Hindi mapakali sina Art at Pencil. Habol-habol nila ang bawat pagtaas-baba ng kanilang mga hininga. Napapalunok-laway sila. Ilang saglit pa, nabuwal ang pintuan ng kuwartong kanilang pinagtataguan. Natumba at napatihaya sila sa sahig. Isa-isa silang tinadtad ng saksak, at pinalo nang pinalo ng palakol hanggang sa malagutan ng hininga.
Gutom na sila. Wala silang mahanap na pagkain sa bayan. Ginabi sila ng uwi. At ma-suwerte sila dahil sa mismong bahay may dumating na bisita. At sila ay patungo sa kinaroroonan nila Art at Pencil sa dulong bahagi at pang-apat na kuwarto ng kanilang tahanan.
"Bakit ba kasi napadpad tayo rito sa lugar na ito? Nakapangingilabot," wika ni Pencil.
"Sino ba kasi ang nagsabi sa iyo na sumama ha?" Singhal ni Art.
"E, sa gusto ko e! Wala kang magagawa!" Sigaw naman ni Pencil.
Maririnig ang ingay ng langitngit ng kawayan habang dahan-dahang naglalakad ang ama, ina, isang batang lalaki at babae. Ang lalaki ay may hawak na kutsilyo habang ang babae ay may palakol. Ang mga bata naman ay nakasunod lamang sa kanila.
Sa hindi kalayuan, isang matandang babae ang dumaan sa kanilang harapan. Muntik na itong mabangga ni Art. Mabuti na lamang at naapakan niya ang preno.
Halos mangisay naman sa kaba si Pencil nang malamang may mababangga sila. Agad silang bumaba upang tingnan kung nasagasaan ang babae. Ngunit, wala silang nakita.
"Hay, salamat! Wala naman pala. Muntik na tayo!" Buntong-hiningang saad ni Art.
"Hindi kayo dapat naparito! Mapanganib. Umalis na kayo. Umuwi na kayo! Mamamatay kayo!" Isang babae ang lumitaw sa likuran nila. Nakasuot siya ng belong itim na nakatalukbong din sa kanyang ulo.
Nang tingnan nila Art at Pencil ang babae, nagulat sila. Siya ang matandang muntik na nilang masagasaan. Nanlilisik ang kanyang mata. Umaapoy. Matatalim.
"Nay, Tay, gutom na ako," himas-himas ni bunso ang kanyang tiyan.
"Pasensya na, anak. Wala tayong naimbitang sumama rito sa bahay e. Ito may atay pa," wika at alok ng ama sa bunso ng kapirasong atay.
"Tay, hindi na po iyan sariwa!" Padabog na turan ng batang lalaki.
"Mahal, may nakapasok yata sa bahay natin. Sa taas. Akyatin natin," naulinigan ng ilaw ng tahanang may tao sa taas.
"Puntahan na natin! Baka pagkain na 'yan!" Masayang wika ng panganay na batang babae.
"Art, mahal pa rin kita. Mahal na mahal." Agad na hinawakan ni Pencil sa pisngi si Art at sinibasib siya ng halik.
"Puwede ba, Pencil! Wala na akong nararamdaman sa iyo. Tigilan mo na ang kahibangan mo!" Wakli at asik ni Art.
"Hindi! Hindi ako naniniwala. Kung hindi mo ako mahal, bakit mo ako pinayagang sumama sa iyo?" Sigaw ni Pencil na unti-unting namumuo ang luha sa mata.
"Dahil mapilit ka! Kaya, puwede ba, tumahimik ka na lang. Dagdag pasanin ka pa. Malilintikan pa ako sa magulang mo kapag may nangyaring masama sa iyo. Kailangan na nating makaalis rito," sagot ni Art.
Sa isang hindi pamilyar na lokasyon, napadpad sina Art at Pencil. Matulin ang takbo ng sasakyan at hindi namalayan ni Art na mali ang direksyong kanilang tinatahak.