"Anak ko! Elia!" Halos maglupasay ang ginang ng makita ang wala ng buhay na katawan ng anak niyang dalaga.
Kalunos-lunos ang sinapit nito na mapaghahalatang ginahasa muna bago pinatay. Wala na itong saplot pang-ibaba. May busal ang bibig at puro pasa ang katawan. May ilang paso din ito ng sigarilyo sa maseselang bahagi ng katawan.
"Ale... Mama... Nakita niyo po ba si Elia?" Halos mabaliw-baliw na si Aling Rowena sa kahahanap sa nag-iisang anak na dalaga. Isang linggo na itong nawawala.
Lahat ng alam niyang maaring puntahan nito ay pinuntahan niya na. Lahat ng mga nakilala niyang kaibigan nito ay tinanong niya na. Pero ni isa ay walang nakakaalam kung nasaan ang dalaga. Summer vacation naman kasi sa kasalukuyan kaya naman pinagbigyan niya itong gumala. Ang hindi niya lang akalain ay 'di na pala ito uuwi.
"Nay, mamamasyal lang po kami ni Robi." Paalam ni Elia na agad niyang inayunan. May tiwala naman kasi siya sa dalawa. Si Robi ay boyfriend ng anak niya.
"Sige, basta wag masyadong magpapagabi sa daan. Alam mo na, delikado ang panahon ngayon, Elia." Paalala niya.
Wala siyang nakuhang sagot mula sa anak. Napatayo na lamang siya nang marinig ang ugong ng papalayong motorsiklo. Umalis na ang dalawa.
"May isa pang bangkay dito!" Anunsiyo ng isa sa mga nag-iimbestigang pulis sa pinagtagpuan ng bangkay ni Elia.
Gusto niyang tumayo at tingnan kung kaninong bangkay ang nakita ng mga ito, pero halos hindi na kaya pang kumilos ng kanyang nanlalatang katawan.
"Lalaki!" Iyon lamang ang narinig niya.
Ilang saglit pa at nilagay na ng mga ito sa body bag ang bangkay. Nang dumaan ang mga ito sa harap niya ay bigla na lamang siyang napausal.
"Robi", hindi niya alam, pero iyon agad ang pangalang unang pumasok sa isip niya.
"Nay, si Robi po boyfriend ko." Mahinang wika ni Elia, pero sapat na para makarating sa kanyang pandinig.
Nag-angat siya ng tingin mula sa sinusulat na report. Nakita niya ang isang binatang katamtamang ang laki ng katawan, maputi, singkit ang mata, at may mahiyaing ngiting nakaguhit sa labi. Hindi niya ginantihan ang ngiting iyon bagkus ay seryoso siyang nagsalita.
"Hindi ko pinipigilang magboyfriend si Elia, pero pagsinaktan mo siya..." Mula sa katabing upuan ay kinuha niya ang isang calibre. 45 at ikinasa. "Hanggang impiyerno hahabulin ka ng bala ng kuwarenta y singko ko!"
Gusto niyang matawa nang makita ang takot sa mga mata nito. Sinenyasan niya ang anak na dalhin sa salas ang boyfriend para mahimasmasan.
Halos wala na siyang mailuha habang nakatingin sa anak niyang nakahiga sa stainless na higaan. Bilang pulis ay sanay na siyang makakita ng mga patay at mga iniimbalsamo, pero iba pala talaga kapag mahal mo sa buhay ang nasa sitwasyon. Kung bakit kasi 'di siya mapamahiing tao. E, di sana pinigilan niya ang dalawa nang makita niyang walang ulo ang mga ito sakay ng papalayong motorsiklo.
Sana hindi niya ngayon nakikita ang sariling anak na ibinababa sa nitso at tinatabunan ng lupa ang kabaong nito.
Wakas.