"Bakit ayaw mo maging June bride. Yun kaya ang uso." Pangungulit sa akin ng bestfriend kong si Aya."Kahit anong month, wag lang June." Mariing sagot ko. Nagpropose kasi sakin nung isang araw ang boyfriend ko. At napag-uusapan na ang date ng kasal.
"Bakit nga?"
Napilitan akong ikuwento kay Aya ang dahilan kung bakit.
Noong bata ako mahilig sa magkwento ang lola. Pwedeng kathang isip lang, pwede ring baka totoo nga.
May isang kwento sya noon. Tungkol sa kasal. Sabi nya noon daw ang pinakamalas na buwan ng pagpapakasal ay June.
May isang babae raw na inindian ng groom nya sa mismong araw ng kasal nito. Hindi sumipot ang lalaki. May nakapagsabi sa kanya na nung araw mismo na iyon ikinasal sa iba ang groom nya.
Kinabukasan hindi na nakita ang babae. Pero simula raw noon sa tuwing buwan ng hunyo may isang pares ng ikinakasal ang namamatay. Parang sumpa raw iyon ng babae.
Sa paglipas ng panahon nang pasalin-salin ng kwento naiba na ito. Sabi nila ang June Wedding daw ang pinakamaswerteng kasal. Dahil matagal na pagsasama ng mag-asawa ang biyayang hatid ng pagpapakasal sa buwan ng Hunyo.
"Oo nga. Matagal na pagsasama. Till death do us part. Dahil sa mismong kasal sabay kayong mamamatay." Pagtatapos ko sa kwento.
"Grabe ka naman. Kwento lang yun. Kung baga sa wattpad , fictional lang. Wag mong dibdibin." Natatawang sabi ni Aya.
"Ah basta. Fiction man o hindi, ayaw ko pa rin maging June bride."
Hindi natin masasabi kung kaninong kasal sa buwan ng June ang matutulad sa kwento ni Lola. At wala akong balak na mapabilang sa mga June Wedding na iyon.
Pero sa di inaasahang mga pangyayari napagdesisyunang sa buwan ng June ganapin ang kasal. Ayon na rin sa pamilya ni Simon at sa mga magulang ko. Hindi ko na rin binanggit ang tungkol sa kwento ni Lola dahil baka pagtawanan lang din nila ako tulad ni Aya.
Siguro nga fiction lang ang kwentong iyon. Katulad ng mga nababasa ko sa wattpad. Kathang-isip lang. Hindi totoo.
Marahil dala na rin ng excitement sa preparasyon ng kasal ay nagawa kong iwaksi sa isip ang mga bagay tungkol doon. Pilit kong kinalimutan ang kwentong iyon ni Lola. Ang kasal ang pinakamasayang araw para sa isang babaeng tulad ko. Hindi dapat iyon katakutan.
June 13, 2016
Dumating ang takdang araw. Kumpleto ang mga mahal namin sa buhay, pamilya, kaibigan at ilang mga kakilala. Isang perpektong seremonya ng kasal sa simbahan tulad ng pinangarap ko.
"I now pronounce you husband and wife."
***
Kinabukasan.
Isang malagim na pangyayari ang naganap.
Bumangga sa malaking truck ang isang bridal car na patungo sana sa hotel na pagdarausan ng wedding reception. Sakay nito ang mga bagong kasal na agad ding binawian ng buhay dahil sa naturang aksidente.
Ayon sa driver nang nasabing bridal car na himalang nakaligtas bigla na lamang daw nawalan ng preno ang sasakyan. Pero ayon naman sa mga pulisya na nag-imbestiga sa kaso na maayos daw ang kundisyon ng nasabing bridal car.
Isa nga ba itong aksidente o kababalaghan?
"Hon, bakit ka umiiyak?" Tanong sa akin ni Simon. Hindi ko namalayang nandyan na pala sya. Hinihintay ko sya dito sa lobby ng hotel kung saan kami naghoneymoon. Ngayon ay nasa harap ko na at alalang-alala.
Itinupi ko ang dyaryong binabasa at ipinatong sa mesa sa tabi ko bago ko sya hinarap nang nakangiti.
"Masaya lang ako, hon. Masayang-masaya." Sabi ko pa atsaka yumakap sa kanya ng buong higpit.