Kabanata XI : Damdaming Mapaghimagsik

53 6 3
                                    

“Kaya nga halina, mga kaibigan,
kami ay tulungang ibangon sa hukay,
ang inang nabulid sa kapighatian,
nang upang magkamit ng kaligayahan.”

“ALAM MO GRETCHEN, ano man ang ganda ng mga tanawin at liwasang puno ng makukulay na pailaw gaya nito, hindi nito matatabingan ang katotohanang pumupunit sa telang tinatakip dito. Sa aking panahon, hindi pa tiyak kung magtatagumpay ang rebolusyon lalo’t dumaraan ito ngayon sa madilim na yugto. Subalit kung nakatadhana kaming magtagumpay at ito ang kahihinatnan ng lahat, kakailanganin kong idulog kay Emilio Jacinto kung mayroon bang mali sa aming ipinaglalaban,”  wika ni Andres.

“Walang mali sa ipinaglalaban ninyo, pero hindi lubusang magtatagumpay ang rebolusyon dahil sa mapait mong kamatayan Andres.”

Napatingin si Andres kay Gretchen. Walang bakas ng gulat o takot sa kaniyang mga mata, sa halip ay pagnanais na malaman ang kaniyang kapalaran. Kung sa bagay, ilang beses niya nang nakasagupa si kamatayan, ngayon pa ba naman siya matatakot?

“Gusto mo bang malaman ang iyong kapalaran at ang kapalaran ng himagsikan?” tanong ni Gretchen.

“Sige, gusto kong marinig ang lahat. Sabihin mo, anong kaganapan matapos ang botohan sa Tejeros na minabuti kong ipawalang saysay?” mapang-usisang tanong naman ni Andres.  Walang patumpik-tumpik ay sinalaysay naman agad ni Gretchen ang mga nais nitong malaman.

“Matapos mong itakda na ang naganap na botohan sa Tejeros ay walang bisa at saysay. Bumuo ka ng hukbo para patalsikin si Aguinaldo, nakipagtulungan ka sa dalawa niyang sundalo na sina Pio del Pilar at Mariano Noriel na hindi kalaunan ay bumalikwas din sa ‘yo kaya hindi mo rin naituloy ang plano. Noong buwan ng abril, nakarating kay Aguinaldo ang impormasyon ng pagkakampo mo sa Limbon sa Barrio Indang, ipinadala niya sina Colonel Agapito Bonzon, Felipe Topacio, at si Jose Ignacio Paua kasama ang iba pang mga sundalo para ipadakip kayong lahat.”

“Sandali Gretchen, kailan magaganap ang pagpapadakip sa ‘min sa Limbon?” tanong ni Andres.

“Sa huling Linggo ng Abril, Andres. Manlalaban kayo ng inyong mga kasama pero masusugatan ka’t hindi magtatagumpay, kaya lahat kayo ay mabibitbit sa Naic upang ikulong at litisin. Maliban kay Ciriaco na mapapatay sa engkuwentro.”

Nang marinig ang tungkol kay Ciriaco ay biglang nakadama ng takot si Andres. Takot para sa mahal niyang kapatid.

“Bago ako mapadpad dito Gretchen, huling Linggo na ng Abril at natutulog kami ni Gregoria sa aming kubo. Tila ito’y isang panaginip at sa malamang ang pagpapadakip sa ‘min ay magaganap pagkagising ko mula rito.”

“Andres, nakatala sa kasaysayang manlalaban kayo sa hukbo na ipinadala ni Aguinaldo, pero hindi kayo magwawagi.  Madadakip kayo, ikukulong, lilitisin at hahatulan ng kamatayan. Masalimuot ang kapalaran niyo ni Procopio.  Hindi tulad ni Dr. Rizal, mali ang akala mong nasa bantayog mo rin ang iyong mga buto. Hindi makikita ng kahit na sino ang bangkay niyo ni Procopio. Pero mahigit isang dekada pa ang lilipas, mahahagilap ang mga buto mo para isapubliko sa museo, pero maraming duda na sa ‘yo ‘yon dahil hindi nito kasama ang mga buto ni Procopio na kasama mong namatay.  Sabi ng ilan, pakulo lamang daw ito ni Quezon; ang sumunod na panghulo matapos si Aguinaldo, para gamiting propaganda laban sa kaniya.

“Nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, nasira ang museo at nawala ang mga buto mo. Hanggang sa kasalukuyang panahon, walang nakakaalam kung nasaan ang mga buto ninyo, at si Gregoria mong mahal, noong unang gabing hindi ka na niya nasilayan, umiyak siya sa kawalan habang sinisigaw ang pangalan mo. Ang kamatayan mo ang simula ng pagkabigo ng rebolusyon na mapagtatakpan ng pag-aakalang paglaya mula sa kastila. Mawawala nga ang mga kastila matapos ang daang taong pananakop pero si Presidente Aguinaldo, mula sa kaniya hanggang sa mga susunod pang pangulo, maging sa kasalukuyang pangulo, lahat sila magiging sunud-sunuran sa Amerika. Si Heneral Antonio Luna naman na siyang buong tapang na humarap sa mga Amerikano noon ay pinatay rin ng mga alipores ni Aguinaldo.

“Karamihan ng mga malalaking negosyo rito sa Pilipinas ngayon ay pag-aari ng mga banyaga’t dayuhan, at lahat ng kinikita nitong tubo ay inuuwi nila sa kanilang bansa, nililimas ang yaman natin partikular na ang mga bansang may negosyong minahan na sinisira ang ating likas na yaman. Mas marami pa rin ang nagugutom at naghihikahos. Halos limang milyong Filipino ang nagugutom at walang makain dahil sa kakapusan, at anim na bata ang namamatay kada segundo nang dahil sa gutom.  Marami pa rin ang hindi nakapag-aaral, para bang ayaw suportahan ng gobyerno ang edukasyon para sa lahat.  Tinitipid sa paglalaan ng salapi para sa edukasyon ng lahat na tanging pag-asa para umunlad ang bansa at ang mga mamamayan nito. Ayaw nila, siguro dahil kagaya sa inyong panahon, kapag natuto ang mga indio ay babagsak ang pananamantala ng mga ganid. Gaya nga ng sinabi ng isang matapang, matalino at makabayang senadora: ang mga pulitiko ng bansang ito ay takot sa edukadong botante.

“Noon inaalipin tayo ng mga dayuhan. Ngayon libo-libong kababayan natin ang dumarayo sa halos dalawang daang bansa para magpa-alipin. Binubugbog sila ro’n, sinasaktan ng kanilang mga amo, nabibiktima ng human trafficking at nabibitay kahit inosente. Kumikilos lang ang gobyerno natin kapag patay na ang inabuso nating kababayan.  Maraming walang tahanan, ‘yong iba namang may tahanan na iligal na nagtayo sa tabi-tabi ng mga bubong at dingding na tutulugan, pinagigiba at itinataboy. Kung minsan ay pinapasunog at palalabasing aksidente ang lahat. Ngayon, inaagaw at inaangkin ng Tsina ang ilang bahagi ng ating teritoryo, hindi kalaunan ay aangkinin na nito ang buong bansa. Wala pa naman talagang independencia ang Pilipinas.  Mahigit isang daang taon, nakasandal at nakadepende ang bansa sa Amerika, hindi man lamang kayang ipagtanggol ang sariling kasarinlan. Alam iyon ng Tsina, kaya batid nila ang ating kasaysayan na walang napagtagumpayan dahil sa pagiging watak-watak ng mga Filipino at kataksilan ng ilan sa ngalan ng pansarili nilang mga interes.

“Nakaw nang nakaw ang mga nasa gobyerno, abalang-abala sila kaya’t tiyak na walang magagawa lalo na ang mga artistang nakaluklok. Ang mga bayaning tunay na nagmamahal sa bayan ay ‘di na tinutubuan ng pakpak para makalipad, tubuan man ay puputulin din ng mga demonyong makapangyarihan at ganid na pansariling interes lang ang inuuna. Ito ang kinahinatnan ng ‘haring bayan’, Andres. Nag-ugat ito lahat nang dahil sa pagtataksil ng mga makasarili rin nating mga kababayan. Kaya’t paggising mo sa madilim na panaginip na ito, lisanin ninyo ang Limbon at tumungo sa ibang lugar na mas ligtas. Iligtas mo ang iyong sarili para sa kapakanan ng inyong mga adhikain. Baka sakaling mabago pa ang hinaharap ng Pilipinas kapag may nabago sa kasaysayan.”

Sa hindi maunawaang dahilan ay tumutulo ang luha ni Gretchen hanggang sa matapos siya sa kaniyang mga sinasabi.

“Ang nakatadhana ang siyang magaganap, Gretchen.  Tumakas man kami ay mangyayari ang dapat mangyari. Ayaw kong maitala sa libro ng kasaysayan na sa huling yugto ng buhay ko ay gumawa ako ng karuwagan. Hindi ko puwedeng baguhin ang kasaysayan dahil hindi ko iyon kaya. Diyos ang Siyang magdedesisyon para sa atin. Ang pagbabago ay nasa inyong panahon. Kung inaabuso kayo ng gobyerno, niloloko, nililinlang, at sinasamantala, tumindig kayo aming haring bayan at lumaban para sa inyong mga karapatan!  Pabagsakin ninyo ang mga abusadong nasa gobyerno! Huwag kayong matakot sa kanilang kapangyarihan, sila ang dapat matakot sa inyo lalo’t kung lahat kayo ay magkakaisa at magsasama-sama, hindi nila kayang tapatan ang lakas ng nagkakaisang mamamayan. Gamitin ninyo ang pinakamakapangyarihang sandata. Kumilos kayo’t gumising upang tapusin na ang pagdurusa para bigyan ng magandang bukas ang susunod pang henerasyon!”

“Sandata?! Anong sandata?” tanong ni Gretchen.

Sa isip-isip niya ay batid niyang himagsikan ang nais ni Andres na maganap, pero tila malalim ang punto.

“El arma ultima no es un arma cargada, pero una mente educada!”  sambit ni Andres sa wikang kastila.

“A-ano?!  Pasensya ka na, hindi ako nakakaintindi ng wikang kastila.”

“Ang pinakamakapangyarihang sandata ay hindi baril na kargado ng bala, kundi isang edukadong kaisipan. Edukasyon, Gretchen.  Bilang isang guro, ibigay mo ang edukasyon bilang isang sandata ng iyong mga mag-aaral na dapat mabuksan ang mata. Ang sandatang ito ang magiging panlaban nila sa kahirapan.”

Sa mga pagkakataong iyon, nalito si Gretchen hindi dahil sa malalim ang mensahe, kundi dahil parang hindi ang Andres Bonifacio na nakilala niya sa libro ang nagsalita.

Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon