Dalawang engkanto ang nahumaling kay Sofia. Si Prinsipe Minandro ng kahariang asul at si Prinsipe Damascus ng kahariang berde. Parehong makapangyarihan. Parehong nagmamahal ng tapat sa dalaga.
"Ako ang piliin mo aking mahal. Iaalay ko sa iyo ang pinakamagandang perlas sa pusod ng karagatan." magiliw na sa turan ni Prinsipe Minandro.
Sakop niya ang kahit na anong anyong tubig na iyong maiisip.
"Ako ang iyong dapat piliin aking sinta. Alay ko'y ang pinakamagagandang bulaklak sa balat ng lupa." buong lambing na sabi naman ni Prinsipe Damascus.
Taglay nya ang kapangyarihan sa buong kalupaan. Puno o halaman.
Pinagmasdan ni Sofia ang dalawang makikisig na prinsipe sa kanyang harapan. Na naninikluhod na naghahandog ng kanilang wagas na pag-ibig sa kanya.
Wala siyang tulak-kabigin kung ang pagbabasehan ay ang pisikal na anyo ng bawat isa. Tunay nga namang kay gagandang lalaki ng mga ito at kahit na sinong anak ni Eba ay mabibighani sa dalawang nilalang.
At napakapalad ni Sofia. Bukod tangi sa lahat. Sapagkat nabihag nya ang puso ng mga engkanting prinsipe.
"Kailangan kong pumili ng isa. Ngunit paano?" Bulong ng dalaga.
Ngunit agad din siyang nakakuha ng kasagutan. Isang ideya ang pumasok sa kanyang isipan.
"Magaling ang aking naisip na pamamaraan. Bukod sa mapapadali nito ang aking pagdededisyon kung sino sa kanilang dalawa ang pipiliin ko ay matutupad na rin ang matagal ko nang pinapangarap." Sabi nito sa isip lamang.
Isang matamis na ngiti ang ibinigay nya sa dalawang prinsipe bagi nagsalita.
"Dadaanin natin sa isang pagsubok ang aking pagpapasya. Isang patas na pagsubok para sa inyong dalawa."
Nagkatinginan sina Prinsipe Minandro at Prinsipe Damascus. At sabay ding nagbalik ng tingin sa dalagang kanilang iniirog.
"Pumapayag ba kayo?" tanong ni Sofia.
"Oo. Pumapayag kami." magkapanabay na sagot naman ng dalawang prinsipe.
Sumilay ang isang matagumpay na ngiti sa labi ng dalaga. Walang pagsidlan ang kasiyahang kanyang nararamdaman ng mga oras na iyon.
Dahil nalalapit nang matupad ang matagal na niyang minimithi.
"Kung ganoon makinig kayong mabuti, aking mga prinsipe." panimula ni Sofia.
Mababakas ang agarang pagbangon nang matinding interes sa mga mukha nila Minandro at Damascus. Nais nilang mapakinggang mabuti ang pagsubok na nais ni Sofia na kanilang gawin upangbmakapili na siya ng makakaisang dibdib.
Ang magiging kanilang reyna.
"Ito ang aking pagsubok ... kung sino man ... sa inyong dalawa ... ang tutupad ng aking masidhing pinapangarap ... siya ang karapat-dapat."
"Taglay ko ang kapangyarihan ng tubig, mahal kong Sofia. Sa abot ng aking makakaya, tutupdin ko ang iyong nais."
"Sa kapangyarihan ng lupa, anumang pangarap ay kayo kong ibigay sa iyo, Sofia."
"Magaling."
"Ano ba ang iyong minimithi?" Muling sabay na tanong ng dalawang prinsipe.
Tila nagliwanag ang mukha ni Sofia bago ito sumagot.
"Ang maging isang ganap na babae."