Title: Eclipse
Sabi nila marami raw kababalaghang nagaganap tuwing kabilugan ng buwan.
Tulad ngayon. Parang ang laki laki ng buwan. Mamula mula pa nga ata. Katulad sa mga nakakatakot na pelikula. Tapos madalas pa nga may aalulong na aso di ba?
Aaahhhooooo!!!
May umalulong nga.
"Hala! Ganitong ganito yung sa movie tapos iihip ng malakas yung hangin."
At nangyari nga. Bigla ang paglakas ng hangin sa paligid.
Kinikilabutan na ako. Nagtatayuan na lahat ng balahibo ko. Muli kong tiningala ang buwan.
Unti unti itong natatabunan. Lalong nadagdagan ang takot ko. Dahil katulad sa pelikula sa oras na matabunan ng anino ang buong buwan maglalabasan na sila.
Mga nakakatakot na nilalang.
Bumibilis na ang tibok ng puso ko. Kinakapos na ako nang paghinga. Gusto ko nang sumigaw at magtatakbo.
Nang biglang may tumugtog na kanta sa ere.
Pamilyar yung kanta e. Parang narinig ko na.
Parang ... parang ...
"Ayan ha. Tinodo ko na yung electric fan at itinutok ko pa sayo. And with background music pa na total eclipse of the heart. Para mas feel natin yung lunar eclipse. Dali asan na yung telescope."
Hehe. Basag trip itong pinsan ko. Nagmomoment ako dito e. Horror nga lang.