Hinihintay natin ang tren," sagot naman ni Gretchen.

"Tren?! Kung ganoon hinihintay natin ang tren na madalas dumaan sa tapat ng aking bantayog?"

"Oo, tama ka," pangiting sagot ni Gretchen.

"Malaki ang pagkakaiba ng tren sa inyong panahon at ng sa 'min. Bukod sa hitsura ay nakataas ito sa riles na nasa tulay. At higit sa lahat, sa 'ming panahon, hindi lahat ay may kakayahang bumili ng tiket nito para makasakay."

"Sa panahon namin, pangkaraniwang transportasyon lamang ito. Marami ka pang mapapansing pagkakaiba. Mas high tech na kaya."

"Haytek?!" tanong ni Andres.

"Ay, oo nga pala. High Tech. Ibig sabihin mas moderno, mas makabago, mas. . .basta 'yon na 'yon! Nakita mo naman sa tiket pa lang, 'di ba? Nakita mo ba 'yong bakal na kahong dinaanan natin kanina? Turnstile ang tawag do'n, 'yon ang tawag sa makina na sinasalpakan ng tiket para ka makapasok," paglilinaw ni Gretchen matapos ituro ang faregate ng LRT.

"Maraming hiwaga ang inyong panahon na hindi ko pa maunawaan. Pero higit dito, gusto ko sanang itanong kung ano 'yong maingay at lumilipad na bagay na nakita ko kanina? Tiyak na hindi iyon isang guryon."

"Ah...malamang helicopter 'yon, o hindi naman kaya ay eroplano. H'wag mo nang alamin kung paano siya nakakalipad. Ako kasi nahihirapan pa rin intindihin ang nakabalot na physics sa mga ganoong sasakyan."

"Kahanga-hanga ang inyong panahon," nakangiting sabi ni Andres.

Mayamaya pa ay dumating na nga ang tren. Nang huminto ang bagon ay namangha si Andres sa kusang pagbukas ng pinto nito. Dahil hindi pa naman rush hour ay suwertehang madaling nakasakay sina Andres at Gretchen sa maluwag na bagon ng LRT. Nakaupo sila nang maluwag at hindi kailangang tumayo at makipagsiksikan.

"Saan nga pala tayo pupunta?" muling tanong ni Andres.

"Sa Luneta," nakangiting sagot ni Gretchen.

"Luneta? Anong mayroon do'n?"

"Luneta, sa panahon niyo, kilala ang lugar na iyon bilang Bagumbayan. Malapit ito sa Intramuros. Sa execution site ng tatlong paring martir na sina Padre Gomez, Burgos, at Zamora. At siyempre, lugar kung saan din binaril si Dr. Jose Rizal."

"E-Execution...Site? Ligtas ba ro'n?"

"Ligtas na ngayon. Magandang liwasan na ito ngayon."

"Marahil ay sagrado at taimtim sa lugar na 'yon."

"Ang bantayog mo sa Monumento Caloocan at bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta ang mga pinakasikat na bantayog sa bansa. Maganda ro'n lalo na sa gabi."

Hindi na umimik si Andres at napaisip kung papaanong naging maganda sa gabi ang malagim na lugar sa kanilang panahon? Mayamaya pa ay huminto sa Fifth Avenue Station ang tren at biglang dagsa ang mga pasahero. Kinailangang tumayo na ng ilan dahil wala nang mauupuan. Karamihan sa mga bagong sakay na napilitang tumayo ay mga babae, ang iba naman ay may mga edad nang pasahero. Tumayo si Andres para paupuin ang isang babaeng nasa edad sekuwenta mahigit. Natuwa si Gretchen sa ginawa ni Andres kaya't tumayo na rin ito at ibinigay sa iba ang kaniyang kinauupuan.

"Bakit ka tumayo?" tanong ni Andres kay Gretchen.

"Para ibigay rin ang upuan ko kay lola, kagaya nang ginawa mo," sagot naman ni Gretchen.

"Sa ganito kapanganib na bilis na pagtakbo ng isang sasakyan, kayong mga kababaihan ang higit na kailangang maupo."

"Minamaliit mo ba ako? Katulad ng mga kababaihan sa katipunan, may kaya rin akong gawin para makatulong sa simpleng paraan."
Napangiti si Andres sa sinabi ni Gretchen, naalala nito ang kaniyang asawa na si Oriang.

"Ang ipinagtataka ko lamang, bakit hindi magawa ng ilang mga kalalakihan ang tumayo para bigyan ng mauupuan ang mga babae't matatanda? Hindi naman sila mukhang may mga kapansanan."

"Andres, iba na ang panahon ngayon. Iilan na lang ang may galang sa mga kababaihan at matatanda. Kung minsan nga ay natutulak pa ng mga kalalakihan at naiipit ang mga babae maunahan lang nila sa pag-upo."

"Kung ganoon ay kailangan pala itama ang mga kalalakihan sa inyong panahon."

Biglang inilakas ni Andres ang kaniyang boses at wala nang nagawa si Gretchen para awatin ito.

"Mawalang-galang na po sa mga kalalakihang masarap ang pagkakaupo! Hindi ko nais na abalahin kayo subalit masdan ninyo ang ating mga kababaihan. Nakatayo at nahihirapan sa maalog at matagtag na tren na ito! Paanong nasisikmura ninyong hayaan sila sa kahabag-habag nilang kalagayan? Alalahanin ninyo ang inyong ina na nagbitbit sa inyo't nag-aruga! Katulad ng inyong ina, sila ay mga babae rin. Hindi hamak na mas mahina at marupok ang mga bisig! Hinihiling ko na kung wala naman kayong kapansanan ay tumayo kayo maginoo kong mga kapatid para paupuin ang ating mga kababaihan!"

Binalot ng katahimikan ang buong bagon, nakatingin ang lahat kay Andres. Hiyang-hiya si Gretchen sa ginawang pananawagan ni Andres. Subalit ilang segundo lamang ay isang bakla ang tumayo sa kaniyang kinauupuan at ibinigay ito sa babae na nasa kaniyang harapan. Dahil sa pasimulang ito ng isang binabae pa man din ay sumunod na ang ilang mga lalaki. Hanggang sa puro babae na ang nakaupo at lahat ng kalalakihan ay nakatayo na.

"Salamat Ginoo," wika ng matandang babae sa kanilang harapan. Pumalakpak naman ang isang pasaherong lalaki na propesor, dahil dito ay pumalakpak na ang lahat bilang pagsaludo kay Andres na hindi nila akalaing isang tao pala na bahagi ng kasaysayan. Napansin ni Gretchen ang isang binatang kanina pa pala kumukuha ng video gamit ang kaniyang cellphone.

"Siguradong bukas magiging viral ka sa youtube o sa facebook dahil sa ginawa mo ngayon," bulong ni Gretchen kay Andres.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" pagtataka ni Andres.

Biglang huminto ang tren at nag-aya na si Gretchen na bumaba nang hindi man lamang sinasagot ang tanong ni Andres.

"Tara na!" nakangiting anyaya ni Gretchen.

Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon