Usapang pulitika napapanahon na
Ilang buwan na lang ba at eleksyon na
Mga kandidato ay 'di na magkamayaw
Sa kani-kanilang istilo ng panliligaw
Sa mga botanteng nanunuri't naghahanap
Kung sino nga ba sa kanila ang karapat-dapat
Iyon bang maboka ngunit sa gawa nama'y nganga
O sa mga tahimik lang pero aksyon nila'y umaariba
Meron din namang tila may suot na maskara
Animo'y anghel na sugo ng langit ang ipinapakita
Iyon pala'y demonyo na ultimo impyerno sila'y isusumpa
Hindi na bago ang ganitong sistema
Sa lipunang pinaiikot lamang ng pera
Kung saan ang lahat may katumbas na salapi
Kahit dangal at panininindigan mo'y mabibili
Ano bang silbi niyang iyong ipinaglalaban
Kung ang sikmura mo naman ay kumakalam
Wala nang pakialam kung ibenta man iyong nag-iisang boto
Basta ba ang bawat posisyon at ulo ay may katumbas na presyo
Sistemang bulok mang matatawag, mali at baluktot
Pero ito ay katotohanang pilit na nagsusumusok
Sa bawat Pilipinong nag-aasam at naghihikahos
Na sa ganitong paraan man lang gutom ay mairaos
Aanhin ko nga ba mga prinsipyo ko't paniniwala
Kung mga mata ng aking pamilya ay lumuluha
Dahil sa kanilang mga kumakalam na sikmura
Uunahin ko pa ba ang kapakanan ng bansa
Kung sarili ko nga tila nawawalan na nang pag-asa
Na ituloy pang mabuhay sa uri ng lipunang ginagalawan
Sabi nga ng isang kanta
Lugmok sa kahirapan at ang hustisya ay para lang sa mayaman
Ngayong eleksyon naisin ko mang maiba
Wala na rin namang magagawa pa
Ganito na talaga at tanggap ko na
Ang mundo ay bilog ngunit ang sistema ay tatsulok.