SS #9- Bad Blood

86 7 2
                                    


Sumisigaw ang katahimikan sa muling pagkikita nila ni Abigail. Sumasabay sa tindi ng init ang tensyon na namumuo sa pagitan nila. Humahalo sa hangin ang gabok at usok na nagmumula sa site kung saan siya nagta-trabaho bilang mason.

Nabasag ang katahimikan sa pag-ubo ni Abigail. Tumikhim ito at lakas-loob na tinitigan siya. Nanunuot ang tingin nito, tumatagos sa kaluluwa niya. Ngumuko siya. Lumingon. Tumanaw sa malayo. Iniwasan niya ang mga titig nito.

"Hindi ko na 'to patatagalin pa. Ayokong aksayahin ang oras mo," ani Abigail sa malamig na tono. "Sabi nila, kailangan ko raw ng closure."

"Closure?" kunot-noong tanong niya.

Kumurba ang nanunuyang ngisi mula sa labi ni Abigail. Bakas ang disgusto at pagkadismaya sa mukha nito habang marahang umiiling. "Ewan ko nga ba. Hindi ko naman 'to kailangan. Wala naman akong kailangang kahit ano mula sa 'yo. Nakaya ko naman lahat, e. Bakit nga ba kailangan pa kitang kausapin?"

Huminga siya nang malalim. Nagbago na si Abigail. Matapang na ito at kaya-kaya na ang sarili. Hindi na nito kailangan ang isang tulad niya. Hindi kagaya noon.

Siyam na taon ang nakararaan, kailangan pa siya ni Abigail. Siya ang sentro ng buhay nito. Siya ang kasangga nito sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras. Siya ang karamay nito sa lungkot at saya. Siya ang sandigan at kaibigan niya. Ang kanyang superhero.

"Balita ko, crush mo raw si Jayson, 'yung kaklase mong running for valedictorian. Totoo ba?" mahinahong tanong niya. Bakas sa mukha ng noo'y nagdadalaga nang si Abigail ang pinaghalong gulat at hiya. Alam niya na siya ang huling taong gusto nitong makaalam ng kanyang sikreto. "Sabi sa akin ng Mama mo."

Lalong namula ang dalaga. Alam niyang may sasabihin pa ito at hindi lang makapagsalita dahil sa hiya kaya naman siya na ang nagkusa. "Siya ba ang ka-date mo mamaya sa prom?"

Tumango ito. Ngumiti naman siya rito at hinawi ang mga takas na buhok na tumatabing sa napakaamo nitong mukha. "Mukhang 'di pala ako ang magiging ka-date mo forever. Marami nang nakakakita sa prinsesa."

"Ikakasal na ko." Totoo ngang nag-iba na si Abigail. Matapang na ito at bawat bitaw ng mga salita ay parang puno ng paninindigan. Parang kayang-kaya na nga niya ang sarili niya. Kaswal na kaswal ang pagkakasabi nitong ikakasal na siya. Hindi kagaya noon na natatameme pa ito, magsasabi lamang na ka-date niya sa prom ang kanyang crush. "I'm not inviting you, just so you know. Ini-inform lang kita." Bumalandra ang pekeng ngiti nito.

Alam niyang wala na siyang karapatan ngunit ipinapanalangin niya na muli niyang masilayan ang ngiting bukal sa loob ng inosenteng si Abigail. Iyong mga ngiting tumutunaw sa kanyang puso. 'Yong mga ngiting sumasalamin ng tunay na kasiyahan.

"Ang corny, 'no? Parte ka raw kasi ng buhay ko. Ewan ko ba sa mga iyon. Kung ano-anong walang kuwentang bagay ang pinagsasabi."

Masakit ang sinabing iyon ni Abigail. Para na ring sinabi nitong hindi totoo ang lahat ng masasayang alaala na binabalik-balikan niya. Mula nang una niya itong masilayan hanggang sa araw na nagkamali siyang ito ay iwan.

Hindi maipaliwanag ang sayang nararamdaman niya nang una niyang makita si Abigail. Pakiramdam niya'y nagtatatalon ang kanyang puso habang pinagmamasdan ang napakaamong mukha nito. Parang nakakita siya ng anghel na mahimbing na natutulog.

Nang magising ito ay agad siya nitong ginawaran ng napakahigpit na yakap.

"Papa," nakangiting tawag sa kanya ni Abigail. Isang buwang buntis pa lamang ang asawa niya nang umalis siya upang mangibang-bansa. Nang matapos ang tatlong taong kontrata nito at makauwi sa Pilipinas, ang anak niya ang una niyang hinanap. Lahat ng pagkukulang niya sa anak na sa litrato niya lang nasisilayan ay pinunan niya. Kaya naman naging sobrang malapit sa kanya ang anak, sapat na para sabihing ito ay Papa's girl.

Kung tatanungin ang anak niya kung ano ang pinakapaborito nitong alaala, ang first date nito ang babanggitin nito. Anim na taong gulang pa lang ito noon at nag-aaral ng grade one. Kakalabas lamang nito sa eskuwelahan nang madatnan niya ang kararating pa lang na ama. Sinalubong siya ng yakap ng paborito niyang anak.

Nang kumalas ito ay saka siya nagsalita. "Date tayo, anak?" nakangiti rin siya rito. Lumingon siya sa asawa niyang tinanguan lang siya. "Miss na miss ka kasi ni Papa, e."

Agad na nagbihis si Abigail dahil sa pagkasabik. Halos madapa pa nga ito nang bumaba mula sa hagdan. "Ang ganda naman ng baby namin. Naku, marami yatang mapapaiyak na boys ito," natatawang biro niya sa asawa niya.

Tama siya. Hindi niya akalaing isa siya sa mga paluluhain ng kanyang anak.

"Salamat sa pagpapahiram mo sa akin ng apelyido mo. I think this is enough as a closure, right? I am no longer your daughter naman kasi. Not that I assumed na inalala mo 'yun bago mo kami iniwan." Kumawala ang pagak nitong tawa. "That's why I hate na paulit-ulit nilang sinasabing kahit ano'ng gawin ko, pagbali-baliktarin ko man ang mundo, ikaw pa rin daw ang tatay ko. That's a lie. You gave up on being a father when you left. So, ako na ang magso-sorry on behalf of them." Tumayo na ito at handa nang umalis.

"Abigail..." pigil niya rito.

"That's it. I'm leaving. Thanks for your precious time. Be assured na wala na akong balak na magkita pa tayo. I hope this is the last time."

"I'm sorry, anak." Gusto niyang yakapin si Abigail. Miss na miss niya ito. Matagal na niyang gustong humingi ng tawad ngunit sarado na ang puso nitong pinatigas ng kasalanan niya. Ang dating napakatatag na koneksyon nila ay tila napakanipis na pisi na anumang oras ay maaaring mapatid. "Please, pakinggan mo ako."

"Huwag kang mag-sorry kung 'di mo naman mini-mean. At kung sa tingin mo, mapagdudugtong pa niyan ang kung ano mang putang amang naputol sa pagitan natin, hindi na. Hinding-hindi na."

Siguro nga ay wala siyang karapatang humingi ng pagkakataon na magpaliwanag dahil noong nagmamakaawa si Abigail para sa eksplanasyon niya, ipinagkait niya iyon.

Ano ang sasabihin niya? Nambabae siya? Na mas mahal niya ang pariwarang babae na mas mababa pa sa kalapati ang lipad? Na mas pipiliin niya ang isang basura kaysa sa kanyang reyna at prinsesa? Na iniwan niya ang palasyo para manirahan sa iskwater? Lalong masasaktan ang anak niya.

Malalim ang sugat na iniwan niya sa murang isipan ni Abigail. Sapat na ang sugat na iyon para kalimutan nito ang lahat.

Tuluyan nang naputol ang pisi ng nag-aapoy na galit ng sarili niyang dugo at laman.

"

YSSF 2: First WaveDonde viven las historias. Descúbrelo ahora