"Hawak-hawak ang pumpon ng rosas na gusto kong iabot sa iyo.
Pero natigilan ako sa mabagal na paglalakad.
Masakit tanggapin na huli na ang lahat."
Tila sinasadya ng panahon na umiyak sa tuwing nagtatagpo ang landas nila.
Naglalakad si Roy sa gitna ng ulan. Malalakas ang mga patak na tumatama sa payong niya. Basang-basa na ang kanyang sapatos pati ang laylayan ng suot na maong. Pero kailangan na niyang makauwi kasi papalubog na ang araw.
Nang sa 'di kalayuan ay napansin niya ang isang pamilyar--- mas mainam na sabihing 'kabisadong' mukha. Ang napakaamong hitsura, mala-anghel.
Bahagyang napangiti si Roy. Nakakatawang isipin, isang anghel ang naghihintay sa waiting shed at sinusubukang iwasan na mabasa ng ulan.
"Tina," bati ni Roy sa dalaga na sumagot naman ng ngiti. "Kanina ka pa?"
"Oo e, nakakainis na." Ngumuso pa si Tina sa kalangitan. Napakadilim pa nito, marami pang ipon na luha.
Napangiti ulit si Roy. Ano ba ang ginagawa ni Tina? Nagpapakyut ba siya sa langit para tumila na ito?
"Tina, kung gusto mo---"
"Ay teka, bakit hindi ka pa nagpapagupit?" tanong nito na hindi alintana ang naputol na pangungusap ni Roy.
"Sa-sabi mo kasi bagay sa akin ang mahabang buhok," katwiran ni Roy. Nawaglit na sa kanyang isipan ang balak na ayain si Tina na sumukob sa payong niya.
"Shunga! Noon iyon! Uy, naalala pa niya ah," sagot ng dalaga.
"Hayaan mo na nga." Umiwas siya nang tingin nang mapagtanto ang nasabi. "Kailangan mo na umuwi 'di ba? Share ka na sa payong ko," paanyaya niya.
"Sige." Ngumiti si Tina na tila tumunaw sa puso ni Roy. "Next time, okay?" dugtong nito.
Kasabay niyon ang pagtigil ng isang kotse sa tapat nila. Bumukas ang pinto nito.
"Ba't ngayon ka lang?" tanong ni Tina sa nagmamaneho. "H'wag ka magpaulan ah?" Bumaling siya kay Roy bago pumasok sa sasakyan na agad namang umalis.
Napangiti ng mapait si Roy. Paano pa siya mababasa ng ulan kung nakababad na siya sa pagluluksa.
Lumakad siya ng ilang hakbang na para bang sinasabayan niya ang takbo ng papalayong sasakyan.
"Hawak-hawak ang payong na gusto kong ialok sa iyo.
Pero natigilan ako sa mabagal na paglalakad.
Masakit tanggapin na huli na ang lahat."
Napakataas ng langit. Napakalawak. Napakadakila. Pero kahit ganoon, umiiyak pa rin ito. Bakit kaya?
Ito ang tanong na bumagabag kay Roy habang nakasilong sa isang tindahan. Matindi ang hagupit ng ulan kaya wala siyang magawa kundi manatili doon pansamantala para hindi mabasa ang dalang gitara.
Ilang saglit pa may papalapit na babae. Tumatakbo ito habang tinatakpan ng kamay ang kanyang ulo.
Napangiti si Roy. Para namang mapipigil ng kamay niya na hindi mabasa.
"Ate, pabili po," tugon ng dalaga sa tindera. Napabaling naman ng tingin kay Roy ang dalaga. Nag-aalangan na sabihin ang bibilhin niya kaya pinalapit niya ang tindera at binulungan.
"Ay sige ineng, with wings ba?" tanong ng tindera.
"Ate naman e!" agarang reaksyon nito.
Lihim na napangiti si Roy. Naririnig niya ang kanilang pag-uusap kahit hindi sadya.