“TINATAWAG NA RIZAL Park ang lugar na ito. Ipinangalan kay Dr. Jose Rizal. Pero mas sikat ito sa karamihan bilang ‘Luneta’. Maraming magkasintahan at pami-pamilya ang nagpupunta rito para mamasyal.”
“Para mamasyal? Pero sabi mo kanina, ito ang dating bagumbayan. Maraming masalimuot na kaganapan ang nangyari dito.”
“Matagal na panahon na ‘yon, Andres. Ngayon ay sikat na pasyalan na ito dahil na rin sa makasaysayang mga pangyayari na ‘yon. Marami rin ang mga dayuhan na namamasyal at nabibighani rito.”
“Dayuhan? Narito pa rin sila?”
“Iba na ang panahon ngayon. Nandito sila hindi para manggulo o manakop kagaya noon. Nandito sila para mamasyal, magbakasyon at magliwaliw, at iyon ay nakakatulong sa ekonomiya at kabuhayan ng lahat sa bansa.”
“Ganoon ba? Marami na pala’ng nagbago. Sa panahon ko, lahat ng gusali at istruktura ay pagmamay-ari ng mga ibang lahi, mga dayuhang mananakop na kastila. Pero sa panahon ninyo, ang lahat ng nagtataasang gusali na iyan sa paligid ay pagmamay-ari na ng ating lahi. At katulad ng Paris, Italya, at Espanya, sa aming panahon ay dinarayo na rin tayo dahil sa ganda nito.”
Natigilan si Gretchen sa pagpapaliwanag at hindi niya na nasagot ang mga huling sinabi ni Andres. Naisip niyang ang nagtataasang gusali sa paligid ay hindi nga pala lahat sa Filipino. Huli na bago mapagtanto ni Gretchen na wala pala pinagkaiba ang panahon ng kolonyalismo sa kasalukuyan, kung saan ang mga gusali at establisyimento ay pag-aari pa rin ng mga dayuhan at mayayamang kapitalista. Naisip na lamang ni Gretchen na iliko ang usapan.
“Tingnan mo ‘yon Andres. Iyan ang Monumento ni Dr. Jose Rizal. Ang monumento mo sa Caloocan at ang isang ‘yan ang mga pinakasikat na bantayog sa bansa gaya ng sinabi ko kanina. Dito naman sa bandang kaliwa ang lugar kung saan binaril si Dr. Jose Rizal. At yung bato na iyon na may matulis na tuktok ay palatandaan kung saan binitay ang tatlong paring martir sa pamamagitan ng garrote.”
“Ang tatlong paring martir na pinaghandugan ni Dr. Rizal ng kaniyang mga sikat na nobela.”
“Tama. Sila nga.”
“Bakit pala may mga guwardiya sa bantayog ni Dr. Rizal?” tanong ni Andres nang mapansin ang mga bantay ng Monumento.
“Nar’yan sila para bantayan ang bantayog. Sa ilalim ng kinatatayuan ng monumento na ‘yan inilagak ang mga buto ni Dr. Rizal.”
“Kung ganoon, ang mga bantayog pala ay libingan ng kung sinong rebulto ang pinag-alayan? Ibig sabihin, ‘yong monumento ko sa kalookan, naroon ang mga buto ko? At ang mga bantay na iyan ay kagaya ni Mang Berto?”
Hindi na naman nakasagot si Gretchen. Hindi niya masabi ang totoo kay Andres na ang mga buto niya ay matagal nang nawawala. Batid niyang magtatanong si Andres kapag sinabi niya ito, tiyak na mapipilitan siyang ilahad ang magaganap pa lang na karumal-dumal na kahahantungan niya. Ang ikinababahala ni Gretchen ay ang mga magiging aksyon ni Andres para kontrolin o baguhin ang magaganap sa kaniyang panahon, pero higit niyang ikinababahala ay ang pagkasayang ng pagkakataon na iligtas ang buhay ni Andres. Nag-umpisang mabahala at mag-isip si Gretchen. Anong gagawin niya? Sasabihin niya ba kay Andres ang kapalaran nito o hindi? Bahagyang naantala sa pag-iisip si Gretchen.
“Alam mo, mas gusto kong bantay si Mang Berto. Mas mapalad pala ako kay Dr. Jose Rizal, ang bantay ng bantayog ko ay masipag. Dinidiligan ni Mang Berto at winawalisan araw-araw ang mga halaman at bulaklak sa bakuran ng bantayog ko. Hindi ba?”
“Tama ka. Hindi kagaya ng mga ‘yan. Patayo-tayo lang…” pabirong sagot ni Gretchen.
Nakapagdesisyon na si Gretchen, ililihim niya ang mga kaganapang nakatala sa kasaysayan. Itatago niya kay Andres ang kapalaran nito, naisip niyang higit dito ay may mas mahahalagang bagay pang dapat malaman si Andres. Sinamantala niya ang pagkakataong ito para muling iliko ang usapan.
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Ficción históricaNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...