KASABAY NG PAGLALAHO ng mga panaghoy ay ang pagbabalik nila sa lugar na kinatitirikan ng bantayog ni Andres. Nagbalik na rin sa dati ang kaniyang kasuotan, wala na ang modernong damit at pantalon, maging ang sapatos na binili para sa kaniya ni Gretchen. Kung ano ang bihis niya nang una siyang dumating sa panahong ito ay iyon na muli ang suot niya. Nakasukbit nang muli sa kaniya ang rebolber at bolo, pero ang monumento ay nanatiling madilim, walang mga tao at sasakyan.
Biglang lumitaw ang lalaking nakaitim at muli nitong tinanong si Andres.
“Anong masasabi mo sa kalagayan ng inang bayan, Andres?”
“Anong dahilan at bakit ako ang napili mong pagpakitaan ng lahat nang mga ito?” tanong ni Andres.
“Dahil kinikilala kang bayani sa panahong ito. Ikaw ang bayani na hindi nalalayo ang kalagayan sa kanila. Kung bibigyan ka ng pagkakataon na itama ang mga pagkakamali at depekto ng panahong ito, gagawin mo ba? O kagaya ng karamihan ng mga pulitiko sa panahong ito ay pababayaan mo lamang din sila sa kanilang mga pagdurusa?”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ibibigay ko sa ‘yo ang pagkakataong manatili sa panahong ito. Maaari mong ipagpatuloy ang iyong mga nasimulan sa panahon na ito at makakaligtas ka pa sa tiyak mong kamatayan, mula sa kamay ng mga sundalo ni Emilio Aguinaldo.”
Ilang segundong natahimik si Andres. Hindi niya lubos maunawaan kung bakit gusto ng lalaking ito na takasan niya ang kaniyang kamatayan.
“Kung nakatakda man akong mamatay sa aking panahon, hindi ko iyon tatakasan. Hindi ko katatakutan ang kamatayan. Mas katatakutan ko pa ang kasaysayan. Dahil sa kasaysayan, wala alin man sa ating mga gawa ang maikukubli. Kapag sinuway ko ang batas ng panahon at tinakasan ko ang nakatadhanang kamatayan para sa ‘kin, sa hinaharap ay aalalahanin ako bilang isang duwag na tumakbo, tumakas at biglang naglaho na lamang. Sapat na ang aking mga nakita para makumbinsi ako na ang nasimulan kong laban sa aking panahon ay hindi pa tapos hanggang sa ngayon. Ipinapasa ko na ang responsibilidad sa kanilang mga nabubuhay bilang bahagi ng henerasyong ito. Ipinapasa ko na ang itak.
“Gagawin ko ang parte ko sa kasaysayan na magsisilbing gabay at inspirasyon sa kanilang mga nasa panahong ito, habang silang mga nabubuhay sa panahong ito naman ay gagawin ang parte nila para sa aming mga nagbuwis ng buhay para sa kalayaan at ‘di kalaunan ay upang lumikha rin ng kanilang kontribusyon sa kasaysayan at kinabukasan. Buong puso akong naniniwala at umaasang hindi nila bibiguin ang hinaharap. Sa lahat ng pait at dusang natunghayan ko sa panahong ito, isa lang ang nakikita kong maganda. Iyon ay ang patuloy na pakikibaka ng bawat isa at pakikipaglaban sa pasakit nilang kalagayan. Kung nasa kanila ang diwa at tapang ng rebolusyon, mapapanatag na ‘ko at handang tanggapin ang aking kapalaran,” wika ni Andres Bonifacio, sabay tingin nang diretso sa lalaking nakaitim.
Napangiti naman ito sa kaniya subalit hindi maunawaan ni Andres ang kahulugan ng ngiti na ito. Ngiti na tila may ibang kahulugan at may nakatutuyang dating para sa kaniya.
“Mukhang wala na ‘kong magagawa para baguhin pa ang nasa isip mo. Kahanga-hanga ang iyong paninindigan Andres, nakakalungkot nga lamang dahil hindi magiging maganda ang iyong kapalaran.”
Sa huli ay napagtanto na rin ng lalaking nakaitim na hindi na siya magtatagumpay sa pag-udyok kay Andres na makialam sa modernong panahon. Ipinagkatiwala na nito ang lahat sa Diyos at sa taong bayan na karamihan naman ay walang pakialam at walang lakas ng loob na mag-alpas sa umaabuso nitong gobyerno. May iilan man na sumisigaw at nakikibaka para sa karapatan ng mga inaapi, karamihan naman sa kanila ay patuloy ang pagbubulag-bulagan at pagwawalang-bahala sa kabila ng mga pananamantala ng gobyerno.
Hindi lubos-mahanap ng lalaking nakaitim ang dahilan ng malalim na pagtitiwala ni Andres sa kaniyang mga kalahi.
Tumalikod ang lalaki subalit bago pa man ay nagsalita ito at nag-iwan ng mensahe kay Andres.
“Maligayang paglalakbay pabalik sa iyong panahon at papunta sa kabilang buhay.”
Diretso itong naglakad patungo sa marmol na dingding na kinatitirikan ng kaniyang tansong rebulto kasama ang iba pang katipunero. Nanlaki ang mga mata ni Andres nang tumagos sa dingding ang lalaki. Dahil sa biglang paglalaho ng lalaki ay nataranta si Andres, nabahala siya na tila pinabayaan siya nito na humanap ng sariling paraan kung paano babalik sa kaniyang panahon. Nagmadaling tumayo si Andres at kinalampag ang marmol na pader ng kaniyang bantayog, nagsisigaw ito at pilit na pinapalabas ang lalaking nakaitim.
“Lumabas ka r’yan! Lumabas ka!” sigaw ni Andres habang nililibot ang bawat sulok ng marmol niyang bantayog.
“Lumabas ka r’yan at ibalik mo ‘ko sa ‘king panahon!” sigaw pa nito sa malamig na pader.
Sa gitna ng masigasig na pagkalampag ni Andres sa paligid ng kaniyang bantayog upang lumabas ang lalaki, nakarinig siya ng mga langitngit ng bakal. Tunog iyon ng tila mga niyuyuping bakal, at nauulinigan niya ang pinagmumulan nito. Tumingala si Andres at nakita niya ang rebulto niyang gumagalaw, nagliliwanag ang mga mata nito na parang may kung anong ilaw sa loob, subalit ilang segundo pa ay napansin niyang hindi lamang ang kaniyang rebulto ang gumagalaw at nagkakabuhay, kundi pati na rin ang mga kasama nitong iba pa na nasa plataporma ng monumento. Nagtalunan ang mga ito pababa sa kaniyang kinatatayuan, yumanig ang sahig at nagkapitak ang mga marmol nito. Humarap sa kaniya ang mga ito na tila may pakay na hindi maganda. Magkahalong kilabot at pagkamangha ang naramdaman ni Andres dahil sa pambihira at hindi pangkaraniwang tagpo na ito, mabilis niyang hinugot ang kaniyang bolo at rebolber sa pormang handang manlaban sa ano mang gawin sa kaniya ng mga ito.Umatake nang pataga ang rebulto niya sa kaniya na mabilis namang naiwasan ni Andres, pero ang atakeng ito ay may kasunod mula sa kaniyang kanan na galing naman sa rebulto ng isa pang katipunero, nagawa niya itong salagin at gantihan ng mabilisan, pero dahil nga sila ay mga yari sa bakal, umalingawngaw lamang ang tunog ng mga nagbabanggaang metal. Sinubukan niyang gamitin ang kaniyang rebolber sa papaatake niyang rebulto pero mistula lamang siyang naghagis ng bato sa tanso nitong katawan.
Sa gulat ni Andres ay hindi niya napansin ang isa pang katipunero na mabilis na umatake sa kaniya.
Nasangga ni Andres ang itak nito subalit napabalikwas siya. Umalingawngaw ang putok ng baril mula sa rebolber ng kaniyang rebultong tanso, nadaplisan nito sa balikat si Andres na nagdulot ng malakas na agos ng dugo. Nahagip naman ng isa pang rebulto ang leeg ni Andres sa pamamagitan ng bolo nito na nagpadanak pa lalo ng dugo sa kaniyang kasuotan. Hanggang sa wala na siyang naging laban sa tulong-tulong na bisig ng mga rebultong tanso upang hindi siya makawala. Hindi na magawang magpumiglas pa ni Andres, dala na rin ng kaniyang malalim na mga sugat. Nakita niyang papalapit ang rebulto niyang tanso at itinaas nito ang kaniyang bolo, sabay taga nito sa kaniyang mukha na gumimbal sa kaniyang paningin. Bumulagta si Andres sa sahig nang bitiwan siya ng mga tansong rebulto. Wala na siyang naririnig. Bago pa niya ipikit ang kaniyang mga mata at tuluyang mawalan ng malay ay nakita niya ang mga rebulto ng mga katipunero na nakapaligid sa kaniya, pinagtataga siya ng mga ito na parang kinakatay na hayop. Hanggang sa tuluyan nang nagdilim ang kaniyang paningin.
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Fiksi SejarahNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...