Mayaman s'ya, mahirap ako. Langit at lupa ang pagitan naming dalawa. Pero nagmamahalan kami. Mahal ko siya at mahal niya ako.
Akala ko lang pala iyon. Ako lang pala ang nagmamahal sa kanya.
"Kailan mo sasabihin sa magulang mo ang tungkol sa atin, Kevin?" Tanong ko sa kanya matapos ang maiinit na mga sandali.
"Walang tayo Graziela. Hindi pwedeng malaman ng mga magulang ko ang tungkol sa atin. Naiintindihan mo ba?" Pagalit na sabi nito habang nagbibihis. Nanatili akong nakaupo sa gilid ng kama ko. Balot ng kumot ang hubad kong katawan.
"O-oo naiintindihan ko." Mahinang sagot ko sa kanya. Ayoko siyang mawala sa akin. Masyado ko siyang mahal. Kaya kahit ano kaya kong tiisin para sa kanya.
Pagkatapos magbihis ni Kevin umalis na rin siya sa silid ko. Ganoon naman lagi. Sanay na ako.
Lumipas pa ang mga buwan. Nanatiling lihim ang anumang relasyon mayroon kami. Hanggang sa isang araw nag-uwi ng babae si Kevin sa mansyon.
Inisip ko pang isa lamang iyon sa mga kaibigan ni Kevin. Pero gumuho ang mundo ko nang marinig mula sa bibig niya mismo kung sino ang babaeng iyon sa buhay niya.
"Ma, Pa, gusto kong ipakilala sa inyo si Rosemarie. Ang babaeng ihaharap ko sa altar at papangakuang mamahalin hanggang kamatayan."
'Hindi ako papayag. Sa akin ka lang Kevin. Naiintindihan mo ba ako?' Puno nang galit na sinasabi sa isip ko ang mga katagang ito.
Na tila isang orasyon o sumpa. Habang matamang nakatitig sa babaeng nagngangalang Rosemarie.
Nang gabing iyon hindi ako pinuntahan ni Kevin sa aking silid. Kaya ako na mismo ang nagsadya sa kwarto niya.
"Anong ginagawa mo rito? Bumalik ka na sa silid mo. Baka may makakita pa sa iyo na nandirito ka."
"Sino ang babaeng iyon? Bakit mo siya pakakasalan?"
"At sino ka para tanungin ako nang ganyan? Tagapagsilbi ka lang."
"Pero alam mong mahal kita Kevin."
"Hindi kita mahal Graziela. Si Rosemarie ang mahal ko. Kaya ko siya pakakasalan."
"Hindi ako papayag. Sa akin ka lang Kevin. Naiintindihan mo ba ako?"
"Anong sinabi mo?"
Hindi ko na siya sinagot at agad na akong umalis ng silid na iyon.
Nagpatuloy ang normal na pamumuhay ko sa mansyon. Kasabay nang preparasyon nang lahat sa nalalapit na kasalang magaganap.
'Hindi ako papayag. Sa akin ka lang Kevin. Naiintindihan mo ba ako?' At ang mantrang ito ay paulit-ulit ko ring ibinubulong sa sarili ko.
Dumating ang araw ng kasal. Abala ang bawat isa. Nagsasaya. Nagbubunyi. Ganoon din ako. Kay tagal ko ring hinintay ang araw na ito.
Tamang oras at pagkakataon na lamang ang aking hinihintay.
Nakita kong pumasok mag-isa sa mansyon si Rosemarie. Hindi na ako nag-aksaya pa ng pagkakataon. Sinundan ko siya sa loob nang palihim hanggang sa silid ni Kevin.
***
Lumabas si Rosmarie mula sa mansyon at may hawak na kutsilyo. Tulala itong lumapit sa asawa.
"O,mahal. Ang tagal mo naman." Sabi ni Kevin at napatingin sa hawak nito "Kaya pala e. Kumuha ka pa nang panghiwa sa cake."
Pero laking gulat ni Kevin nang biglang itinurok ni Rosemarie ang kutsilyo sa sarili nitong dibdib.
"Hindi ako papayag. Sa akin ka lang Kevin. Naiintindihan mo ba ako?"
Mga huling salitang sinabi ni Rosemarie bago malagutan ng hininga sa mga bisig ng asawa.
Nagkagulo na ang lahat ng taong naroon. At di nila napansin si Graziela na humahalakhak mula sa pagkakatayo sa beranda ng silid ni Kevin at tinatanaw ang nangyayari sa ibaba.
"Sinabi ko na sa iyo, Kevin. Akin ka lang. Akin."