SIMULA: Ang mga Diablo sa Uniporme

2.6K 54 5
                                    

Simula.

MALALIM na ang gabi kaya't malinaw sa kanyang pandinig ang kalunos-lunos na panaghoy ng babae na nagmumula sa kung saan.

Masukal ang kakahuyang iyon.

Hindi biro ang bawat paghakbang dahil bukod sa limitado lamang ang kanyang nakikita ay hindi niya pa batid kung saan ligtas itapak ang mga paa.

Kung hindi siya mamamatay sa mga kamay ng kung sino mang nagpapahirap sa babaeng lalong umiigting ang pag-iyak sa 'di kalayuan ay marahil sa tuklaw ng ahas siya papanaw. O sa pabulong na sumpa ng mga maligno't lamang-lupa, kung totoo nga ang mga 'yon.

"Mga demonyo kayo! Bakit hindi niyo pa ako patayin? 'Yon naman ang gusto niyo 'di ba?! Nasisiyahan ba kayong pinahihirapan ako, ha?! Patayin niyo na ako mga anak kayo ng diablo!"

Hindi ang poot at paghihirap sa boses na kanyang narinig ang nagpabaha ng kaba sa kanyang dibdib kundi ang pamilyar na tono nito. Kilala niya kung kanino nagmumula ang boses na iyon at hindi siya maaaring magkamali. Boses iyon ni Magda!

Libu-libong katanungan ang agad pumasok sa kanyang isipan.

Bakit ito naroon?

Sino ang mga kausap nito na sila ring nagpapahirap sa kanya?

Anong nangyayari?

Isang bagay lang ang sigurado siya. Kung hindi siya kikilos ngayon ay hindi na masisilayan pa ni Magda ang susunod na umaga. O marahil sa pagkilos niyang iyon ay dalawa na silang hindi makasisilay sa liwanag ng araw.

Kailangan niya lamang ilihis pabalik ang katawan at dahan-dahang tumakas mula sa lugar na iyon at kalimutan na lang ang lahat upang maligtas, ngunit nagsimula nang umabante ang kanyang mga paa patungo sa posibleng huli niyang hantungan.

Hindi niya mapagkakatiwalaan ang sariling katawan.

"Siguraduhin ninyo na paglabas niyo sa gubat na 'to ay hindi na ako humihinga dahil kapag binuhay niyo pa ako, iisa-isahin ko kayo, tandaan niyo 'yan mga hayop!"

Pinupunit ng malakas ngunit pagal na boses nito ang katahimikan ng gabi. Binibingi siya ng mga salita ni Magda. Umuulit iyon sa likod ng kanyang isipan. Idagdag pa ang pagdagundong ng kanyang dibdib. Hindi siya makapag-isip.

Nanginginig ang kanyang tuhod sa bawat paghakbang na ginagawa niya.

Malamig ang samyo ng hanging pang-gabi pero tagaktak ang pawis niya na nagmumula sa kanyang noo pababa sa kanyang leeg.

Lukot na rin ang suot niyang school uniform at nanlalagkit na rin dahil sa pawis ang lampas-balikat niyang buhok.

Hindi niya alam itong pinapasok niya at batid niyang delikado ito. Gayunpaman, kailangan niyang iligtas si Magda sa kung sino o anumang nagpapahirap dito.

Sa wakas, sa tulong ng malamlam na liwanag ng buwan, ay narating na niya ang kinaroroonan nito.

Sa 'di kalayuan ay naroon ito. Nakabulagta sa lupa at halatang nahihirapan. Sugatan ang katawan nito dala marahil ng matinding bugbog.

Agad siyang nakaramdam ng awa dito.

Nais niya itong daluhan at tulungan pero hindi maaari sapagkat napapalibutan ito ng limang kababaihan na ngayon ay walang awa itong pinagtatatadyakan sa katawan.

Gusto niyang magsisigaw dahil sa nasasaksihan niya pero walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. Nais niyang sugurin ang mga ito pero hindi nakikisama ang nanlalambot niyang tuhod.

MAGDATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon