KINAHAPUNAN NANG ARAW rin na iyon ay nakalabas na ng ospital si Gretchen. Hindi muna nila ini-report sa pulis ang insidente ng panghahabol sa kaniya at tangkang pagdakip.
Nang gumabi ay pinuntahan nila si Mang Berto sa Monumento Circle upang kausapin. Kasama niya si Bon sa pagpunta rito subalit nang makarating sila roon ay iba ang bantay na naabutan nila. Nang tanungin ito ni Gretchen kung nasaan si Mang Berto ay nagulat siya sa isinagot nito. Pumanaw na raw si Mang Berto noong isang gabi pa. Dito naisip ni Gretchen na hindi kaya ito ang dahilan kung bakit pati si Mang Berto ay nakausap at nakasama niya sa astral world? Pero naisip niyang imposible rin, dahil nakita niya rin naman sa Astral World ang mga magulang niya. Ano pa man ang dahilan na iyon, lalong nakonsensya si Gretchen dahil sa masamang balita na ito. Lalo rin siyang naging determinadong bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ni Mang Berto na si Luisa.
Noong una ay hindi pa buo ang loob ni Gretchen. Wala sa hinagap niya na darating sa kaniya ang puntong mamimili siya kung daan ba ng duwag na kaligtasan o mapanganib na katotohanan ang kaniyang tatahakin? Hindi ito ang pinangarap sa kaniya ng kaniyang mga magulang at hindi rin ito ang kaniyang pinangarap. Pero para sa kaniya, may plano ang Diyos kung bakit siya ang napili para dito.
HABANG NAKATAYO SA harap ng bukas na ataul ni Mang Berto, tinanong ni Gretchen ang kaniyang sarili sa isipan, "Ano ba'ng mas mahalaga? Ang pangarap ko at ng aking pamilya o ang pangarap ng bawat indibidwal na walang tinig?"
Sa pagtitig niya sa mukha ni Mang Berto, nakita niya ang imahe ng isang bigong pangarap. Dito niya nabigyan ng sagot ang sariling tanong. Nasa kaniya ang katuparan ng bigong pangarap na ito. Ang pangarap ni Mang Berto sa pagkamit ng katarungan.
MATAPOS ANG ILANG araw ay sinimulan na nila Gretchen ang laban. Nakapag-file na sila ng apela at muling nabuksan ang nakabinbing kaso sa panghahalay at pagpatay kay Luisa. Sa tulong ng kaibigang abogado ni Bon ay nagsimula ang paggulong ng imbestigasyon sa kaso ni Luisa. Sumailalim naman sa witness protection program si Gretchen na nagpabago sa kaniyang nakasanayang pamumuhay.
"Huwag kang mag-alala, babalik din sa dati ang lahat kapag nakulong na ang mga dapat maikulong," wika sa kaniya ni Bon bilang pampalubag loob.
Pero kahit si Bon ay nag-aalala rin kay Gretchen, may duda sa sariling sinabi niya, hindi maikakaila na makapangyarihan ang pamilya ng mga nasasangkot at malakas ang impluwensiya nito. Mapapanatag lamang yata sila kung mayroong bitay, pero wala noon sa Pilipinas. Sa batas na umiiral sa bansang ito, ang kriminal ay palaging may karapatang pantao na hindi puwedeng tapakan kahit pa makahayop ang ginawa nilang kasalanan. Gaano man karumal-dumal ang kasalanan ng mga kriminal ay walang puwedeng kumanti sa kanila. Protektado sila ng Komisyon ng Karapatang Pantao at ng simbahang katoliko na walang ibang ginawa kundi magdikta sa gobyerno't makialam sa mga palakad nito.
Gumawa ng ingay sa buong bansa ang kaso ni Luisa. Nabuhayan ang mga kaklase niya at kaibigan na noo'y nakikisimpatya sa kaniyang sinapit. Sa telebisyon ay malaking usapin na ito at palaging laman ng mga balita, maging sa radyo at diyaryo ay hindi ito nawawala. Sa social media naman gaya ng Facebook ay kaliwa't kanang bumuhos ang panawagan ng katarungan para sa dalaga. Naging laman na ito ng balita noong nagdaang taon pero hindi rin nagtagal ay nabaon sa limot dahil walang lumitaw na suspek. Pero sa pagkakataong ito, hindi lamang naungkat kundi nabigyang linaw pa ang mga kaganapan. Inilabas na sa media ang video at kumalat na rin sa social media. Hindi na ngayon mapipigilan ang katotohanan.
Nagsimula na rin ang man hunt operation laban sa limang suspek. Nadakip sina Marlon Salvador, Jayson Varias, at Jomar Laguidao na pawang mga nasa airport nang araw na mahuli. Plano nilang tumakas at magtago sa ibang bansa. Sina Jomelle Espinosa naman at Edward Chan ay sumuko nang matiwasay sa mga pulis. Nag-umpisa na rin ang paglilitis sa mga nasasangkot. Umiiwas naman sa tanong ng media ang tiyuhin ni Marlon Salvador na si Mayor Federico Salvador, dahil sa lakas ng ebidensya ay hindi na nila maitanggi ang mga paratang at wala na lang ibang magawa kundi ang lumayo sa bawat tanong na ibinabato sa kanila.
Sinubukan man ng kanilang mga abogado na ilusot sa kaso ang mga kriminal, sa huli ay nauwi rin sa parusang habang buhay na pagkakabilanggo ang ipinataw sa kanila, dahil bukod sa salang panghahalay at pagpatay sa noo'y disinueve anyos na si Luisa, napag-alaman din na gumagamit at nagbebenta ng droga ang limang kalalakihang ito.
Sa wakas! Sa isang pambihirang pagkakataon ay inabot lamang ng halos kalahating taon ang pagresolba ng kaso buhat nang ito ay buksan. Nabigyan na ng katarungan ang pagkamatay ni Luisa, pinagbabayaran na ng mga may sala ang kanilang kasalanan at bahagya nang napanatag sina Gretchen at Bon. Maaaring nasa kulungan na nga ang mga hayop na salarin kaya't hindi na sila magagawa pang gantihan ng mga ito, pero hindi maiaalis na sila ay may duda pa rin para sa kanilang kaligtasan. Hindi maliit na bagay ang labang ito para kay Gretchen. Lalo't sa ano mang paraan, sa pamamagitan ng pera at kapangyarihan ay maaari siyang ipapatay ng mga naipakulong nilang kriminal na tiyak na nagpaplano ng paghihiganti.
Alam na alam ni Bon ang sistema sa loob ng bilibid. Alam niyang sa halip na magdusa sa bilangguan ay magbubuhay senyorito pa rin ang mga naparusahan ng habang-buhay na pagkakakulong. Siguradong magkakaroon sila ng special treatment dahil sa mga estado nila sa lipunan, at malamang ay imbes na malamig na selda ay malamig na air conditioned room with sala set ang pananatilihan ng limang demonyo. Gaya ng mga bigating drug lord na mas mukhang celebrity imbes na preso. Sa halip na magsipagsisi ay magpi-feeling bakasyunista lang ang mga manyakis na ito sa loob ng bilibid.
Ngunit ano pa man, ang mahalaga ay naisakatuparan na nina Gretchen at Bon ang pangarap ni Mang Berto sa pagkamit ng katarungan sa nilapastangan niyang anak. Nakakalungkot mang isipin na sa kasong ito ay hindi masyadong natutukan ang pagpatay naman sa piping saksi na si Tikboy, tiyak namang matutuwa rin ang bata kung malalaman niya ang tagumpay na ito. Para na rin siyang nabigyan ng hustisya bagama't nananatiling mabangong pulis ang pumatay sa kaniya na si Inspector Guinyang. Ganoon pa man, kung matatalos lamang ng lahat na ang una palang naglakas loob na maglahad ng nasaksihan niya ay isang pipi, tiyak na hihirangin itong kabayanihan.
Samantala, sina Bon at Gretchen naman ay tila mas pinaglapit pa ng pagsubok na ito. Ano man ang mangyari sa kanila ay wala silang pagsisisihan, dahil ang paglalahad ng katotohanan ay isang magiting na adhikaing hindi lahat ng tao ay kayang magampanan.
![](https://img.wattpad.com/cover/51502707-288-k235479.jpg)
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Historische RomaneNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...