Matagal ko nang pangarap ang makapag-palimbag ng sarili kong libro, pero hindi iyon nakatadhana noon at maaaring hindi pa rin naman panahon ngayon. Kaya naman naisip kong subukan ang sumalungat sa agos ng kapalaran sa halip na sumabay sa daloy nito. Naalala ko kasi noon na minsan kong sinabi na ang tadhana ay binubuo ng dalawampung porsyento ng pagkakataon at walumpung porsyento ng pagpili. Matagal ko nang natapos ang “Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi” at may mga ilang tao nang dumating at nakilala ko na makatutulong sa akin. Matagal nang nasa akin ang pagkakataon, kaya pinipili ko na ang pagpitas sa bunga sa halip na hintayin ang pagkahulog nito.
Hindi perpekto at maraming kakulangang teknikal ang nobelang ito, kaya naman hindi na ako naglakas-loob pang isugal ang pagpapasa nito sa isang palimbagan. Sa ngayon, ang nakikita ko na lamang na paraan para maisakatuparan ang pagsasa-libro nito ay ang sariling paglilimbag nito.
Ngayong natupad na ang pangarap ko para sa unang nobela na matagal ko nang naisulat, nais kong pasalamatan ang mga sumusunod na naging susi para maisakatuparan ito: Unang-una ay ang Diyos na nagbigay sa ‘kin ng talento at mga mata para makita ang mga nangyayari sa bayan na kailangan kong ilahad sa libro. Nagpapasalamat din ako sa aking mga kaibigan na naging kakuwentuhan ko at kapalitan ng ideya sa usaping politikal na nakapagpaningas sa mga ideya para mabuo ang istoryang ito, gaya ni Helbert Estinor na isang Social Science Teacher. Gusto ko rin magpasalamat kay Direk Adrian Bolante na siyang tumulong upang mabuo ang napakagandang pabalat ng nobelang ito at ang Book Trailer. Maraming salamat din sa mga aktor at aktres na gumanap sa Book Trailer nito na sina Clifford Rae Gonzales, Gemmalyn Tapel, at Hosea Viñas Cortez, na mga pawang kasamahan ko sa EDGE Productions. Maraming salamat din kay Mhy San Miguel na naging editor at naglapit sa katotohanan para mai-limbag ang akdang ito. Salamat sa ImMac Printing Services para sa magandang resulta; salamat kay Sir Gloc-9 dahil sa mga kanta niyang naging inspirasyon ko habang sinusulat ang kuwentong ito; salamat din sa aking pamilya at mga kaibigan na sumuporta at naniwala. Pasensya na sa mga nakalimutan kong mabanggit dahil hindi na gaanong matalas ang aking memorya, pero bilang mga kaibigan ko ay bahagi kayo ng kuwento at kapalaran ng librong ito kaya maraming salamat sa inyo.
Sa huli, maraming salamat sa mga mambabasa dahil kung hindi sa inyo, ang akdang ito ay isang kumpol lamang ng mga papel at tinta. Hindi ito isang libro na maituturing, kung hindi ninyo nilaanan ng panahon para basahin.
Mabuhay ang Pilipinas!
Jan Ariel Ungab
May-akda
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Ficção HistóricaNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...