TAONG 1897, ika-28 ng Abril, Miyerkules ng umaga sa Barrio Indang sa Limbon Cavite. Nagising mula sa pagkakatulog sa kanilang kubo si Andres Bonifacio. Naalimpungatan si Andres dahil sa kaniyang panaginip na kahit isang detalye man lang ay hindi niya maalala, subalit kinakapa nito ang buo niyang katawan dahil sa pakiramdam na para siyang pinagtataga gayong wala naman siyang sugat.
Tumayo si Andres at pumanaog nang mapansin niyang hindi niya na katabi si Oriang. Nahiya rin naman siya dahil mukhang siya na lamang ang natitirang tulog pa at tila nahuli na sa paggising. Nang sumilip siya sa bintana ay natanaw niya ang nakababatang kapatid na si Ciriaco, sa kabilang dako naman ay si Procopio na nagsisibak ng kahoy. Ang hindi niya lamang nakita roon ay si Oriang. Ganoon pa man ay pinalagay niya na marahil ay tumutulong ito sa paghahanda ng makakain.
Bukod sa kanila’y may iba pang mga tao noon sa kampo, ang isa nga’y nagsisilbing tagamasid upang tanawin kung may mga paparating. Nakaupo ito sa sanga ng puno at nalilibang sa pagaspas ng mga halaman at puno dahil sa malayang hangin ng isang napakapayapang umaga.
Mula sa hindi kalayuan ay natanaw ng tagamasid si Kolonel Yntong kasama ang hukbo nito gayon din si Kolonel Pawa. Bigla man ang pagdating nila ay hindi ito ikinabahala ng tagamasid. Bakit nga ba naman siya mababahala kung sila’y mga kapatid at hindi mga kastila? At isa pa, nang nagdaang gabi lang ay nakasabay pa nila ito sa paghahapunan sa kampo. Pinabaunan pa nga ng supremo ng sigarilyo nang lumisan.
Bumaba ang tagamasid mula sa sanga para na rin ibalita ang pagdating ng hukbo nina Kolonel Yntong, pero bigla siyang binaril ng isang sundalo nang matanaw siya. Dahil sa hindi kalayuan ay nadinig mula sa kampo ang alingawngaw ng putok ng baril. Maging ang supremo ay narinig ito. Matapos ang ilang segundo ay sunod-sunod na ang putok na umalingawngaw at sa pagtigil nito ay natanaw ni Andres ang kapatid niyang si Ciriaco na nakabulagta.
Nakarinig si Andres ng sigaw mula sa mga papasugod na sundalo ni Kolonel Yntong.
“Humarap ang walang hiyang supremo na magtatakas ng aming salapi!” malakas na sigaw nito.
Dahil sa narinig ay nagmadaling pumanaog si Andres mula sa kubo upang harapin ang mga sundalo.
“Mga kapatid!” bungad ni Andres.
“Ako’y walang ginagawang kawalanghiyaan!”
Hindi pa man nakakapagpaliwanag ay pinaputukan na si Andres ng isa sa mga sundalo, dumaplis ang bala sa kaniyang braso at dumiretso ito sa dibdib ng lalaking nakatayo sa likuran ng supremo. Sa pagkabigla’y napabalikwas ang sugatang supremo sa lalaking tinamaan ng bala.“Mga kapatid! Tingnan ninyo na ang pinapatay ninyo ay inyo ring kapwa tagalog!” sigaw ng supremo.
Sa halip na pakinggan ay ipinag-utos ng may dugong intsik na si Kolonel Pawa na dakpin si Andres. Pinagtulungan ng mga sundalo ang sugatang supremo na bagama’t nanghihina dahil napuruhan ay pilit pa ring nagpumiglas. Lumapit naman si Kolonel Pawa at sinaksak ang supremo sa gawing lalamunan. Maraming beses pa siyang sinubukang saksakin ni Pawa subalit hindi na ito nagtagumpay sa layong tuluyan nang paslangin si Andres, dahil na rin sa mas lumakas pang pagpiglas nito na ‘di kalaunan ay nanghina rin dahil sa malalim na sugat na kaniyang tinamo. Sinubukan pang muli ni Pawa na samantalahin ang panghihina ni Andres at saksakin itong muli, pero nabigo pa rin siya matapos saluhin ng isa sa mga tao ni Andres ang saksak, kaya’t sa halip na ang supremo ang matamaan ay siya pa ang napatay.
Samantala si Oriang naman mula sa pagtatago sa gubat ay lumabas nang humupa ang putukan. Nadakip siya ni Kolonel Yntong at ng mga kasama nito. Inakusahan siya at tinanong.
“Saan ninyo itinago ang mga ninakaw ninyong salapi?!” wika ng Kolonel.
“Hindi ko alam ang sinasabi ninyo, wala kaming ninanakaw na mga salapi,” sagot naman ni Oriang.
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Ficção HistóricaNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...