SA ISANG MADILIM na kalyeng hindi gaanong nadaraanan ng maraming tao ay napili ni Andres na pansamantalang magpahinga. Inabot na siya ng dilim sa kaniyang paglalakad.
Pagod, gutom, uhaw at bahagyang nababahala na rin si Andres na marahil ay hinahanap na siya ng kaniyang asawa, mga kapatid at mga kasamahan. Hindi niya pa rin maunawaan ang mga nangyayari dahil kung sakaling ito ay isang panaginip nga, nararapat lamang na siya'y kanina pa nagising. Subalit bigla niyang naalala ang sinabi ng lalaki na naunang nagpakita sa kaniyang bangungot."Ako ang hari ng mundong ito. Isang manonood na naglalakbay sa iba't ibang panahon. Ako'y isang tulay sa pagitan ng kasalukuyan na kung tawagin ninyo ay hinaharap, at sa nakaraan na kung tawagin ninyo ay kasalukuyan."
"Tulay? Hindi kaya siya ang dahilan kung bakit narito ako?" sambit ni Andres sa sarili matapos na maalala ang mga katagang ito mula sa lalaki.
Nabasag ang malalim na pag-iisip ni Andres nang matanaw niya mula sa hindi kalayuan ang babaeng patakbo na dumarating at hinahabol ng tatlong kalalakihan. Bahagyang nagtago si Andres upang maobserbahan ang mga nangyayari.
Nadapa ang babae sa tapat ng kaniyang kinaroroonan kaya mabilis na nakaabot ang isang lalaki sa kaniya.
"Tarantado ka talaga, pinagod mo kami ha! Nasaan 'yong Memory Card?!" sabi ng lalaki sabay sabunot sa buhok nito.
Sa natunghayan na ito ni Andres ay hindi na niya nasikmura na huwag makialam. Lumabas siya mula sa pinagtataguan niya at hinugot nang daglian ang rebolber at bolo. Itinutok ni Andres ang bolo niya sa leeg ng lalaking nakasabunot sa dalaga habang ang kaniyang rebolber naman ay nakatutok sa dalawa pang lalaki.
"Bitiwan mo siya," wika ni Andres sa lalaki, at dahan-dahang tumayo. "Bibilang ako ng tatlo upang iligtas niyo ang inyong buhay. Kapag hindi pa kayo tumakbo ay didiligan ng inyong dugo ang lupang kinatatayuan ninyo." Nagtinginan ang mga lalaki sa sinabi ni Andres.
"Magkakadugo tayo kaya pagbibigyan ko kayo!" dugtong pa ni Andres.Tumawa ang isa sa mga lalaking tinututukan niya ng baril at sinabing: "Ano ang akala mo sa 'min? Mga utu-uto? Hoy! Manong Katipunero, bitiwan mo na 'yang laruan mo at bumalik ka na sa costume party na pinanggalingan mo!" matapos ay nagtawanan na naman ang dalawa.
Habang ang isang lalaki naman ay hindi makuhang tumawa dahil ramdam niyang totoo ang itak na nakatutok sa kaniya. Dama niya ang lamig at talas nito na handang gumilit sa kaniyang leeg. Samantalang ang babae ay gulat din na nakatingin kay Andres at taglay ang pag-aalalang maaari itong mapahamak. Marahil iniisip din nitong si Andres ay isang lalaking nasisiraan ng bait.
"Isa..." Napatigil sa pagtawa ang dalawa nang simulan ni Andres ang pagbibilang. "Dalawa..." Sa pagkakataong ito ay muling nagtinginan ang dalawa matapos nilang mawari sa mga mata ni Andres ang kaseryosohan nito. "Tatlo!" nang isigaw ni Andres ang huling bilang ay mabilis na kumilos ang isang lalaki na akmang bubunot na ng baril. Ngunit agad siyang pinaputukan ni Andres at tinamaan ito sa kanang braso. Dahil dito ay tuluyan nang nasindak ang tatlo at kumaripas ng pagtakbo.
"Ayos ka lamang ba, binibini?" tanong ni Andres sa babae na tila gulat pa sa mga natunghayan. Ngunit higit na nagulat si Andres nang masilayan niya ang babae na kamukhang-kamukha ng kaniyang asawa na si Gregoria de Jesus.
"Sino ka?" tanong ng babae sa kaniya. Dahil dito ay napag-isip-isip ni Andres na hindi ito maaaring maging si Gregoria. Una ay hindi siya nito nakikilala. Pangalawa, ang suot nitong salamin sa mata, blusa na maiksi ang manggas at saya na may ka-ikliang umaabot ng hanggang tuhod lamang ay hindi karaniwang kasuotan na nakasanayan ng kaniyang asawa. Batid niya na ang babaeng ito ay pangkaraniwang taga-rito sa mundong ito na napapanahon.
Sinagot ni Andres ang katanungan ng babae sa kaniya.
"Andres. Andres Bonifacio ang pangalan ko."
Nang marinig ng babae ang sagot na ito ay bigla itong nawalan ng malay, mabuti't agad siyang nasalo ni Andres na napuno ng pag-aalala.
"Binibini?!"
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Fiksi SejarahNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...