“HINDI KAYA PANAGINIP lamang ‘yong kahapon?” tanong ni Gretchen sa kaniyang sarili pagkagising nito kinaumagahan. Madali siyang nag-ayos at maagang umalis ng bahay.
“Oh? Bakit ang aga mo yata ngayon? Hindi ba alas-diyes pa ang klase mo, anak? Alas-siyete pa lang,” tanong ng kaniyang ama na nagbabasa ng diyaryo sa sala.
“Hayaan mo na ang anak mo, Gardo. Baka nais niya ma-promote at maging Principal ng paaralan,” pabiro namang wika ng kaniyang ina.
“Marami lamang po akong inaasikaso ngayon Inay, kaya kailangan kong pumasok nang maaga,” paliwanag naman ni Gretchen.
“Binibiro ka lang namin anak, nami-miss ka lang niyang Itay mo. Paano ba nama’y overtime ka na kahapon, maaga ka pang papasok ngayon.”
“Pa’no ba naman, parang kailan lamang ay batang-bata pa itong anak mo, ngayon tingnan mo’t guro na. ‘Yon nga lang ay nagmana sa iyo Iseng, hindi na lumaki,” biro naman ng kaniyang Ama.
“Grabe naman kayo ‘Tay, mas mataas naman ako ng kaunti kay Inay, ano!”
“Hay naku, kayong dalawa tigilan niyo ‘ko, ha. Ano pa bang aasahan mo Gardo sa isang Filipina? Karaniwan lamang sa Pinay at Pinoy ang pagiging maliit, pero pagdating naman sa talino at husay aba’y hindi hamak na mas nakalalamang naman tayo kaysa sa ibang lahi,” wika naman ng Ina ni Gretchen, at nagtawanan ang tatlo.
“Oh, hindi ka na ba mag-aalmusal, anak?”
“Hindi na po Inay, sa iskuwelahan na lang. Tutuloy na po ako,” pagpapaalam nito sabay halik sa kaniyang ama at ina.
Hanggang paglabas ni Gretchen ng pinto ay nakatitig sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Namamangha sa kaniya at puno ng pagmamalaki para sa kanilang anak.
NAGMAMADALI NAMAN SI Gretchen na bumalik sa hotel na pinag-iwanan niya kay Andres. Iniisip niyang baka marahil panaginip lamang ang mga nangyari. Ngunit ganoon pa man ay nag-aalala pa rin ito sa maaaring gawin ni Andres. Pagdating niya sa hotel ay dali-dali niyang tinungo ang kuwarto nito subalit hindi niya ito naabutan sa loob. Tinanong niya ang bell boy subalit hindi naman daw nila ito napansing bumaba. At dahil na rin sa pagdududa niya rito ay nadismaya si Gretchen dahil naisip niyang mukhang nagoyo nga siya. Pero ang ipinagtataka niya ay niloko siya nito para saan? Para sa damit at matutuluyan? Wala namang pera o gamit itong nakuha mula sa kaniya, at lalong wala itong ginawang masama o pananamantala.
SUMAKAY NA NG jeepney si Gretchen patungo sa iskuwelahan na kaniyang pinagtuturuan nang mapadaan ang jeep sa Monumento Circle. Natanaw ni Gretchen sa loob ng bakuran ng bantayog ni Andres Bonifacio ang isang pamilyar na lalaki. Hindi siya nagkakamali, ang lalaki ay si Andres, hindi ang rebulto kundi siya mismo. Dali-daling bumaba ng jeepney si Gretchen at pumunta sa bantayog, inabutan niya si Andres na nakatayo sa harap ng Monumento at nakatingala habang kausap ang Care Taker ng lugar.
“Mang Berto!” sigaw ni Gretchen.
“Oh? Ma’am Gretchen? Napadalaw kayo?” tanong ni Mang Berto, ang tagapangalaga sa bantayog ni Andres Bonifacio.
“Sandali lang ha,” wika ni Gretchen kay Andres, sabay lapit kay Mang Berto na hinila niya papalayo sa hindi maririnig ni Andres.
“Mang Berto, kaibigan ko po siya. Pasensya na kayo sa kaniya ha? Anu-ano po bang pinagsasasabi niya sa inyo?”
“Aba, kaibigan mo pala ‘yang si Andoy?” wika ni Mang Berto.
“Andoy?!” pagtataka ni Gretchen.
“Andoy ang pangalan niyang kaibigan mo, hindi ba?”
“Ay, opo tama, si Andoy po.”
“Hindi naman niya ako inaabala. Nakakatuwa nga siyang kausap, eh. Matatas managalog at maraming alam tungkol diyan sa Katipunan. Manghang-mangha siya diyan sa bantayog ni Andres Bonifacio, pero ang pinakalubos kong hinahangaan sa kaniya ay nang basahin niya iyang commemorative plaque na iyan na may mensaheng nakasulat gamit ang alpabeto ng Katipunan. Sa dalawampung taon ng serbisyo ko rito ay siya lamang ang nakilala kong nakababasa ng mga titik na ‘yan. Ikaw ngang guro ng kasaysayan Ma’am hindi niyo pa nababasa sa ‘kin ‘yan eh, hindi ba? Hahaha!” masayang kuwento ng matanda.
Matagal napatitig si Gretchen kay Andres na nakatingin pa rin at kinamamanghaang makita ang sariling rebulto.
“Alam mo Ma’am Gretchen, talagang nakakatawa ‘yang kaibigan mo. Pakiramdam ko’y nabuhay siya sa nakaraan. Para bang si Andres Bonifacio mismo ang nagkukuwento. Biro ko nga’y kahawig pa man din niya si Andres. Siguro’y sobrang idolo niya ang Supremo, ano?” wika pa ni Mang Berto, habang si Gretchen ay tulala at nakangiting nakatitig kay Andres.
“Opo, para siyang si Andres na naglakbay at nag-time travel sa panahon natin,” wika ni Gretchen na tila kumbinsido na sa pagkatao ng nagpakilala sa kaniyang si Andres Bonifacio.
“Oh, paano, Ma’am? Maiwan ko muna kayo diyan at ipagpapatuloy ko lamang ang pagdidilig,” pagpapasintabi ni Mang Berto.
“Sige lamang po Mang Berto, pasensya na ulit sa abala,” sagot naman ni Gretchen.
Nilapitan ni Gretchen si Andres at tinanong ito.“Ehem! Ginoo! Bakit ka umalis sa iyong tinutuluyan? Mabuti hindi ka napadpad sa malayo,” tanong ni Gretchen kay Andres na tila naabala sa pagmumuni-muni nito sa kaniyang bantayog.
“Ipagpaumanhin mo binibini, subalit may mga naririnig akong hindi kaaya-ayang ingay mula sa kabilang kuwarto. Tila may kakaibang nangyayari,” wika ni Andres.
Natawa si Gretchen sa sinabi ni Andres. Batid kasi sa mukha ni Andres na may ideya ito sa narinig niyang ingay.
“Mainam pala, Ginoo! Mabuti’t hindi mo sinalakay ang narinig mong ingay? Mukhang may ideya ka sa nagaganap sa kabilang kuwarto.”
“Hindi pangkaraniwan sa ‘kin ang narinig ko, subalit batid kong pribado ang ganoong tagpo para sa mga mag-asawa.”
Nawala ang ngiti ni Gretchen sa winika ni Andres. Naalala niyang konserbatibo nga pala ang panahong pinanggalingan ni Andres.
“Sana nga’y mag-asawa talaga ang nasa kabilang kuwarto,” pabulong na sambit ni Gretchen.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Wala, Andoy. Huwag mong isipin ang sinabi ko,” pamumukaw naman ni Gretchen.
“Kailangan ko na palang tumuloy. Dito ka na lang muna kay Mang Berto, ipagbibilin kita sa kaniya,” pagpapaalala nito kay Andres na tila napaisip sa sinabi ni Gretchen.

BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Ficción históricaNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...